The Project Gutenberg eBook of Ang Mestisa. Ikalawang Bahagi (Second Volume)

This ebook is for the use of anyone anywhere in the United States and most other parts of the world at no cost and with almost no restrictions whatsoever. You may copy it, give it away or re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included with this ebook or online at www.gutenberg.org. If you are not located in the United States, you will have to check the laws of the country where you are located before using this eBook.

Title: Ang Mestisa. Ikalawang Bahagi (Second Volume)

Author: Engracio L. Valmonte

Release date: October 17, 2004 [eBook #13773]
Most recently updated: December 18, 2020

Language: Tagalog

Credits: Produced by Tamiko I. Camacho and PG Distributed Proofreaders.
Produced from page scans provided by University of Michigan.

*** START OF THE PROJECT GUTENBERG EBOOK ANG MESTISA. IKALAWANG BAHAGI (SECOND VOLUME) ***


[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is
marked as ~g.]
[Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa
upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon
ay hindi na ginagamit.]

 

Ang Mestisa

ANG MESTISA

Mga iba pang Aklat ni E.L. Valmonte

ILAW NG KATOTOHANAN (Unang bahagi) Aklat na naghahatid n~g liwanag sa isip at umaakay sa kaluluwa sa landas n~g tapat na pagkakilala sa Diwa at Buhay n~g Sangmaliwanag. Kahinahinayang na di mabasa. P0.80 ang bawa't sipi.

Tinatapos sa Limbagan:

"
Ang Mestisa
" (Unang Bahagi) Ikalawang pagpapalimbag.


"
Mga Inang Walang Anak
"


"
Lupit ng Tadhana
"


"
Ilaw ng Katotohanan
"

(Pan~galawang bahagi)




NOBELA

ANG MESTISA

(Ikalawang Bahagi)

KATHA NI


ENGRACIO L. VALMONTE

"Kasapi sa Aklatang Bayan"


Unang Pagkapalimbag

Hunio, 1920

IMP. ILAGAN Y CIA. 775 Juan Luna, Tundo,
Maynila Telépono 8836


Handog

Sa karapatdapat na Pan~gulo n~g Aklatang Bayan na si G. Precioso Palma.
Ang Maykatha

Talaan ng Nilalaman


XV. ¿MAPALAD KAYA SI TIRSO?

XVI. "¡KAY GANDA MO, ELSA!"

XVII. ¡ANG BUWISIT NA NEGRO!

XVIII. MGA PUSONG NAGLALAMAY

XIX. PAGIBIG AT DALAMHATI

XX. SI TEANG AT ANG "HIMALA"

XXI. PAGSISISI AT PAGBABAGONG LOOB

XXII. MGA NAGAGAWA NG BALATKAYO

XXIII. LANGIT NA MAALIWALAS

XXIV. ISANG SAKUNA

XXV. KAKAIBANG PAGAASAWA

XXVI. ¿SINO ANG ASAWA NI TIRSO?

XXVII. ¡APOY!...


XV

¿MAPALAD KAYA SI TIRSO?


"Kahi't saang tumatahip na lupa ako maparoo'y hintayin mo ang sulat ko, bago ka lumiham sa akin."

Ang hindi pagkakaroon n~g katuparan n~g ganyang pan~gakong iniwan ni Teang kay Tirso ay di sasalang lumilikha na n~g kabalisahan sa kalooban n~g makatang ito, pagkatapos na magdaang sunodsunod ang ilang araw sa gitna n~g kanyang mainip na paghihintay. Nang gabing marinig niya ang ganyang mahigpit na pan~gako sa bibig n~g kanyang kasi, ay di niya inakalang pakatatagal na n~g gayon n~g hindi siya tatanggap n~g sulat, palibhasa, kung totoong sa Nueba Esiha lamang ang uwi, ay di naman kalayuang gaano ang nasabing lalawigan upang mabilan~gan n~g maraming araw ang lakad n~g koreo hanggang Maynila. N~guni't n~gayong panay na "wala po" ang isinasagot sa kanya n~g tagadalang-sulat kailan pa ma't ito'y kanyang abatan sa pagdating at pagtanun~gan n~g bagay na inaantabayanan, ayawayaw man niyang maghinala ay hindi rin siya makalaban sa sarisaring bintang na naguumukilkil sa kanyang ulo.

Kung minsan ay malarawan sa kanyang panimdim ang di bagong pangyayari na pagkakapariwara n~g matimyas na pagasa n~g isang lalaking paris niya na mapalayo sa kinaroroonan n~g kanyang giliw. Ang dalaga at ang binata, bago magtalikod sa isang pahimakas na paguulayaw, ay nagsusumpaang sinoman sa kanila ay di magmamaliw, mananatili kapwa sa kawagasan at pagtatapat hanggang sa huling tibok n~g puso. Ang lalaki ay maiiwang buongbuo ang pagasa sa pan~gako n~g babae: magtataman sa pagaaral, lilimutin ang pagbubulagsak, magbabawas n~g nilibotlibot at pagaaksaya n~g panahon, sa paguupanding pagdating n~g tipanan, pagkatapos n~g pagaaral ay lalo siyang magiging karapatdapat sa mata't pagmamahal n~g kanyang liyag. Datapwa't ang babae, na kapatid n~g kahinaang loob at hinlog n~g pagkasalawahan, ay madaling nagmamaliw, lumilimot sa pan~gako at kumikita n~g bagong ligaya sa lilim n~g pakikipagsuyuan sa iba. ¡Oh, gaanong pagasa n~g lalaki ang nalibing sa laot n~g kapariwaraan, sanhi sa ganyang pagkakabilanin n~g di iilang babae!...

At, si Teang at si Tirso ay naging isang dalaga ri't isang binatang nagsumpaan na walang maglililo ni magmamaliw bago naghiwalay. Tulad sa karaniwang nangyayari, si Tirso ay naiwan ding walang tan~ging kasama sa tanang sandali kundi ang walang pasubaling pananalig sa kadalisayan n~g budhi at matibay na panghahawak sa kadakilaan n~g pan~gun~gusap ni Teang. Subali't ... ¿nasaan ang katuparan n~g pan~gakong iniwan sa kanya n~g babaeng ito? ¿Bakit walang sulat? ¿Siya kaya,—si Tirso,—ay magiging isa rin diyan sa m~ga lalaking nawalatan n~g dibdib at nalurayan n~g puso sa ulos n~g balaraw na walang pan~gigiming itinatarak n~g babae? ¿At si Teang kaya naman ay isa pa ring babaeng katulad n~g di iilang kabaro niya na humahalakhak lamang sa harap n~g bangkay n~g m~ga pusong kanilang pinaglalaruan?...

—¡Oh! Hindi naman magkakagayon marahil ...—ang nawiwika n~g naninimdim na makata, kung dumarating sa dakong ito ang kanyang pagninilaynilay.

At ang pinakatubig na pangpatay sa siklab n~g masusun~git na hinala, ay ang ganitong kanya ring nawiwika:

—Kaipala'y hindi lamang siya magkapanahon sa higpit n~g pan~gan~galaga n~g kanyang ina.

Kung nababanggit namang ganito ang ina ni Teang, ay kasunod nang agad na magugunita ang ibinalitang pagayaw sa kanya n~g matandang; iyon dahil sa kanyang pagkamason. Ang kanyang pagkamason ay bikig na humahalang sa lalamunan n~g naturang matandang nabubulagan n~g pananampalataya't nahihibuan n~g m~ga tagapan~galaga n~g kadiliman, kaya't kailan man ay hindi n~ga yata makatutuloy na maluwag sa loob ang kanyang malinis na pakay. At dito siya untiunting nahihila n~g pagaakalang marahil ang babaeng pinagsisimpanan niya n~g lahat ay nagbabago na n~ga n~g loob at tumataliwakas sa kanilang salitaan. Subali't ang salitaan naman nila ay di na isang salitaan lamang na maaari pang talimuwan~gin kung ibig: yao'y isa nang sumpang hindi mababawi, isang pagkakabuhol n~g palad na di na muling makakalag. ¡Diyata't ang kapangyarihan n~g magulang ay makapanghihinaig pa't makawawalang halaga sa sinumpaan ni Teang na pakikiisang palad sa kanya?

Dito ay di na maitugon ni Tirso ang hindi ikapangyayari n~g ganyang hinuha. Nalalaman niyang sa salitaang kinasasangkutan n~g isang magulang at isang asawa, ang una ang dapat pahalagaha't kilalanin, kasakdalang itong huli ay maduhagi at mapawakawak. Isang kawikaang kagalanggalang ang nagsasabing "sampu mang asawa ay makikita kung mawala, datapwa't hindi ang isang magulang." Nakilala ni Tirso si Teang na isang anak na may likas na pagkamagalan~gin sa kalooba't pasya n~g magulang saka nagtataglay pa n~g isang pananampalatayang di kuno'y nasusumang sa ganang kanya. ¿Maliwanag pa kayang hinagapin, sa gayong paghihintay na walang napapala kundi pagkabigo, na ang pagkakaibang iyan n~g kanilang pananampalataya, na siyang nasasabing sanhi n~g pagayaw n~g ina, ay siya rin namang maging dahil n~g di pagdating n~g sulat na pinakahihintay?

Singkad na isang linggo ang nagdaang kay Tirso ay walang iniiwan kundi ang m~ga bakas n~g kalumbayang halos ikasaid n~g kanyang paniniwala sa kabanalan n~g kaluluwa n~g babaeng pinaguukulan niya n~g boong pagirog.

Samantala, ang nangyaring pagkakabawi sa kolehio kay Teang, saka ang hindi pagkaganap n~g pan~gako ni Tirsong paglalathala sa pahayagan n~g larawan n~g marilag na babaeng iyan na nagtagumpay sa timpalak ay hindi sa nabanggit na makata lamang nakababahala kundi gayon din sa m~ga manunulat sa pahayagang pinagtagumpayan, saka sa di iilang kaibigang tumangkilik sa natukoy na kandidata.

Sa tanggapan n~g m~ga tagapan~gasiwa n~g karnabal sa Luneta ay nan~gahahanay na n~g boong ayos ang nagpapan~gagaw sa gandang m~ga larawan n~g m~ga kandidatang nan~gagsipagwagi sa timpalak n~g isa't isang pahayagan, bukod-tan~ging hindi mahan~gaan n~g balanang nagsasadya roon ang larawan n~ga ni Teang.

Nang araw na iyon, tanghali n~g ika 31 n~g Disyembre. huling araw n~g nanghihimakas na taong 1915, at samantalang si Tirso'y walang kibong nakapan~galumbaba sa isa sa m~ga bukas na durun~gawan n~g kanyang tahanan, ay natanaw niyang papalapit ang ilang lalaking malayolayo pa'y nagtaastaas na n~g kamay at humuhudyat sa kanya. At kanyang nakilala na ang m~ga dumarating ay ilang kaibigang kawal n~g panulat, ilang kasamahan sa laran~gan n~g Panitikang Tagalog.

—¡Panhik kayo, m~ga kasama!—isinalubong ni Tirso sa nagsisirating.

—¿May aginaldo bang nakahanda?—agad itinanong buhat sa lupa n~g isang singliit ni Paguia.

—Kahi't wala ay mayroon din ...—pan~giting naitugon n~g maybahay na makata.

—¡Huwag kang magbiro't sadyang totohanan itong lakad namin!—anang isa namang singlaki ni Sochong.

At noon di'y sabaysabay ang nagsirating na umakyat sa hagdanan. Matulin namang sinalubong ni Tirso.

At ... ¡sabihin pa! Ang m~ga manunulat, na kung sabihin n~g iba'y m~ga hibang, ulol, sinun~galing, nguni't ang totoo'y "nakapagguguho n~g kahakaharian at nakapagbaban~gon n~g sangbasangbayanan", wika n~ga n~g isang guro, kung magkasamasama't magpalagayan ay talo pa iyang tunay na magkapatid na ipinan~ganak n~g iisang ina. Sa kanila, ay wala niyang pagtutumpik. Bawa't salitang gamiti'y kataga n~g katapatang loob, bigkas n~g kaisang damdamin, pahayag n~g panibulos na pagtitiwala. Kaya't sa paguusap nilang yaon ay pawang n~giti n~g saya at sigla n~g pagbibiro ang naghari sa lahat.

—Silveira,—ang pagkapanhik n~g lahat ay sinabi n~g nakasalaming kamukha ni Tirso,—Bagong Taon bukas, at sukat nang mahulaan mo ang bagay na aming ipinagsadya ngayon dito. ¿Ano ang aginaldo namin?

—¡Bukas pa pala naman ang Bagong Taon, eh, n~gayon pa'y aginaldo na ang inyong itinatanong!—ipinakling natatawa n~g tinukoy.

—Higit sa panghihin~gi n~g aginaldo, ang ipinarito nami'y isang paninin~gil,—isinambot naman n~g isang singtaba ni Kando.

—¡Magbayad ang may utang!—isinusog pa n~g malakas tatawang kaboses ni Sauro.

—¡Sa ako'y walang utang na dapat pagbayaran!—ang tugon n~g makata.

—¿Wala? ¿Nasaan ang larawan n~g ating reyna Dorotea?—ang tanong pang tila nanunumbat n~g mataba.

—¡Ah! ...—ang nasambit na lamang ni Tirso.

—¡Eh! ...—ang tudyo n~g isa.

—¡Ih! ...—ang katlo n~g isa pa.

—¡Oh! ...-ang habol pa rin n~g isa.

—¡Uh! ...—isinusog naman n~g iba.

At ang malakas na tawana'y nagsumikip sa loob n~g bahay.

—¿Nahan ang pan~gako mong larawan?—ang halos panabay pang iniusisa n~g m~ga panauhin paghulaw n~g tawanan.

Biglang nagtago ang m~ga badha n~g n~giting nagsipanun~gaw sa m~ga labi n~g makata. At nakapagpanumbalik n~g lungkot sa diwa niya ang gayong binanggit at ipinagkatawanan pa n~g kanyang m~ga kaharap. ¡Oh, kung natatalos lamang n~g langkay na yaon n~g m~ga palabiro ang bagay na nagpapaulap sa kanyang gunamgunam!

—M~ga kasama,—ang itinugon ni Tirsong walang kan~gitin~giti,—tila sa bagay na iya'y talagang masisira ako, n~guni't ... hindi ako ang maysala.

—¡Magpapakasira, saka maghihinaw!...

—¡Talagang sinun~galing na makata!

—¡Saka maramot!

—¡At manunuba pa!

—¡Palibhasa'y hindi ninyo nalalaman ang nangyayari!—ang tan~ging naipakli ni Tirso.

—¿At talaga bang may "nangyayari" na? ¡Kaya pala!...

—¡Ha-ha-ha-ha!

Wala; anhin mang timban~gin ni Tirso ay hindi makagigitaw at lulunurin lamang sa biro ang anomang paliwanag na ipahiwatig niya sa harap n~g kawang yaon n~g m~ga may kato sa katawan. Mahan~ga'y magsawalang kibo na lamang....

Nasa sandaling iyon n~g pagkatila hinahalong binusa ang m~ga panauhin n~g makata,—na, mayroong bumubuklat sa m~ga dahong sariwa n~g kanyang kalupi, kaluping kinatitipunan n~g sarisaring hiyas at kayamanan n~g tulang tagalog, mayroong naghahamon n~g ahedres, domino at dama, saka mayroon pang nagaagawan sa paghanap n~g larawan ni Teang sa makapal na album na inabutang nasa ibabaw n~g sulatan—nang walang anoano'y nakarinig sila n~g m~ga kaluskus n~g isang sasakyang biglang tumigil sa tapat n~g bahay.

Ang lahat ay dumun~gaw. Datapwa't nakita nilang ang tinurang sasakya'y muling lumalakad at papalayo na, na kinalululanan n~g isang babaeng nagtatago n~g mukha't ayaw manding pakilala.

—¿Sino iyon?—ang naging tanun~gan n~g isa't isa,—¡Ah, marahil siya ang ating reyna Dorotea!

At noon din ay may narinig naman silang kumakatok na tao sa pinto sa lupa.

At nang kanilang dunghali'y natunghan ang isang babaeng anyong alila na may bitbit sa kamay na isang magandang buslo n~g m~ga bulaklak. Ang mukha n~g babaeng iyon ay dating kilala ni Tirso, kaya't oras na makita'y dagli siyang nanaog na sumalubong. Ang m~ga pilyong panauhin naman ay di na nakapaghintay: nagpanakbuhan pang nan~gagsipanaog din, sa paglulunggating agad na matalos ang ibig; sabihin n~g gayong biyayang balot n~g hiwaga.

N~guni't ang babaeng nagabot ay di na nila nakita. At maliksing umalis oras na maisakamay ni Tirso ang isang liham na nasa munting sobre, saka ang buslong yaon n~g bulaklak na pinagkaguluhan n~g m~ga katoto n~g naturang makata.

—¡Makatang mapalad!—ang bulalas n~g lahat, pagkamalas sa gayong handog na kapagkaraka'y sinapantaha nang padala n~g magandang si Teang.

At sa boong kapalagayang loob at malaking pananabik na tila may lakip pang lihim na pananaghili, ay pinakasiyasat ang boong kayarian n~g bagay na yaong likhang di sasala n~g m~ga kahan~gahan~gang kamay n~g isang tunay na alagad n~g arte.

—¡Pagkagandaganda!—ang wika na namang namutawi sa bibig n~g tanan—¡Singganda n~g puso n~g babaeng nagbigay!

At si Tirso, na pinaghaharian n~g ilang lihim na paghahaka, ay di makahuma.

¡Talagang maganda nga't kalugodlugod ang handog na iyon! Isang munting pangnan na yari sa panay na bulaklak, m~ga saglitsaglít na bulaklak n~g m~ga sariwa't nagbaban~guhang bioleta, pitimini, klabel, tsampaka, kampupot, ilangilang, rosas-de-pasion, alehandria, kamuning at kung anoano pang hiyas n~g m~ga halamanan sa Singgalong; na binagayan n~g man~gilann~gilang dahon n~g papwa, malba-rosa, at m~ga baging n~g kadena-de-amor; na walang tan~ging laman kundi isang kalapating singputi n~g gatas, na sa kanyang makinis na tuka'y taglay ang isang munting tarhetang may ginintuang titik.

Ang tarhetang ito'y pinagsambilatan n~g m~ga kaibigan ni Tirso, palibhasa ay hinuhulaang dito nahahabilin ang boong hiwaga n~g handog na yaon.

At sa isang daan n~g mata'y ganito ang nabasa n~g lahat:

Sa karangalan n~g makatang kapatid n~g m~ga salamisim kay Tirso Silveira: alangalang sa kadakilaan ng Bagong Taon. Kalakip ang pusong nagtatangi ni

ELSA BALBOA 12-31-15

Gayon na lamang ang pagkakain~gay n~g di magkamayaw na m~ga kaibigan ni Tirso sa harap n~g handog na yaong nakapananaghili. Mula sa silong hanggang sa bahay, ang panunukso'y siya na lamang inaatupag.

—¡Sadyang kung sa taas n~g kapalara'y wala tayong ikaaabot kay Silveira!—ang wika n~g pandak.

—¡Tatawagin pa ba namang "mapagwaging makata," kung hindi talagang karapatdapat sa ganyang palayaw!—ang agaw naman n~g tila higante sa taas at laki.

—¡Mabuhay ang mapalad! ¡Mabuhay ang mapagwagi!—ang katlo pa n~g nakasalamin.

—"¡Mamatay!" at hindi "¡mabuhay!" ang isisigaw ko, kapag ako'y hindi ipinakilala ni Silveira sa masintahing iyan na si Elsa Balboa, —isinabad pa rin n~g malakas tatawa.—¡Ay Elsa! ... ¡Ay, Balboa!...

-¿Di mo ba nakikilala ang Elsang iyan?—ang halos magkatiyap na tanong sa nagsalita n~g kanyang m~ga kasamahan.—¡Atrasado ka rin pala!—idinugtong pa.

—¿Sino n~ga ba ang babaeng ito?

—¡Walang iba kundi ang mestisang kaluluwa at buhay n~g m~ga sayawan dito't n~g alinmang malalaking piging at pagtatao!

—¡Ah! ¿Ang mestisang nakita kong minsan sa lamayan n~g "Aklatang Bayan"? ¡Balu ku na ketang misterio!

Subali't ang m~ga patilanduya'y hindi humangga sa pagkabatid na si Elsa Balboa ang nagukol n~g magandang handog na iyon kay Tirso Silveira. Lalong nagdulot n~g malaking alin~gasn~gas na hindi matimpi ang pagkatalos na ang pagkamakata ni Tirso ay naglalayag pala sa dalawang bangka, naliligo sa dalawang batis ... Kahapo'y isang Dorotea Iris daw ang ipinakitunggaling kandidata sa isang pahayagan; n~gayo'y isang kaakitakit na mestisa naman ang may kalapati't bulaklak na iniaalay. ¡Katan~gian n~g makatang labis na nakatawag sa pananaghili n~g m~ga lalaking may malilikot ding isip!

At si Tirso, na di naninibago sa gayong kilos at palagay n~g taga kamanunulat niya, ay gumamit noon n~g lubos na paglilihim. At sa tulong n~g kanyang maayos na pakikiagpang sa m~ga kaharap, ay nagawa niyang ibaling sa iba't ibang bagay ang kanilang salitaan, hanggang sa nang lisanin siya n~g m~ga pilyong yaong kung sa kilos lamang hahatula'y mawiwikang hindi makagagawa n~g anoman, ay di na napagukulan n~g kahi't isang kataga, ang sinoman kay Teang at sa mestisang kay Elsa.

Pagkapanaog n~g m~ga panauhi'y saka lamang inilabas na binasa ni Tirso ang kalatas na ibinigay na lihim sa kanya n~g alila n~g kaibigang mestisa. At ganito ang natunghayan:

TIRSO:

Ibig mo bang makatanggap ng ilang balitang mahalaga ukol sa iyong kasaysayan? Kung gayon, ay hinihintay kitang magpapaunlak na makisalo sa akin mamayang gabi,—yamang gabi rin lamang ito ng mga pagpupuyat,—at sa pagsasalo nati'y saka ko ibabalita sa iyo ang ilang bagay na totoong kanaisnais na iyong matalastas hangga't may panahon.

Pagkakai'y magpapasyal pa tayo sa Escolta, at manonood sandali ng sayawan sa Plaza Moraga, bago pagkatapos ay dadalo tayo sa Pandakan sa isang di karaniwang piging na ipinagaanyaya ng isang tagaroong matalik na kaibigan ng aking kapatid.

Kapag hindi ka dumating, ay ituring mong nabigo na naman ang isa sa mga ninanasa nitong "kapatid" mong walang itinatangi sa ubod ng kanyang puso kundi isa....

Naghihintay,

ELSA.

Habol—Tanggapin mo sa maydala nito ang isang "maralitang handog" ...—AKO RIN.

Isang kibit lamang n~g balikat ang ginawa ni Tirso pagkatalos sa laman n~g sulat, saka pan~giting nasabi ang ganitong m~ga kataga:

—¿May katuwiran na n~ga kaya akong magturing sa sarili na mapalad na, dahil sa ganitong buhay na tinatawid ko?...


XVI

"¡KAY GANDA MO, ELSA!"


Kung may hilig sa pagsusuri sa taglay na kahulugan n~g bawa't bagay na nangyayari ang makasusubaybay sa lakad n~g katan~gitan~ging buhay ni Elsa, ay sukat nang mapaghalata ang isang katotohanan na bawa't gawi, kilos at pan~gu~gusap n~g matalinong mestisa ay dili ang hindi nasasalig sa alinman sa m~ga sadya niyang layon at lihim na han~garin. Kaya, kung isasagunita ang pangyayaring ikinatuwa niya n~g gayon na lamang ang balitang galing sa "malaking kababalaghang ipinaghimala n~g martir na si pari Casio sa bahay ni donya Basilia", ay kaagad matatanggap na isa m~ga talagang dapat niyang gawin ang kanyang ginawang pagaanyaya kay Tirso na siyang makaabay niya sa pagdalo sa Pandakan upang makipaglamay sa isang malaking piging at isang magdamagang sayawang ipasasalubong sa manigong pasok n~g pumipintong Bagong Taon.

Minarapat n~ga n~g mestisa na ang makatang sa palagay niya'y nagbabagong loob sa kanya ay siya niyang makasama sa pagsasadya sa Pandakan, upang sa gayon ay magkaroon siya n~g pagkakataon na mailipat sa kabatiran n~g tinukoy na makata ang balitang kanyang natanggap tungkol sa nangyari sa San Lazaro.

At, binubuko pa lamang sa isip ang ganitong balak ay malunodlunod na ang puso sa di masayod na kagalakan. Para na niyang natatanaw, kahi't malayolayo pa, ang mabuting magiging wakas n~g kanyang m~ga gagawin.

—Inaasahan kong hindi ipagwawalang bahala ni Tirso ang aking sulat,—ang naibulong sa sarili sa gitna n~g kanyang pagmumuni.—Kapag nabigo pa naman ako sa pagkakataong ito'y talaga na lamang na sa kasawian ako nauukol....

Nalalaman niya na sa gabing yaon na kanyang ipinagaanyaya ang isang pagsasalo, ang kapatid niya't hipag ay hindi daratnan ni Tirso sa bahay, sapagka't ayon sa gayakang pinagkasunduan, hapon pa n~g araw na iyo'y magpapauna na sa Pandakan ang magasawa upang dalhin ang ilang bagay na iaalay sa maypiging. Kung si Elsa ay maiiwan, ay sapagka't gayon ang kanyang pinakikunang hilin~gin sa kapatid at hipag, at di umano'y ayaw siyang tantanang hindi isabay sa pagparoon n~g ilang binibining masdaraan sa kanyang bahay sa gabing iyon. At ang gayo'y kanyang binalangkas, upang madulutan n~ga n~g kasiyahan ang m~ga mithi n~g kanyang kaluluwang lihi at isinilang sa biyaya n~g kaligayaha't tamis n~g buhay.

Hangga't hindi niya nakukuhang masarili ang paghahari sa puso't kalooban n~g makatang kinahihiban~gang labis n~g kanyang boong pagkababae, at hangga't nagugunita niyang may isang "mulalang taga lalawigan", na kinabubulagan n~g m~ga panin~gi't "tila" nagkakapan~galan sa pitak n~g dibdib n~g nabanggit na makata, sa pakiramdam n~g mestisa ay palusong na yata sa libin~gan ang tun~go n~g kanyang kabuhayang di pa gaanong nagnanawnaw n~g ligaya sa pakikihalubilo sa daigdigang ito. At yamang nalalaman niyang gayon, ay kautan~gan na naman niya ang gumawa n~g tanang marapat gawin, upang maiwasan ang bumabalang kapariwaraan.

"...At ang tao ay nalikha na may isip na kasama" ang narinig niya sa isang tula ni Tirso. At ang isip na iya'y nakay Elsa: kinakailan~gang gamitin niya sa lahat n~g bagay at sa lahat n~g pagkakataon. Nararamdaman niyang ang kanyang puso ay tinitibukan n~g walang kasingdubdob na pagibig sa makatang si Tirso; nahahabilin naman sa isip niya ang paglikha n~g tanang kaparaanang kailan~gan upang masunduan ang ikapagtatagumpay n~g pagibig na iyan. Ang tunay na katamisang idinudulot n~g pagibig ay di maaaring sayurin n~g kahi't sino, samantalang ang puso ay ipinasisikil sa makipot na galawang gawa n~g pagpapakunwari, n~g pagbabalobalo at n~g kung sabihi'y pakikibagay sa lakad n~g kaugalian. Ang hinhin, yumi, kahihiyaan ... ¿ano ang m~ga katagang ito kundi m~ga patibong lamang na nililikha n~g Kapisanan upang mapagkasanhian n~g pagkaduhagi n~g m~ga kaloobang madaling malamuyot at n~g m~ga damdaming walang tatag sa pakikilaban sa habagat n~g buhay? Ang tunay na tamis n~g buhay ay wala sa parating pagpapakunwari, sa pagimpit na palagi sa m~ga dalisay na itinitibok n~g damdamin. Namamali iyang m~ga nagpapalagay na kabanalan n~g isang babae ang tuwina'y kikimikimi, hindi makapagpahayag n~g kanyang isinasaloob, ilas na parati sa bahagyang silay n~g mata n~g kapwa ... Ang nararapat ikakimi, ang nababagay ikahiya, ay wala kundi ang anomang baga'y at gawang nan~gan~gahulugan n~g pagkakasala. N~guni't ¿pagkakasala baga ang pagsunod sa malalayang pitlag n~g pusong dumaramdam n~g paggiliw? Ang pagkakasala, ay ang pagsuway sa iniaatas n~g pusong iyan.

—¡Nararapat nang mawakasan ang m~ga paghihirap kong ito!—ang nanggigitil na nawika, matapos paglimilimiin ang ganyang hakahakang sarilingsarili n~g kanyang pagkamestisa.

At, nang sumapit ang gabing idarating ni Tirso sa kanyang bahay, si Elsa ay kinahalataan kaagad n~g m~ga alila n~g isang kabalisahang hindi mailin~gid.


Sa loob n~g bahay ay lumabas-masok siyang kung minsa'y sasayawsayaw at kung minsan nama'y huhunihuni n~g alinman sa m~ga kundimang kanyang nakakagiliwan. Mayamaya'y siyang lalapitan ang bukas na pianong parang nagyayaya, at sandaling titipa ang maliliksing daliring tila m~ga kandila, samantalang ang m~ga mata'y ipapakong walang kurap halos sa papel n~g tugtuging lahad ang m~ga dahon. Ang inaagpan~gan niya n~g gayong pagtugtog ay isang fox trot[A] na naglalarawan n~g sarili niyang haka.

Kung ang mga ibon at maging halaman

ay nagkakalaya sa pagiibigan,

ang isang mestisa'y dapat ding magnawnaw

ng mga biyaya ng Katalagahan.


Ang mestisa'y may pagirog na kaparis ng balana,

at anak din ni Bathalang tumanggap ng isang mana;

mana'y dapat na gamitin ng ayon sa pinipita

ng likas na pagkatao at sariling kaluluwa.


Sa harap ng Batas ng Pagkakalikha.

babae't lalaki ay pantaypantay nga;

kung gayon, mestisa, di dapat lumuha

sa piling ng ibang kapwa mo diwata.

Kapagkuwa'y siya namang haharapin ang malaki't malinaw na salamin, at dito'y waring ipagtatanong kung ano pa kayang ayos ang marapat niyang gawin sa kanyang maganda nang pusód, kung ilan pang daan n~g espongha ang marapat niyang gamitin upang mawalan n~g balantan ang pulbos n~g kanyang mukha; at kung alin pa kayang kasuutan ang sukat niyang ipalamuti sa kanyang baling-kinitang pan~gan~gatawan upang maging kahalihalinang lalo ang kanyang anyo na ipasasalubong sa makatang kinahuhumalin~gan n~g kanyang pagibig.

Nahagisan n~g tin~gin ni Elsa ang isang alilang babae na patagong sumisilip sa pinto n~g kusina na wari'y nan~gin~gimbulo sa kanyang pagbikas, at kanyang tinanong:

—¿Maganda na ba ako?

—Wala na pong maipipintas ang lalong pihikang makamamasid,—ang may lakip na n~giting itinugon n~g alila.

—¿Kung ikaw ba'y lalaki ay mahahalina ka na sa akin?

—¡Patay na lamang po ang hindi tablan n~g pagkahalina!

At ikinasiya n~g mestisa ang m~ga patunay na narinig sa alilang yaong babae ring paris niya.

Subali't gayon man, upang huwag yatang maging an~gap ang kanyang m~ga kilos, at nang mawalan na n~g sukat makasaksi sa kanyang pagbibigay panahon sa pagpapakaliklik sa pan~gan~garap n~g gising sa laot n~g m~ga hiwaga n~g pusong inaalihan n~g bulag at walang habas na pagsinta, ang ginawa'y inutusan ang dalawang alilang tan~ging kasama noon sa bahay, na bumili n~g kahi't anong bun~gang kahoy na maaaring magulasina, gaya n~g siko, mansanas o anoman.

—Kung dito po sa malapit sa ati'y walang mabibili niyan,—ipinasubaling tugon n~g m~ga inuutusan.

—Kahi't doon sa palengke'y sumaglit na kayo; at magtagaltagal ma'y makapaghihintay na ako.

At nawala noon din sa harap ni Elsa ang kanyang mababait na alagad.

Nang mapanaog ang m~ga alila ay wala na siyang sukat pan~gilagan sa loob n~g bahay.

Binuksan ni Elsa ang isang lagpas taong aparador na sikip na sikip sa kanyang mahahalagang kasuutan. Kumuha n~g isang sayang sutla; isinunod ang isang may burdang baro; saka ang panyong nauukol na pangalampay. Inilaglag sa sahig ang nasa katawan. At iyon ang inihalili. Lumakad. Lumin~gon sa likod. Lumin~gay. Kumendeng ... At nagparaandaan sa harap n~g isang malaking salamin, at binikasang maigi ang kanyang anyo. Bawa't lupi n~g panyo'y iniayos na mabuti; bawa't lukot n~g baro ay main~gat na pinantay: at ang mahabang buntot n~g saya ay boong husay na binitbit n~g kamay na kaliwa.

Datapwa't ... ¡ayaw niya niyon! Hindi iyon ang dapat niyang ipasalubong kay Tirso. Kung kapagkaraka'y gayak na siya, mawiwika nitong talagang sinadya niya ang gayong pagbibihis.

Naglabas na naman n~g iba: ang isa sa kanyang pinakamagagarang pangbahay ang napiling kunin. At gaya n~g una, ay isaisang inilaglag ang kasuutang nasa katawan. N~guni't hindi rin tumama sa kanyang loob ang damit na huling pinili, kaya't di na naman ipinagpatuloy ang pagsusuot.

¿Alin n~ga kaya ang kanyang marapat gamítin?

Narinig niyang tinugtog n~g isang orasang nakasabit sa dingding ang ikapito n~g gabi; at napadun~gaw siyang saglit sa bintana, gawa n~g pagkainip, wari sa paghihintay sa kanyang tinipanang makata.

—Wala pa,—ang nasabi,—marahil ay mahahatinggabihan n~g dating ni Tirso, yamang ang m~ga tao'y nalalaang magpuyat n~gayon dahil sa pagsalubong sa bumubun~gad na Bagong Taon.

At pagalis sa durun~gawan ay napataas ang kanyang tin~gin sa mukha n~g salaming kaharap. At kanyang nakitang sa boong hugis n~g katawan niya ay walang nalalabing tagapagkubli n~g kahihiyaan liban sa isang manipis at maputing damit pangloob na mula sa dibdib na nakaluwa ay nagtatapos ang luwang sa may kalamnan n~g binting yari mandin sa lalikan. Subali, dahil sa kanyang pagiisa, hindi inalumana ang kanyang pagaanyo, at nagyao't dito pa sa bulwagang binibigkas ang ganito:

Sinungaling iyang tubig, kapag hindi napilitang

maginalon at sumulak, kung may apoy na nadarang;

ang isda ay mailap nga't di mahuli sa baklaran

nguni't dagling nabibinwit, pag may paing nakaumang.


Bulaan ang paroparong di maaakit sa bulaklak.

pag ang ganda't kulay nito ay may tamis na kalangkap;

gamogamo'y hamak lamang, pag ang ilaw'y walang ningas,

datapwa't kung may sindi na'y bayani ring matatawag.


May halamang gabigabi'y tikom nga ang mga dahon.

parang taong natutulog na nahapo sa maghapon;

n~guni't tao't halaman ma'y nagigising, nagbabangon.

pag ang araw'y may sikat nang sa lahat na ay pagukol.

Katiyap n~g panghuling alin~gawn~gaw n~g tulang itong bininigkas sa sarili ay naulinigan n~g mestisa ang ilang sunodsunod na yabag n~g m~ga paang mandi'y pumapanhik sa hagdan. Siya noo'y nabubun~gad sa pintong paharap sa hagdanan, at sa isang pihit n~g tin~gi'y hindi mangyayaring di niya mapagsino ang pumapanhik na iyon. At nakilala n~ga: ang makatang hinihintay na darating.

—¡Ah!...

—¡Oh!...

Sa pagsasagupa n~g kanilang m~ga mata, dalaw at dadalawi'y kapwa napatdahan n~g dila't tila nan~gapatulos sa kanikanyang kinatatayuan....

Inibig ni Elsa na tumakbong magtago o magtun~go sa may sisidlan n~g damit, datapwa't ang kanyang m~ga paa'y hindi naian~gat sa pagkakayapak sa ibabaw n~g tabla.

Si Tirso nama'y nagtangkang manaog na walang paalam upang makaiwas sa gayong napakatuksong pagkakataon. Subali't walang anoano'y tinanggap n~g kanyang m~ga tayn~ga ang ganitong malambing na tawag n~g birheng iyon na wari'y naghihimala sa harap niya:

—¡Magtuloy ka, Tirso!

At ang lalaki'y napalin~gon sa kabila. At ang babae, sa gayong pagkakimi, ay madaling nakahalata. Kaya't sa nakakikiliting kilos ay itinanong n~g boong lamyos:

—¿May hinihintay ka bang kasama?

At si Tirso, sa narinig, ay parang dumamdam n~g hiya. Muling inilantad ang mukha sa harap n~g himalang iyon n~g karilagan, n~guni't noon di'y waring nan~gasilaw ang kanyang m~ga mata. Kaya't ang m~ga ito ay mabanayad na kinublihan n~g isang palad, bagay na siya namang ikinatanong ni Elsa n~g isang paaglahing turing:

—¿At ikaw ba ay napuwing?

At ang makata ay wala nang nagawa kundi sumuko at pabihag na buongbuo sa diwatang iyong naghahatid sa puso niya n~g di mailarawang m~ga tibukin.

Sinaksihan n~g m~ga namamalikmatang balintataw ni Tirso ang banaybanay na pagan~gat at pagdipa n~g dalawang bisig ni Elsa, na, nang m~ga unang sandali'y nagmistulang lawin na dadagit n~g sisiw, datapwa't kaginsaginsa ay nagsalan~gaylan~gayang mandi'y lumalan~goy sa gitna n~g alapaap.

—Nagiisa ka yata ...—pautal halos na namitiw sa m~ga labi n~g lalaki, pagkalipas n~g saglit na walang imikan.

—¿At kung nagiisa man?—isinambot n~g mestisang sinundan n~g isang hakbang na papalapit sa kausap.—¿Nahahalayan ka bang makiharap sa akin n~g sarilihan'?—idinugtong pang punongpuno n~g lambing.

—Hindi naman, Elsa ...—tan~ging naitugong lipos n~g pagkakimi n~g makatang pinaghaharian n~g kabaklahan.

Mabilis na gaya n~g isang nakasisilaw na kidlat, ay kagyat na nagdaan sa papawirin n~g alaala ni Tirso ang larawang mistula n~g kanyang kabiyak n~g dibdib na hindi niya matulusan kung saan naroroon.

—¡Teang! ...—ang naibulong na lamang sa sarili.

Datapwa, ang paglalatang n~g budhi n~g mestisa ay patuloy na walang untoluntol, sumusulak na tubig na nahahandang mamayani sa kanyang maaaring lakumin.

—Halika sa loob, Tirso, kung hindi ka talagang nahahalayang makiharap sa akin sa ganitong ayos,—anya.—Masok ka, at may m~ga kalugodlugod na balita akong iuulat sa iyo.

Pagkarinig sa gayong binigkas n~g dalaga, isang pagkahalinang hindi mapaglabanan ang kaagad naramdaman n~g makata sa kaibuturan n~g kanyang sumisikdong puso. Kaya't pigil halos ang paghin~gang sumunod sa nais n~g magandang si Elsa.

Dalawang mesedorang magkaagapay na anaki'y tinatanuran n~g isang nakapatun~gong salamin ang napili nilang pagtigisahan. At pagkahilig sa tinurang likmuan ay si Elsa ang unang nagbukas n~g pananalita.

—¡Pinapagtataka mo akong lubha sa m~ga kilos na iyong ipinamamalas sa akin!—ang wika.—Natatalastas kong ikaw ay makata, isang lalaking anak sa tulaan at marahil ay magpapakatapos sa m~ga tulain. Datapwa, sa di iilang pangyayari'y napagkilala kong ikaw ay isa pa pala riyan sa m~ga kawal n~g pagpapakunwari ... Gayon man, ay pakikibagayan din kita....

—¡Elsa!

—¿Na ikinahihiya mo ang ganito kong ayos na iyong nataunan sa iyong pagdating? Magdadamit ako, kung gayon.

Pagkawika nito, ang mestisa ay maliksing tumindig; tinun~go ang magarang aparador at nuha n~g isang marin~gal na kasuutan, yaong kakulay n~g apoy na nakadadarang at nakapapaso hanggang sa puso ... Pagkapagbihis ay muling pumiling sa kinahihiligan n~g lalaki. ¡Oh, gaanong pagkasilaw ang nangyari noon sa m~ga balintataw n~g makata!

—¿Di ba tayo pasasa Pandakan?—ang mayamaya'y naitanong ni Tirso, nang mamasdan niyang si Elsa'y parang naghihintay sa kanya n~g anomang sasabihin.

—Oo n~ga,—isinagot n~g mestisa,—n~guni't mamayang maghahatinggabi, pagkatapos na tayo ay makapagpasyal sa Escolta at makapanood sandali n~g sayawan sa Plaza Moraga.

—Kung gayon, ay tayo na.

—Bago tayo lumakad ay ibig ko munang man~gako ka: ¿hindi mo na kaya ako lilisaning walang paalam na gaya n~g iyong ginawa noong tayo'y nakaautong magtun~go sa Luneta?

Hindi naikubli ni Tirso ang isang n~giting may lihim na kahulugan, bago nakapakli.

—Ibig kong ibalita sa iyo, Elsa,—anya,—na sa m~ga sandaling ito marahil ay pinasisimulan na ang taunang sayawan n~g "Club Filipino", at gaya n~g pagkaalam mo, ako ay kaanib sa klub na iyan. Gayon ma'y wala ako sa sayawang iyon at n~gayo'y nasa piling mo, alangalang sa isa mong hiling na samahan kita sa Pandakan. Sa pangyayaring ito, ay dapat nang mahulaan mo na kahi't abutin tayo roon n~g umaga, ay nalalaan akong hindi magsasawa ni lalayo sa iyong piling.

—¿Diyata? ¿At sino ang kapareha mo?

—¡Sino pa! Walang iba kundi ang aking mabait at butihing kaibigang nagpahatid sa akin kanina n~g isang mahalagang aginaldo, ang pinakatatan~ging mestisa na kausap ko n~gayon....

—¡Mestisa! ... ¡ang mestisang lagi mong inihahatid sa alan~ganing kalagayan!...

—¿Inihahatid sa alan~ganing kalagayan?

—Sukat na, Tirso. May sayawan n~ga pala kayo sa "Club Filipino", ang sabihin mo sa aki'y kung ano't hindi ka na naganyaya....

—Alalahanin mong may sulat ka sa akin tungkol sa sayawan sa Pandakan; anyayahan kita sa klub ay sasabihin mo na lamang na talagang binibigo ko ang iyong m~ga lakad.

—Tirso, tila bumabait ka na n~gayon....

—Mangyari'y nagaaral sa m~ga turo mo....

Sa lihim na pitak n~g dibdib ni Elsa ay dumalaw noon ang ilang tilamsik n~g liwayway na waring naghatid sa kanyang kaluluwa n~g m~ga unang balita n~g isang kapalarang di maglalao't mapapakanya. Nang sandaling iyon ay naitanong ni Elsa sa kanyang sarili kung tunay nang ang kilos na yaong namamasdan sa makata ay nagtataglay n~g ibang damdamin, ibangiba, yaong di papalayong gaya n~g una, kundi papalapit na't magbibigay kasiyahan sa kanyang m~ga lihim na pan~garap. Tiningnan niya si Tirso n~g isang tin~ging parang nan~gun~gusap. At ang bilang naging tugon n~g makata:

—¡Kay ganda mo, Elsa!

Kaikailan man sa boong pagkikilala nila ay di magunita n~g mestisa na siya ay nakarinig na n~g gayong hayagang pagpuri n~g makatang si Tirso, kundi nang gabing iyon. ¿Magdudulot na n~ga kaya n~g masaganang ani ang m~ga pananim ni Elsang inaalagaan sa pitak n~g kanyang dibdib?...

—Maalaala ko pala,—ang mayamaya'y narinig kay Tirso,—¿di ba't wika mo sa iyong sulat na ako'y babalitaan mo n~g ilang bagay na mahalaga ukol sa aking kasaysayan, kaya mo ninasang n~gayo'y maparito ako?

—Oo n~ga,—ang amin n~g dalaga,—n~guni't nagaalaala akong baka hindi mo na naman paniwalaan....

—¿At bakit hindi? Huwag lamang bang hindi ikaw ang magbabalita eh....

—¡Nanuya ka na naman!

—Sabihin mo na n~ga, Elsa.

—Mabuti'y panggagaling na natin sa Pandakan.

—¡Ayoko!

—¡Anhin ko kung ayaw ka! ¡Di mo matatamo ang mahalagang balitang may kinaalaman sa babaeng kinauululan mo!

At dagling nakaramdam si Tirso n~g malaking pananabik.

—¿May kinaalaman kay Teang?—itinanong na agaran.

—Hindi ako nagbibiro,—ang matatag na sambot n~g mestisa.

—¿Ay bakit ayaw mo pang sabihin n~gayon?

—Sinasabi ko sa iyong mamaya na.

—Kung gayo'y tayna sa Pandakan.

—Subali't ... ayoko na yatang sa Pandakan tayo magtun~go.

—¿Ibig mo sa aming klub? Mabuti, kung magkagayon. N~guni't lalong mabuti kung madaluhan natin kapwa ang dalawang sayawan sa gabing ito.

—¿Sa klub at saka sa Pandakan pa?

—Una muna sa "Club Filipino", saka kapag maghahatinggabi na'y tumawid tayo sa Pandakan.

Ikinatuwa n~g mestisa ang mungkahi n~g makata. At noon di'y inilabas na ang kanyang mahahalagang hiyas, isinakatawan ang m~ga ito, at pagkatapos ay isinuot ang kanyang bagong sapatos na kakulay n~g ginto.

Dumating ang m~ga alila na taglay ang m~ga ipinabili ni Elsa.

—Hinuhulaan ko na n~ga bang paririto n~gayon si mang Silveira,—ang manawanawang ibinulong n~g isa sa m~ga alila sa kanyang kasama, pagkaabot kay Elsa n~g kanilang m~ga binili.

—Kapag naghintay ay talagang may darating ...—itinugon namang lihim n~g pinagsabihan.

At hindi naglipat sandali't nasarili na naman n~g makata at n~g mestisa ang loob n~g kabahayan.

—Naito ang mansanas,—ang magiliw na alok ni Elsa sa kanyang panauhin.

—Nagpabili ka pa pala niyan,—ang nawika ni Tirso pagkamalas sa ipinagaanyaya n~g mestisa.

—Nagpabili ako nito, Tirso, at nais kong sa pamamagitan nito ay mahulaan ko ang iyong m~ga niloloob....

—¿Sa paanong paraan?

—Kung mamasarapin mo ang m~ga frutas na ito, ay ituturing kong mamasarapin mo rin ang pakikipareha sa akin ngayon; datapwa't kung mapuna kong hindi mo ito ikinasisiya, ay ipalalagay ko namang magpaunlak ka ma'y napipilitan lamang....

—¡Mabuting panghuhula! At sa panghuhula mong iya'y walang pagsalang matutunayan mong boong kaluluwa't boong pagkataong ikagagalak ko ang pagdalo nating magkapareha sa sayawan n~gayon, sapagka't kakanin ko n~g boong pananabik ang ... iyong mansanas.

Natawa si Elsa. At natawa rin si Tirso.

Makasandali ay saka nagsalita ang mestisa.

—Natatandaan mo marahil na sa sulat ko'y nasasabing magsasalo tayo sa gabing ito,—anya, samantalang tinatapos sa bibig ang huling kagat n~g isang mansanas na kanyang tinalupan.—Ang pagsasalong iya'y matutuloy; hindi n~ga lamang dito kundi sa isa sa m~ga hotel o restaurant sa Maynila, sapagka't hindi na napigil ang pagpapauna sa Pandakan kanina pa n~g m~ga kapatid ko.

—Tayna, kung gayon,—tan~ging naipulas sa bibig ni Tirso.—May kalesang naghihintay sa atin sa daan.

—¿Mayroon ba?

—Óo.

At pagkapagiwan n~g ilang tagubilin sa m~ga alila, ang mestisa't ang makata ay magkasunod nang nanaog at nawala noon din sa dilim n~g gabi....


XVII

¡ANG BUWISIT NA NEGRO!


Ang kalesang sinasakyan ni Elsa at ni Tirso na isang de primerang walang taglay na bilang sa likod at hila n~g isang masipag na kastanyong ayaw manding madiktan n~g pamalo sa katawan, ay sinusundan n~g dalawa pang mahahagibis ding kalesa na lumiwa sa tapat n~g gusali n~g "Germinal" at paakyat sa tulay n~g Ayala, nang masalubong n~g isa pa ring kalesang kinalululanan naman n~g dalawang lalaking sa wika ni Cervantes naguusap.

Pagkalampas n~g sasakyan nina Tirso ay halos nagkasabay ang pagulat na turing n~g dalawang lalaking kasalubong:

—¡Si Silveira at ang mestisa!

At kapwa hinabol n~g tanaw ang kanilang nakita.

At ang kanilang kutsero ay hinudyatang huminto.

—¿Nakilala ba ninyong mabuti? Dr. Nicandro?—itinanong n~g nasa kanan sa kanyang kaagapay.

—Kailan ma'y hindi ako pinagdadayaan n~g m~ga mata ko, G. Martinez,—ang naging sagot n~g nasa kaliwa.

—Sa pagkatin~gin ko man ay sila rin.

—Kung gayo'y madali tayong magpihit at sila'y tultulan natin.

—Mabuti n~ga,—at sa isang tukoy sa tagapagpalakad n~g sasakya'y sinabi:—Kutsero, vuelta.

N~guni't ang hayop na humihila ay tila suwail na hindi kadaglidagling nakukuha sa m~ga pabiglabiglang ubos. Nagumurong pa muna sa m~ga tabi n~g bakod na parang tumututol sa m~ga hampas na tinatanggap sa kutsero bago pumayag na bumalik n~g lakad at muling tumakbo.

Nang makapihit ang sasakyan ni Dr. Nicandro at ni Martinez ay di na nila mapagsiya kung alin sa tatlong kalesang nagpapatulinan ang kina Tirso at Elsa. Gayon ma'y pinilit nilang magdagdag n~g bilis ang mabilis nang takbo n~g kanilang kabayo, sa nais na mapalapit din sa tatlong nagpapalusutan.

—¡Palo, kaibigan!—ang utos pang nagkakanggagahol ni Martinez sa kutsero.

—¡Buwisit na kabayo!—ang payamot namang saad ni Dr. Nicandro na sinasabayan pa n~g kamot n~g ulo.

—¡Pagkabagalbagal!

—Babayaran ka namin n~g doble, abutan lamang natin ang isa sa tatlong kalesang iyon,—sinabi pa ni Martinez sa kutsero.

At ang kutsero, sa panghahawak sa karan~galan n~g pan~gun~gusap n~g m~ga maginoong sakay niya ay walang imik na sunod na lamang n~g sunod sa bawa't sa kanya'y sabihin, samantalang ang likod n~g kabayo'y siyang nag-uumasó halos sa malimit na lagpak n~g pamalo.

—¡Kaliwa!

—¡Kanan!

Ilan pang sandali sa paghahabulan at nakita nina Martinez na iisa na lamang ang kalesang kanilang nasusundan. At nagtibay sa kanilang paniwala na iyon ang kinasasakyan n~ga n~g makata't n~g mestisa. Ang iba ay nagsiliko marahil sa ibang daan at hindi na nila mabakas.

—¡Habol, at malapit na tayo!—ani Dr. Nicandro.

—¡Huwag na tayong hihiwalay sa sinusundang iyan kahi't saan makarating!—ang wika naman n~g isa.

Samantala, ang m~ga sanhing naguutos n~g gayong pagtultol n~g dalawang lalaking magkasama sa lakad n~g sasakyan nina Elsa at Tirso, ay mapagkikilala sa ganito nilang salitaan:

—N~gayon tayo dapat maniwala sa kutob n~g ating loob,—ang sabi n~g isa kay Martinez.

—Siya n~ga po, Dr. Nicandro,—ang ayon n~g kapiling.—at ito po'y hindi na kutob lamang n~g loob, kundi isang katotohanan nang itinatalampak n~g m~ga pangyayari sa ating m~ga mata.

—Ako rin ang may kasalanan, kung sa bagay, sa ganitong aking napagsapit,—ang wika pa n~g manggagamot habang nagkukumamot halos ang kanilang kabayo.

—¿Bakit po?

—Sapagka't gayong sa "Club Nacionalista" ay may nahalata na ako ay kung ano't hindi pa nagbago n~g loob sapul noon.

—¿At matagal na rin bang nahahalina kayo sa mestisang iyan?

—Mula pa po noong una kong makita iyan at makatabi sa sine "Ideal". ¿Kayo naman, kailan pa naging paris kong umasaasa sa pagkakapalad sa nasabing mestisa?

-¿Ako? ¡Oh, di ko na ibig alalahanin, doktor! Sukat ang nalalaman na ninyong kapwa tayo sinawi n~g ating pagasa, at wala na. Sa ganang aki'y wala na n~ga pong nalalabi kundi ang masunduan ko n~gayon kung saan naroroon ang pugad na pinagpapasasaan n~g aliw n~g dalawang ibong iyan....

—¡Kundan~gan naman kasi'y nagpakahilam tayo sa babaeng iyan! ¡Parang ipinagtatanong pa natin kung ano ang mestisa!...

—N~guni't kung ang babae po ay di ko pinagn~gin~gitn~gitan; at ang kanyang pagpapahalaga sa iba ay walang anoman sa akin na gaya rin n~g pagkawalang anoman n~g pagkahalina ninyo sa kanya. ¿At di ba ninyo natatantong tayo ay wala kundi dadalawa lamang sa hanay n~g di mabilang na m~ga lalaking paris natin na naaakit din ni Elsa sa minsang pagbabati o sa isang pagkakatitigan kaya? At ang kilos na iyan ni Elsa ay siyang talagang kilos na sarili n~g mestisa.

—¿Samakatwid ay kay Silveira kayo nagtatanim?

—Paano po'y pinamuhunanan ko n~g magandang loob ang lalaking iyan, saka ganito ang iginanti sa akin....

—¡Ah, magkasama n~ga raw yata kayo sa "Philippine Law School"!

—Tangi po sa riya'y nakatukatulong din niya ako sa kanyang m~ga lakad para sa isa pang babaeng kababayan ko pa naman.

—¿At may nililigawan pa bang iba?

—Di po lamang nililigawan, kundi talagang nobya na.

—¿At saka n~gayo'y si Elsa Balboa naman ang kasama?

—¡Iyan po ang labis kong ipinagdurugo n~g puso!

—Tunay n~ga palang ang poeta ay walang kabusugan, walang hindi pinipintuho, walang hindi inaawitan n~g kanilang m~ga tulain. ¡Paano ka n~ga ba sa m~ga taong iyan!

—¡Pasasaan ba't hindi ako makagaganti!

Pagsapit dito n~g salitaan n~g dalawa, ay namalas nilang ang sinusunda't ayaw hiwalayang sasakyan ay biglang nagtigil sa isa sa m~ga tagong lansan~gan sa Sampalok.

—¡Aha, at dito pala!—ang sabi ni Martinez, kasabay n~g pigil sa balikat n~g kutsero.

-¡Nalalaman na natin n~gayon!—ang susog naman ni Dr. Nicandro.—Kutsero, huwag tayong pakalapit at baka makita nila.

N~guni't ang kabayong nagn~gin~gitn~git mandi'y hindi napigil n~g nagpapalakad kung hindi nang halos ay mabunggo na lamang n~g kanilang kalesa ang kalesang sinasapantaha nilang kinaroroonan ni Tirso at ni Elsa. Sa gayo'y kapwa walang maalamang gawin sa pan~gun~gubli, dahil sa malaking pagaalaalang sila'y makikita n~g makata at n~g mestisa, kung ang m~ga ito'y magsiibis sa sasakyan. Datapwa't wala nang magagawa; nagkasubuan na. Maghintay na lamang sa pagibis n~g dalawa. Ang dilim n~g gabi ay maaari na marahil na maglin~gid sa kanila sa m~ga mata ni Tirso at ni Elsa.

Nang m~ga sandaling hinihintay nina Martinez at Dr. Nicandro ang panunod na pagpanaog sa sasakyan n~g mestisa't n~g makata, ay siyang paglunsad sa malapit sa kanila n~g isang malaki't mabigat na katawan n~g isang lalaking ang kulay n~g mukha ay nakikipan~gagaw sa dilim n~g gabi.

—¡Isang matabang negro!—ang naibulong na punongpuno n~g mangha n~g kutsero sa dalawa niyang sakay.

—¡Negro! ¡Negro n~ga!—ang hindi naman magkantututong sambot n~g dalawa.

At noon di'y namasdan nilang sila'y nilapita't kinikilala n~g tinurang negro. At pagkalapit sa kanila'y tumanong:

What are you doin, here, hombre? Por que sigue conmigo?

Ang kutsero, sa kabiglaana't pagaakalang siya ang tinatanong, ay halos mautal sa pagsagot n~g:

—No gat, sinyor, no gat; mi bueno hombre....

Salamat sa ganitong nakatatawang tugon n~g kutserong nahintakutan n~ga yata sa itim at laki n~g tinukoy na amerikano, si Martinez at si Dr. Nicandro ay kapwa malamig ang loob na humin~gi n~g nauukol na paumanhin matapos na ipaliwanag ang kanilang pagkakamali. Ang amerikano'y anyong nagalinlan~gan pa sa m~ga ipinahayag n~g dalawang magkasama, subali't dahil sa napaghalatang sila'y m~ga tao ring may pinagaralan, alangalang sa kanilang malinis at sanay na paggamit n~g inggles, saka sa mabuting ayos n~g kanilang pananamit na di mahihintay sa m~ga may masasamang loob na dapat paghinalaan sa gayong pangyayari, ay nagkibit na lamang n~g balikat bago tumalikod na pumanhik sa isang bahay na nakaurong sa daan.

Gayon na lamang ang nangyaring tawanan n~g m~ga naliho n~g kadiliman n~g gabi. At habang nililisan nila ang pook na yaon, ang pagn~gin~gitn~git n~g loob ay pinararaan sa matunog na halakhakan.

—¿Pero wala ka bang nakitang isang babae't isang lalaki sa m~ga nasalubong natin sa may tapat n~g "Germinal"?—itinanong ni Martinez sa kutserong nagtututop n~g tiyan sa di mapigil na tawa.

—Mayroon n~ga po....

—¿Ay saan nagtun~go?

—Aywan po ba; ang boong asa ko'y talagang ang nasusundan natin.

At si Dr. Nicandro'y halos hindi makapagsalita sa pagiihit n~g tawa.

—¿Ano, G. Martinez, ibig ninyong magbalik tayo sa Pasay upang matiyak kung siya n~ga o hindi ang ating nakita?—ang tanong makailang saglit.

—Hindi na po kailan~gan,—ang tanggi n~g tinukoy.—¿At di ba kayo naniniwalang talagang siya at si Silveira ang nasalubong natin?

—Naniniwala rin, n~guni't ¿nasaan sila? ¿Ano't isang matabang negro ang nakatun~go natin pahinto n~g ating sasakyan?

—¡Ang buwisit na negro!

At sumunod na naman ang pagkakain~gay n~g tawanan.

Sa mungkahi ni Martinez, ay minarapat n~g dalawang makikisig na binatang kabilang sa, hanay n~g m~ga nabibighani n~g dilag ni Elsa n~guni't di nagtatamong pala, na magtuloy sa isang bar sa Santa Cruz upang kung mangyayari'y lunurin ang malaking pagkabigong kanilang kinamtan sa loob n~g ilang kopita n~g alinmang inuming pumapaso sa lalamuna't dumadarang sa diwa. Anopa't dahil n~ga sa kabiguang iyon at pagkapahiya pa sa harap n~g isang amerikanong itim, ang pagkamanggagamot ni Dr. Nicandro ay walang nagawa kundi makiayon sa gayong mungkahi n~g kasama.


Sinarili ni Martinez at ni Dr. Nicandro ang isang munting mesa na nasa isang dulo n~g tindahang iyon n~g sarisaring alak, n~g sa isipan nila'y walang namumugad kundi ang larawan ni Elsa at ni Tirso na magkapiling n~g boong laya, sa loob n~g isang kalesang aywan nila kung saan nagtun~go.

Ang dalawang binatang ito ay nagkita nang gabing iyon sa liwasang Goiti. At sapagka't nagkakilala sila sa sayawan sa "Club Nacionalista" nang isang gabing kasama ni Martinez si Elsa, ang ginawa n~g manggagamot ay kinaulong ang lalaking ito n~g ang mestisang sinabi ang tukoy n~g kanyang pakikipagusap.

Sa pagniniig nilang iyon ay dili ang hindi sila nagkatapatan n~g kanikanyang loob hinggil kay Elsa, at napagkaisahan n~ga tuloy na sila'y magsadya kapwa sa Pasay, at magpasumalang maganyaya sa mestisa sa pakikigalak sa Bagong Taong bumubun~gad,

Si Martinez na sadyang may ugaling di makapagsarili n~g lihim, at si Dr. Nicandro na masasabi namang halos mahibanghibang na sa n~galan at larawan n~g mestisa, ay kapwa hindi gumamit noon n~g pagkakaila at ang tuyo at lagay n~g isa ay ganap na sumakaalaman n~g isa pa. Anopa't sa wakas n~g kanilang salitaang iyon ay lubusang napagtalastas n~g isa't isa na sila ay kapwa nabibilang sa m~ga lalaking gayong pinagpapakitaan n~g mabuting loob ni Elsa ay kung ano't hindi naman magkamit n~g kanilang minimithimithi. At kapwa sila umamin, lubha pa nitong masalubong n~ga nilang kasarilihan ni Elsa sa dilim n~g gabi si Tirso, na ang m~ga lakad n~g makatang ito ay talagang malayo na ang nararating na kung pakahahabulin pa nila'y dili ang hindi mangyari ang sila'y uyamuyamin at n~gisihan na lamang.

—Wala na tayong nararapat gawin, G. Martinez, kundi ang pawiin na sa ating alaala ang mestisang iyan, ang wika n~g manggagamot nang maparaan sa lalamunan ang unang tungga n~g nakalalasing na inumin.

—¡Ah! Kung sa ganang akin n~ga ay walangwala na ang lahat,—iniayon naman n~g pinagpayuhan.—N~guni't ang hindi lamang yata karakarakang mapaparam sa gunita ko ay ang di mabuting iginanti sa akin n~g lalaking pinautan~gan ko n~g magandang kalooban: si Silveira. Ang ginawi n~g lalaking ito anhin ko mang limii'y humihin~gi n~g nababagay na kapalit, n~g nauukol na paghihiganti....

—¡Hintay kayo!—biglang inihadlang ni Dr. Nicandro sa pan~gun~gusap ni Martinez, at ang m~ga mata'y palihim na itinudla't saka binawi sa dalawa pang lalaking nasa isang mesitang di lubhang kalayuan sa kanila,—Sa may tinatalikuran nati'y tila nauulinigan kong ang pinaguusapa'y dili iba't ang pinaguusapan din natin. ¿Ibig ba ninyong makimatyag?

Ang dalawa ay kapwa nanahimik at tinalasan n~g tayn~ga ang sinasabi n~g nasa kanilang likuran na nang kanilang lin~guni'y hindi naman namukhaan.

At ang narinig nila:

—¡Ganoon ang lalaki! ¡Nasusulit ang pagod! Hindi paris mong sa pamamalakaya sa mestisang iyan ay panay na "talo" at walang "panalo"....

—Ang sabihin mo'y lalong mapalad siya kaysa akin. ¿At ano? Kung ako ang nasa katayuan ni Silveira, ¡hindi ko masabi kung saan na kami nakarating!

—¿Ibig mo bang sabihi'y hindi mo magagawa ang paris n~g ginagawa ni Silveira?

—Ang sinasabi ko ay magagawa ko ang paris n~g iyong hinahan~gaan sa kanya, kung ako ang nagkaroon n~g kapalarang maghari sa kalooban at pagibig ni Elsa.

—¡Ikaw pala! Sa salitaang nauukol sa babaeng mestisa, ay di na kailan~gan ang paghahanap o paghihintay n~g kapalaran. Ang pagkakapalad n~g isang gaya natin sa harap n~g mestisa, ay di sa mestisa nanggagaling kundi sa atin din. Ang mestisa ay hindi kagaya n~g ating m~ga babaeng ibig na'y ayaw pa. Ang kaibang sangkap n~g dugo n~g isang paris ni Elsa ang nagbibigay sa kanya n~g kaibhan sa wagas na pilipina. Kung sa bagay ay di ko natatalos ang "hulo at luwasan" n~g m~ga lakad sa kanya ni Silveira, n~guni't gayon ma'y hinuhulaan kong kung nagkapalad man ang lalaking iyan ay sapagka't natutuhan niyang tugunan ang m~ga lihim na han~garin n~g mestisa. Nalurok niyang si Elsa ay may kaluluwa na laging nauuhaw sa hamog n~g kabataan, na ang puso'y lahad na parati sa dilig n~g sarisaring aliw na idinudulot n~g kamunduhan; si Silveira nama'y walang sinayang na pagkakataon, at ang lahat n~g iyo'y kanyang inihahandog n~g ubos kaya
... At kung kayo n~g makatang iya'y may pagkakaiba, ay sa dakong iyan
kayo talagang nagkakalayo.

—N~guni't si Elsa Balboa ay hindi paris n~g balanang mestisa. Sa dinamidami n~g naaamuyan kong nan~gin~gibig sa kanya, ay iisa lamang naman si Silveira na nakalalamang sa akin. Di siya katulad n~g ibig mong ilarawan na may pusong tuwina'y may pitak sa sangdaan mang pan~galan.

—Kung bagaman ay sa dahilang hangga n~gayo'y nagiisa pa rin si Silveira na natututong bumagay sa maiinit na sulak n~g dugo ni Elsa. Subukin mong gawin ang m~ga "kasanayan" n~g makatang iyan, at makikita mong ako'y hindi nagpapakalabis sa aking m~ga hakahaka.

—¡Aywan n~ga ba sa mestisang iyan!...

—Paris n~gayon: ¿ano ang napanood natin? Samantalang ikaw at ang tanang paris mong tutulogtulog ang damdami't waring naglalaway sanhi sa pagkatin~gala sa isang manggang nakabitin sa puno, si Silveira naman ay boong pagwawaging nagdaan sa harap nati't kakawit-bisig ang mestisa na pumanhik sa isang hotel....

Pagkarinig nina Dr. Nicandro't Martinez sa dakong ito n~g salitaan n~g dalawang lalaking hindi nakikilala, bagaman alan~gang asalin n~g gaya nila ay kapwa sila nagtangkang makilahok sa gayong paguusap, upang kung sakasakali'y kanilang matalos kung aling hotel ang binanggit na iyon. Datapwa't hindi naman nangyari, palibhasa ay panunod nang nagsilabas noon din sa pintuan n~g tindahan ang m~ga lalaking kinaringgan n~g gayong salitaan.

—¡Si Elsa at si Silveira sa hotel sa ganitong oras! —ang pakagat-labing nasambit ni Martinez.—¡Ah, talagang ang kapalaran ay kanila na!

—Kaya dapat na tayong magpugay sa kanila,—ang wika naman n~g manggagamot.

—N~guni't kung hindi ang buwisit na negro, sana'y hindi nila tayo napaglihuan.

At ang dalawa man naman ay nagsilabas na rin.

Sa nais manding ganap na malimutan ang gayong dagok n~g kasaliwaan ay nagkaisang magpapauwi na kapwa n~g bahay at hindi na tuloy makikibahagi sa kasayahang pinagpupuyatan sa lahat n~g dako.


XVIII

MGA PUSONG NAGLALAMAY


—Kinakailangang gamitin ko na n~gayon ang lahat n~g paraang aking magagamit sa ikapagwawagi n~g aking m~ga adhika,—ang naibulong ni Elsa sa kanyang sarili samantalang pinagmamasdan niya ang masasayang kilos ni Tirso nang sila ay nagsasalo n~g boong lugod sa isa sa m~ga mesa n~g "Hotel de Francia".

At may katuwiran si Elsa upang magsaloob n~g ganyang balak. Ang damdamin at palagay na kanyang nadadama sa bawa't kilos at pan~gun~gusap n~g makata nang gabing iyon, ay talagang di na kagaya n~g dating may lamig n~g yelo n~g pagkawalang pakiramdam, kundi may init na n~g apoy n~g isang kaloobang pinapagaalimpuyo n~g lihim na pagiimbot. Ang ginawang paghawak ni Tirso habang nasa kalesa sila sa kanyang dalawang maliliit na kamay na binibigyan pa n~g bahabahagyang pisil na isinasaliw sa kahi't anong sabihin; ang pagpaparinig sa kanya noon n~g m~ga halimbawang may dalawang kahulugan na kung minsa'y makakiliti at kung minsa'y makakalamkam; at ang malimit na paglalagay sa pinggan niya n~g sarisaring ulam nitong nagsasalo na sila; saka ang mahigpit na pagtanggi't pagkakaila ni Tirso nang banggitin niya't pakibalitaan si Teang; ang lahat n~g ito ay m~ga pangyayaring mahigpit sa kailan~gan upang siya, si Elsa, ay magkapaniwalang si Tirso ay dili ang hindi n~ga natatawag na sa di karaniwang alindog na tinataglay n~g kanyang pagkamestisa.

—At ang paraang dapat kong gamiti'y ang lunurin siya sa galak, lasin~gin ang puso niya sa alak n~g aliw at kung mangyayari'y suubin ang kaluluwa niya n~g kamanyang n~g ligaya, hanggang sa pumaimbuyog sa lawak n~g pan~gan~garap ang kanyang diwang kapatid n~g m~ga salamisim,—ang wika pa ni Elsa, habang tanggap siya n~g tanggap sa bawa't putaheng sa kanya'y idulot n~g makatang kapiling.

Sinabayan muna n~g mestisa ang pagtagay n~g valdepeñas ni Tirso bago muling ipinagpatuloy ang lihim na pagduduklay sa sarili n~g ganito:

—Ang ginawa n~g pari sa hihigan ni Teang na natutop ni manang Magda sa tahanan ni tia Basilia ay mabuting ipaghintay ko na muna n~g ibang pagkakataon para ibalita sa kanya sa ayos na magalin~gin ko. Kung iyo'y n~gayon ko sasabihin, anomang balatkayo'y hindi makagigitaw at ang dibdib niya'y papasuking walang sala n~g malaking kalumbayan. Kung magkagayon ay nan~gan~ganib akong maparam na nama't sukat ang ganitong kanyang m~ga kilos at palagay na sa masid ko'y nan~gan~gako n~g aking nalalapit na tagumpay....

—Elsa,—ang sa malambing na tinig ay itinawag sa kanya n~g makatang kasalo, tawag na siyang gumambala sa kanyang pagmumunimuni. —¿Nahuhulaan mo kaya ang sukat isaloob n~g m~ga taong nakamamalas sa ganito nating anyo?...

At ang tanong na iyo'y lalo pang nagparamdam n~g kasiglahan n~g pagasa sa m~ga lamad n~g puso n~g dalaga at siyang nagpapula n~g kanyang mukha sa sandaling iyon. Kaikailan man ay di siya nakaririnig n~g gayong pan~gun~gusap na iniuukol sa kanya ni Tirso. Subali't ¿ano ang marapat niyang itugon?

—Hulaan mo n~ga, Elsa, ang iniisip n~gayon n~g m~ga taong iyang nagtin~gintin~gin sa atin,—ang pan~giti pang saad n~g makata, kasabay ang panakaw na pagpupukol n~g sulyap sa m~ga iba pang taong nagpapasikip sa malaking hotel na iyon.

—¿Hulaan ko?—ang sa di kawasa'y ipinakli n~g mestisa,—Ang aking hula ay iniisip nilang sila'y nakakikita n~g isang lalaki at isang babae na nagsasalo sa mesitang itong ating pinaghaharapan....

—¡Mabuting panghuhula! N~guni't hindi iyan ang ibig kong marinig sa iyo....

—¿At alin pa?

—Nakakikita n~ga sila n~g isang babae't isang lalaki sa mesitang ito; n~guni't ang kung ano ang kanilang ipinalalagay na sanhi n~g ganitong pagsasalo ay siyang ibig kong hulaan mo.

—¿Sanhi n~g pagsasalo? ¡Alin pa kung hindi ang pagkain!

—¡Kay pilyapilya mo!

—¿At ano? ¿hindi ba tama ang aking hula?

—Pagkain n~ga ... subali't ¿magano ang palagay nila sa atin? Alalaong baga: ¿magkapatid o magkaibigan? ¿magkaibigan o magsinggiliw, ¿magsinggiliw o magkaaway?

—¡Magkaaway!...

—¡Diyan ka natalo!

—¿Ikaw: ano ang hula mo?

—¿Ang hula ko? Ang hula ko'y ... itinuturing nilang tayo ay dalawang pusong iisa ang tibukin....

—¡Tirso!...

—¿At ano? ¿Hindi?

—Makikita mo't iiwan kita, kapag ganyan pagkapilyopilyo mo....

—¿Iiwan mo ako? ¿At kanino ka sasama?

—¡Salbahe!

—¿Kung kanino n~ga, eh?

—¡Sa lelang mong panot!

—¡Pilya!

At biglang itinungga ni Tirso ang nalalabing laman n~g kopang nasa harap niya. Pagkatapos ay nagmukhang malungkot, saka itinanong sa mestisa:

—¿Kung iiwan mo n~ga ako, Elsa, ay kanino ka sasama?

—¿Nahihibang ka ba, Tirso? ¿Ano ang nangyayari sa iyo?

—¿Malinaw ang aking pagiisip. Datapwa't nais ko lamang na magkaroon na n~g wakas ang m~ga pagaalinlan~gan ko....

Sumikdo ang dibdib ni Elsa.

—¿Pagaalinlan~gang paano?—kanyang itinanong.—¡Sukat na n~ga, Tirso, iyang m~ga kaululan! Limutin mo muna ang iyong pagkamakata....

—¡Kaululan ... pagkamakata!...

—Ako'y bantad na sa iyo....

—¿Bantad na paano?

—Na ako'y may labis nang pagkakilala na ikaw ay nagsasalitang lumilipad sa malayo ang isip....

—Iyan ang hindinghindi mo mapatutunayan.

—Ako ay may pinagbabatayang m~ga pangyayari....

—¿Pangyayaring ano?

—Itigil mo na muna iyang kaululan, sabi eh ... Ang isipin mo ay kung saan tayo nararapat dumalo pagkakain natin: o sa Pandakan na o magdaan pa kaya sa inyong klub.

—Sa klub muna namin.

—Maging saan man ang tun~go nati'y dapat mong paggayakan kung ano ang imamatuwid mo, sakaling makarating sa m~ga tayn~ga ni Teang ang ganitong ating pakikipaglamay sa kasayahan n~g gabing ito.

—Si Teang ay wala na sa akin, at ni di ko maalaman kung saan siya naroroon sa m~ga oras na ito.

—¿Wala na sa iyo? ¿Ay kapag naalaman mo kung saan siya naroroon?

—Magkagayon ma'y wala akong sukat na ikabahala.

—¿Tunay?

—¡Tunay na tunay!

At ang mestisa ay nan~giti. At ang makata ay napatitig.

—Sabihin mo n~ga, Elsa, kung saan naroon si Teang.—ani Tirso mayamaya.

—¿Sabihin ko sa iyo?—ang tanong n~g dalaga.

—Kahi't wala na siyang anoman sa aki'y ibig ko lamang matalos ang kinadoroonan niya.

—¡Talagang may pagmamalasakit!

—Wala, Elsa....

—Hamo't mayamaya, at kung hindi matuloy ay sa iba nang araw.

Nagkataon namang sa lalapit ang tagapaglingkod na may idinudulot na malamig na sorbetes, bilang pangwakas na nasasaysay sa di pangkaraniwang menu na inihandang pangbagong taon n~g "Hotel de Francia."

Nang sila ay manaog sa gusaling yaon, ay kasunod na nila ang kung anoanong bulun~gan n~g m~ga taong mapagbigay n~g kahulugan sa kahi't anong makitang kilusan n~g isang babae't isang lalaki na gaya na n~ga n~g kina Tirso at Elsa.

—¡Masama ang lagay n~g dalawang iyon!

—Malamang na malayo ang abutin n~g kanilang m~ga lakad....

—Pagkakabisala'y may maipagsusulit silang masarap na ... Bagong Taon n~gayon sa kanikanilang m~ga magulang.

—¡Ang asal n~ga naman n~g kabataan sapanahong ito!

—¡Sa aba n~g m~ga ina at ama na naninibulos n~g pagtitiwala sa kabaitan n~g anak!


At ang mestisa't ang makata, makailang saglit pa, ay kasalamuha na sa di magkamayaw na taong naglisawlisaw mula sa Plaza Moraga hanggang sa pasalapang na dulo n~g Escolta.

Sa m~ga pook na sinabi, gaya n~g ginagawa sa taon-taon, nang gabing iyo'y lumundo ang di mabilang na taong kung saansaang dako nagbuhat, m~ga taong paraparang kinababadhaan sa mukha n~g kagalakang hindi masayod. Sa magkabilang bangketa at hanggang sa gitna n~g lansan~gan ay salusalubong ang m~ga nagbibiruan n~g boong tiwala. Naghihiyawang animo'y m~ga kawal na galing sa pinagwagihang digma. May pinatutunog n~g ubos lakas na m~ga pakakak o tambol, lata o anomang bagay na makatutulong sa kaingayan. Naghahagisan n~g confetti hanggang sa man~gapuwing at man~gasamid. Nagsisiluan n~g mahahabang serpentina. Lumalakad n~g papasingpasing; umaanyo n~g katawatawa; nagpapahid sa mukha n~g kung anoanong kulay; n~gumin~gisi, sumisigaw, humahalaklak ... Anopa't kung ang Bathalang sinasamba n~g m~ga taga mundong ito ay siyang tunay na Bathalang nakababatid n~g tanang ginagawa n~g Kanyang m~ga nilikha, ay labis na sanang makapagpalubag n~g Kanyang poot ang gayong pagdurumog n~g Kamaynilaan sa walang habas na pagdiriwang bilang tanda raw n~g pasasalamat sa Kanya tuwing sasapit ang paghahalili n~g m~ga taóng binibilang sa kabuhayan n~g m~ga tao. At ang bayang ito ay di na sana Niya inibig na ipadalaw na lagi sa sarisaring salot at kapan~ganyayaang gaya n~g kolera, pagsasalat sa ani at pangdadayupay n~g m~ga dayuhan....

Subali, sa may napapala o wala man, sa natatalos o hindi ni Bathala ang gayong inaasal, ang totoo'y mistulang ulol n~ga ang lahat kapag gayong gabi na n~g pagsalubong sa Bagong Taon. Sa m~ga, bahaybahay ay halos m~ga sanggol lamang na walang isip ang natitira sa higaan. Babae't lalaki, lipas ma't nasa kapanahunan, ay dili ang hindi nagbabata n~g puyat at nakakayag na magsadya sa Escolta at sa pakikipaggiitan sa kapal n~g tao'y doon na naghihintay n~g pagtugtog n~g ika-12 n~g hatinggabi. Pagsapit n~g oras na ito, ay nagsasabaysabay namang gigimbal sa apat na panulukan n~g himpapawid ang m~ga sipul n~g m~ga pagawaan at sasakyang dagat; ang m~ga batin~gaw ay magsisiawit n~g ubos kaya mula sa kanikanilang kinalalagyan sa m~ga taluktok n~g simbahan, hudyat na nagbabalita sa lahat na bagong yugto na naman n~g panahon ang humahandog sa buhay n~g tao.

At si Elsa at si Tirso ay nagdaan pa n~ga muna sa Escolta na kaparis n~g balana.

Ang buhok n~g mestisa ay sinaliksik at ginusot n~g m~ga saboy n~g confetti; ang m~ga tayn~ga ni Tirso ay nabin~gaw halos sa itinututok na sigaw n~g m~ga tambuli, at sila kapwa, bagaman magkakawit n~g bisig at di naglalayo bahagya man, ay nagbata n~g di gagaanong pagkalukot n~g damit at pagkalupiras halos n~g boong katawan ... Gayon man ay lalo pa silang nagalak, katulad n~g madlang nakasalamuha nila. At kung hindi lamang totohanan nang wala silang daan upang masilip man lamang ang sayawang ginagawa sa binilogbilog n~g liwasang Moraga, disi'y nalimutan na nila ang pagsasadya sa Pandakan, matapos na magpalipas n~g m~ga lima o sampung tugtugin sa sayawan sa balitang klub sa Avenida Rizal.


Ibinabalita na n~gang kasalukuyan n~g m~ga sipul n~g pagawaan n~g yelo n~g pamahalaan at n~g m~ga sasakyang nalilimpi sa palibidlibid n~g ilog Pasig ang maluwalhating pagpasok n~g taong 1916, nang si Elsa at si Tirso ay magkakawit ang m~ga palad na sumasakay sa isang munting bangka na, animo'y maitim na kabaong na lumulutang sa ibabaw n~g mahinhing agos n~g ilog sa may Nagtaha na ang tubig noo'y nakikikulay sa kadiliman.

—¡Elsa, lumigaya ka nawa sa Bagong Taong ito!

—¡Tirso, maging mapalad ka sana sa m~ga pan~garap mo!

Dinatnan n~g dalawa ang isang lalaking may kagulan~gan na, na sa anyo at pagbabansag ay napagkilala nilang siyang tagapagpalakad n~g tinurang sasakyan. Ayon sa pahayag n~g lalaking iyon, ang bangka niya ay isa sa labingdalawang bangkang sadyang inilaan n~g maypiging sa Pandakan upang ipaglingkod na talaga sa tanang dumating na panauhin. At ang ganyang pahayag ay pinatitibayan naman n~g m~ga napapansin n~g magkasama na m~ga palamuting palaspas n~g niyog, maliliit na watawat at m~ga parol hapóng walang sindi, saka tanikalang papel na nagsalabat sa lahat n~g panig n~g nasabing bangka.

Narinig ni Tirso na painong itinanong ni Elsa sa matanda:

—¿Bakit po wala kayong ilaw?

At ang naging sagot n~g pinagtanun~gan:

—Kanina pong maagaaga pa'y mayroon, n~guni't pawang nan~gamatay sa hihip n~g han~gin.

Si Tirso, na nang gabing iyo'y napanibaguhan n~g malaki ni Elsa dahil sa m~ga kilos at pananalitang kung tayahi'y parang nagpapahayag na ang mestisang ito na lamang ang tan~ging naghahari sa kaibuturan n~g puso niya; pagkarinig sa gayong pagbanggit n~g tungkol sa ilaw ay malamyos na bumulong sa kanyang kapiling.

—¿Bakit, Elsa, iniino mo pa ang pakawalang ilaw?—anya.

—¿Nadidimlan ka ba sa piling ko?

Si Elsa'y biglang nakaramdam n~g kaba n~g dibdib. ¿Ano na kaya ang ibig sabihin n~g gayong pagtatanong?...

—Sabihin mo, Elsa,—ang wika na namang narinig sa lalaki,—¿natatakot ka bang makipagsarilihan sa akin sa laot n~g kadiliman at sa loob n~g isang bangkang paris nito na tila duyang inuugoy sa ibabaw n~g tubig?

At ang mestisa ay nangliliit manding sumagot n~g bahagyang:

—Hindi naman, Tirso....

—Kung hindi, ay ¿bakit mo pa pinapansin ang kawalan n~g ilaw?

—Mangyari ay madilim.

—Tayo, Elsa, ang hindi ko malaaman kung kailan pa mangyayaring magkaisa n~g iniisip at dinaramdam....

—¿At hindi ba totoong madilim?

—¡Aywan n~ga ba sa iyo! Sa ganang akin, kahi't natuturang madilim na ganyan ang gabi,—kung ganitong kasama kita, kasarilihan sa laot n~g katahimikan at lin~gid sa mata n~g m~ga makasalanang tao, ay ... kalabisan na lamang ang liwanag n~g iba pang ilaw.

Mistulang nasusian ang bibig ni Elsa. Kaikailan man sa malimit na pagtitiwala niya n~g kanyang pagkadalaga sa pagkalalaki ni Tirso, ay noon lamang siya totohanang sinidlan n~g takot sa makatang ito.

Kinusa niya ang pagliham kay Tirso upang ito ang kanyang makasama sa pagdalo sa Pandakan, pagkapalibhasa'y hinahan~gad niyang pataban~gin ang loob n~g nasabing makata sa pagkababae ni Teang sa bisa n~g ibabalita niyang "himala ni pari Casio" na napatanghal sa bahay n~g kanyang ale: at ang pagtabang n~g loob ay kanyang hinahan~gad, upang mapapagiba niya n~g hilig ang m~ga pan~garap n~g makatang iyan, matutong umunawa sa masisidhing pitlag n~g kanyang puso, at kung mayayari'y matuto ring magpahalaga't tumugon n~g nararapat sa lihim na pita n~g kanyang kaluluwa. Ang ganitong tun~guhin ay siyang namumugad sa kanyang isipan, kung kaya't nang mapanhikan ni Tirsong siya'y nakasuot pangloob lamang ay hindi na siya nagkubli. Ito rin ang nagatas sa kanyang matiwalang pagsalo sa makatang iyan sa hotel. At siya rin namang nagbigay sa kanya n~g balak na kung maaari'y lunurin na niya noon sa alak n~g aliw ang boong pagkalalaki n~g tinurang makata upanding magkamit na lamang n~g kasiyahan ang kanyang m~ga hinahan~gad. Subali't n~gayong ang kanyang pain ay tila hihigitin na, at ang ibong pagkailapilap ay waring darapo na rin sa iniuumang niyang bitag, ay aywan ba niya't kung bakit siya na rin ang nagkagayong nasindakan n~g loob, napatdahan n~g dila at pinanglamigan n~g boong katawan. Higit kailan man ay noon pa lamang naniwala ang kanyang pagkamestisa na siya pala ay babae ring katulad n~g manipis na kristal na napapan~ganib na lubha kapag nalalapit sa matigas na bakal....

—¿Malayo pa po ba tayo sa pampang, mama?—ang naitanong na lamang makasandali ni Elsa sa tagapagpalakad n~g bangka.

—Malayolayo pa rin po,—itinugon n~g matandang nakapatag n~g upo sa isang dulo n~g sasakyan at walang tahan n~g kasasagwan.

At si Tirso ay may sinasabi na naman sa lalo pang paanas na salita:

—¿Ikinaiinip mo na ba, Elsa, itong pamamangka natin?

At ang mestisa'y pumakli:

—Baka ako'y pinakahihintay na n~g aking kapatid....

—Sinasabi ko na n~ga ba't talagang nagkakalayo tayong lagi n~g pagaakala!—pabuntonghinin~ga pang saad n~g makata. Saka idinugtong:—Samantalang ang ibig mo ay agad tayong makaahon sa pampang, di ko na lamang naman anhi'y huwag nang matapos ang pamamangka nating ito....

—Tirso, di ko pala dapat paniwalaan ang sinabi mo kanina nang tayo'y nasa bahay pa....

—¿Alin iyon?

—Yaong winika mong kahi't abutin tayo n~g umaga sa pakikipagsayaw sa Pandakan, ay natatalaga ka ring makikipagtagalan at di magsasawa. ¿Alin pang sayawan ang tinukoy mong kahi't abutin n~g umaga, kung ganyang nasa pamamangka palang ganito ang iyong loob?

—Nasabi ko iyon sa kahulugang saan man tayo makarating at saan man tayo maparoon ay natatalaga akong umagahin sa iyong piling ... At sapagka't dito man sa bangka ay nasa piling mo rin ako, kaya baga aking pinanghihinayan~gan ang madaling ikatatapos n~g ating pamamangkang ito.

—N~guni't sayawan at hindi pamamangka ang ating ipinarito....

—Sa ganang aki'y iisa ang katuturan niyan, kailan pa ma't tayo rin ang magkapiling, ang magkapareha, ang magkaakbay ... At kung ako'y pamimiliin mo kung alin sa pagsasayaw at sa pamamangka ang aking ibig, ay masasabi ko sa iyo n~g boong pagtatapat na ibig ko na ang ganitong pagsasarili natin sa ibabaw n~g payapang tubig kaysa magtun~go pa sa maalin~gasn~gas na sayawan.

Hindi na maalaman n~g babae kung ano ang kanyang isasagot.

Ang himig n~g m~ga katagang iyan, na bagama't marahang ibinubulong sa kanya'y naririnig naman n~g boong linaw hanggang sa liblib na liha n~g kanyang puso, ay labis na nakababalisa sa kaluluwa niya at nagdudulot sa kanyang diwa n~g di mapaglabanang pan~gamba.

Nang ang makatang yao'y anyong nagbibin~gibin~gihan sa m~ga silakbo n~g kanyang naglalatang na damdamin, marahil ang m~ga katagang iyan at hindi iba ang pinananabikan niyang marinig. N~guni't ngayong ang m~ga iya'y boong lambing nang umaalin~gawn~gaw sa kanyang m~ga pangulinig, nanggagaling sa m~ga labing hirati sa pag-awit n~g mapapanglaw na hibik n~g puso't taghoy n~g kaluluwa, n~gayon n~ga, ang pagkababae niya ay kung ano't parang tinatawag n~g kapan~ganyayaang sukat ikabalino n~g lalong matining na kalooban.

Nagunita ni Elsa na ang lalaking yaon na kinahahabilinan noon n~g boo niyang puri ay may kinabibighaniang ibang alindog: si Teang. At ang tinatangka niyang paglalarawan sa babaeng ito sa harap n~g naturang lalaki sa anyong sukat ipamutla n~g mukha't ipangrimarim n~g budhi, ay hindi pa niya nagaganap. ¿Hindi kaya isang marun~gis na pagiimbot lamang ang umaaling iyon kay Tirso upang gumamit n~g gayong m~ga bigkasin at kilos na lubhang nakababahala sa kanyang pagkadalaga?...

Tila ang m~ga napagdaranasan ay nagtuturo kay Elsa na ang pagiin~gat kailan ma'y hindi kalabisan, at ang malabis na pagtitiwala sa lalaki kung minsa'y maaaring magbudlong sa babaeng gaya niya sa ban~gin n~g pagkapariwara....

—¿Ito po ba, mama, ang ilog na sinasabing pinamangkaan daw yata ni Balagtas at n~g kanyang Selia?—ang narinig na naman ni Elsa na itinatanong ni Tirso na nakapalin~gon sa matanda.

—Hindi po,—ang naging sagot,—tila po ang nababanggit sa "Florante at Laura" ay ang m~ga ilog n~g Kahilom at Beata.

—¿Malayo po ba tayo n~gayon sa m~ga ilog na iyon?—ang usisa pa ni Tirso.

—Sa Beata po ay malapit na, n~guni't ang Kahilom ay may kalayuan pa.

At ang mestisa na naman ang kinausap na pabulong n~g makata.

—Elsa,—anya,—¿nalalaman mo ba kung bakit pinakikibalitaan ko ang m~ga ilog na nilakbay n~g Hari n~g m~ga, Makatang Tagalog?

—¿Bakit n~ga?

—Sapagka't ... ibig ko sanang ipagpalagay n~gayon, kung tayo ay nasa alinman sa m~ga ilog na iyon, na ako ay si Balagtas at ... ikaw naman ang aking Selia.

—N~guni, Tirso, sa kasaysayan n~g Balagtas na iyan ay ¿nasasabi bang siya ay nagkaroon n~g dalawang Selia?

—Hindi.

—Kung gayon, kahi't makata ka, ay hindi mo maipagpapalagay na ikaw ay si Balagtas.

—¿At bakit? ¿Dalawa ba ang Elsang kinakaulayaw ko sa sandaling ito?

—Hindi n~ga; datapwa't samantalang di mo napapawi ang paniwala kong ang iyong Selia'y si Teang, n~gayong magkasarilihan tayo sa gabing ito ay di ko masasangayunan ang iyong halimbawa....

—¿Ang Selia ko'y si Teang? ¡Isang paratang na salat na salat sa katotohanan! Si Teang ay malayo na, nagpakalayolayo upang patibayan ang wika ko sa iyo na ang pagkikilala namin ay ganap nang natapos; at sa kalaliman n~g hatinggabing ito ay ikaw ang aking kaniig at siyang tan~ging pinaghihin~gahan n~g lalong dalisay kong damdamin. ¿May iba pa kayang Selia ang makata sa sandaling ito, Elsa, liban sa iyo?

Minsan pang natigilan ang mestisa. Nagaagawan sa kanyang panimdim ang pagibig at pan~gamba. Iniibig niya si Tirso; n~guni't sa dahilang di niya hinihintay na magkakaroon n~g gayong pagtuturing ang makatang ito sa gabing iyon n~g kanilang paglalamay, ay nan~gan~gamba naman siyang baka iyo'y kung ano nang babala n~g kanyang kapariwaraan.

Salamat na lamang at ang pagkakatigilan nilang dalawa ay ginambala n~g mahinang salita n~g matandang tagapagpalakad n~g bangka.

—Sadsad na po tayo.

At siya n~ga naman. Nang lin~gunin ni Elsa't ni Tirso ang dakong dulo n~g bangka, ay naanag-agan nilang isang dangkal na lamang halos ang layo sa lunsarang pampang.

Sa gayo'y maluwag nang nakahin~ga ang dalaga.

Ang makata naman ay dili ang hindi nakapagbitiw n~g isang malalim na buntonghinin~ga.

—Pandakan na po,—ang saad n~g matanda;—at ang bahay na iyong natatanaw nating sagana sa ilaw, ay siya ninyong patutun~guhan.

—Marami pong salamat,—ang nagkapanabay na sambot n~g magkasama.

Mula sa malayo ay may makapangyarihang tinig na sumi~gaw:

—¿Elsa?

At ang tinig ay nakilala n~g mestisa: sa kanyang kapatid.

—Oo, ako n~ga,—itinugong kakabakaba ang dibdib sa pagdadalang takot.

At ang tumawag ay napaharap noon din sa dalawa.

—¿Sino ang kasama mo?—ang may katigasan pang tanong n~g sumalubong.

—Si ... Tirso,—ang sagot n~g dalaga.

—Ako,—ang pakilala naman n~g makata.

At, noon din ay samasamang lumakad ang tatlo n~g ang sinoman sa kanila'y hindi nagbibitiw n~g kahi't isang salita....


XIX

PAGIBIG AT DALAMHATI


Malungkot si Elsa.

Ang mukha niyang datidati'y pinaaaliwalas n~g nagtatamisang n~giti na malimit mamilaylay sa kanyang mayuyuming labi, nang hapong yao'y pinapan~gulimlim n~g isang kalumbayang tinutugunan sa puso n~g mapapait na tibukin. Ang m~ga balintataw niyang may kislap n~g tala ay nagmistulang alitaptap na bahagya nang makagitaw ang liwanag sa sun~git n~g kapighatian.

At ang sanhi n~g lahat ay mapagkikilala sa isinasaysay n~g kalatas na itong kanyang sinusulat sa gayong pagiisa sa loob n~g kanyang tahimik na silid:

"Pasay, Enero I, 1916."

"TIRSO:"

"Aywan kung nahulaan mo ang tunay na kahulugan n~g m~ga kilos na ating napuna sa kapatid ko kagabing tayo'y magkaakbay na umahon sa Pandakan, N~guni't ang totoo, ay tinanggap ko sa kanya, oras na pagkauwi namin n~g bahay at pagkatalikod mo, ang di maulatang galit na kanyang ibinabaw sa akin dahil sa pagkabalam n~g ating dating sa bayang sinabi."

"¡Oh, gayon na lamang ang iyak ko!"

"Kung hindi pa ako nakalasap n~g di gagaanong mabuting pagtin~gin at pagpapalayaw n~g kapatid kong ito, marahil ay di ko pa pakadaramdamin ang ganitong poot niya sa akin ... ¡Pagkahiraphirap n~ga n~g ganitong napagsapit ko!"

"At sapagka't kung tutuusi'y ikaw lamang, Tirso, ang tan~ging pinagbuhatan n~g lahat n~g ito, ay itulot mong sa iyo ko rin tan~ging isiwalat ang binabata kong hirap, upang kung tunay na nagbubuhat sa ubod n~g iyong mahabaging puso ang m~ga pamimigkas na iyong ipinasinaya sa akin kagabi, ay matapunan mo ako mula riyan sa iyong katiwasayan hanggang dini sa laot n~g walang kahulilip na pagluha, n~g iyong mapagkandiling paglin~gap...."

"Lin~gapin mo n~ga, Tirso, ang ganitong kalagayan kong napagsapit alangalang sa iyo ... Alangalang sa iyo sapagka't ang pagiisa kong kasama mo nang tayo'y mainip na salubun~gin n~g kapatid ko sa lunsaran sa Pandakan ay siyang pinagmulan n~g lahat niyang pagkagalit sa akin."

"Dapat kong ipagtapat, Tirso, na nakagawa n~ga ako n~g malaking pagkakasala. Nang sila n~g hipag ko ay bago magtun~go sa bayang nasabi ay hiniling ko sa kanilang ako'y iwan na at may katipanan lamang na ilang kaibigan dalaga na sa gabi na darating doon. Naniwala sila. At pinakahintay n~gang darating ako sa Pandakan n~g ang kasama'y m~ga babae ring paris ko. Datapwa't nagdatin~gan daw roong sunodsunod ang madlang pananuhin at ang tanang kakilala namin, anino ko man anya'y hindi nila makita at sinoman sa m~ga yao'y walang makapagsabi kung ako'y saan naroon at kung darating pa o hindi na."

"May palagay ako na ang malimit na pagtatanong tungkol sa di ko pagsipot n~g kaibigan naming naghanda ang siyang nakapagulol na lalo sa kainipan at kung anoanong sapantaha n~g aking kapatid. Bakit ay mahigit daw sa tatlong oras na pinamutian siya n~g mata't nagtila kaning nagpakapanghal sa pagaabang sa lunsaran, n~guni't ang kung bakit di ako dumarating ay hindi niya masayod liripin."

"Laban sa dating lubusang pagtitiwala niya sa aking pinagaralan, ay itinanong sa akin n~g kapatid ko, sa ayos na kapitapitagan at nakapangyayari, kung ano ang di sasalang sinasapantaha n~g balanang nakabatid sa gayong ating ginawa, na anopa't para bang inilagay sa alinlan~gan ang kalinisan n~g pagkababae ko buhat sa gabing iyon...."

"Tinunton at pinanghinayan~gan ang m~ga pagpapalayaw na kanyang ipina-utang sa akin, at sa paniwala raw niya'y labis ang aking napagaralan upang mapagtalastas ko ang pan~git at kapuripuri, ang masama at mabuti. N~guni't ang ginawa ko raw na iyon ay dapat lamang umanong hintin sa m~ga babaeng talipandas, halaghag at walang pinagpapakundan~ganang pan~galan sa harap n~g Kapisanan."

"Bakit ang isa pa ay kulang na lamang ang ako'y itulak sa hagdanan upang masabing ako ay itinataboy. At halos tiyakin na sa aking ikinahahalay na n~g kanyang pan~galan ang pananatili ko sa lilim n~g tahanang ito...."

"Ang lalong masakit nito ay ang ginawa niyang walang pigil na pagsasalita sa akin sa naririnig n~g aking hipag, n~g hipag kong matagaltagal na ring may hinalang lihim sa ating m~ga palagayan. Limpaklimpak daw na kahihiyaan ang itinapon ko sa harap n~g m~ga taong dumalo sa Pandakan...."

"Ako ay ipinagtanggol na mabuti in Dioni, n~g mabait at mapagmahal na hipag ko: datapwa't ang pamamagitan niya't malulubay na paliwanag ay nagparang tubig lamang na nabuhos sa buslong butas. Ang kagalitan n~ga n~g kapatid ko ay di nakarinig sa m~ga katuwiran n~g sinoman sa aming dalawang babae...."

"Sa lahat n~g ito, Tirso, ay lubos na lubos ang kanyang paniwala na ako ay nagpain n~g puri sa iyo at ... pinagsamantalahan mo naman. Nang magmatuwid ako, ay sinabi pang kung talaga raw na nakapananagutan ako sa aking ginagawa ay makita niya kung paano ang gagawin kong pagbaban~gon sa aming pan~galang inilagpak ko kagabi sa lusak n~g dilang kapulaan."

"N~gayon, Tirso, ay nasa iyo ang karapatan sa pagpapasya. Kapagkarakang magkakilala tayo ay di ko na pinagalinlan~ganan ang busilak mong budhi at gintong kalooban. At kung tunay na nagsipamuhatan sa guwang n~g iyong dibdib ang m~ga kataga mong ipinasinaya sa akin magmula sa bahay, pati sa kalesa, sa hotel at hanggang sa bangka ... at kung hindi pagsasamantala lamang ang ginawa mong malimit na pagpisil sa m~ga kamay ko ... ay panahon nan~ga n~g ayong marapat kang mapukaw, mahabag at matutong human~go sa akin sa kinasadlakan kong kahihiyaan. ¡Ah, Tirso! Tahasang sinasabi ko na di ako maaaring mamalagi sa ganitong buhay na pinaghatdan mo sa akin...."

"Inuulit kong ikaw n~ga, Tirso, ang sanhi at kadahilanan n~g lahat na ito. Kung hindi sa malaking pagtitiwala ko sa kabayanihan n~g puso mo,—bakit ba't di ko pa ipagtatapat, ay sa ako'y sadyang kalaban n~g pagpapakunwari,—ay hindi sana ako bumalangkas n~g kasinun~galin~gan sa harap n~g kapatid ko't hipag, at disi'y di ka naman nagkaroon n~g maliligayang sandali sa pan~gan~garap n~g gising sa piling ko kagabi...."

"Kung sa bagay, ay di n~ga kaila sa iyo ang aking pagkamestisa. N~guni't hindi maikakait n~g sinoman na sa m~ga ugat ko'y tumatakbo rin naman ang dugong pilipino. Ang pagkakaroon ko n~g kahi't gapatak n~g dugong ito ay sapat upang angkinin ko rin ang likas na ugali n~g babaeng pilipina, na kung ganitong napapan~gat na sa kapulaa't nagiging sanhi n~g m~ga pan~git na sabisabi, ay gumagamit n~g karapatan sa paghanap n~g katubusan sa kamay n~g lalaking puno at dahil n~g ganitong kinahinatnan."

"Ako n~ga, Tirso, ay binawian n~gayon n~g pagmamahal n~g bugtong kong kapatid, at anya'y ipinalalagay na n~g madlang taong nagtitipon sa Pandaka't nakahiging sa pangyayaring iyon, na ako raw ay isa na lamang alibughang walang puri, samantalang hindi mo inilalawit ang aking kaligtasan...."

"Dumudulog n~ga sa iyo n~gayon, Tirso, ang abang babaeng sinundo mo sa kanyang tahanan, iyong iniangkas sa kalesa, kinasalo mo n~g boong lugod sa hotel at katalamitam mo't tan~ging kaakbay sa pakikigiit sa kapal n~g tao sa Escolta, kaparepareha mo sa sayawan sa inyong klub at sa wakas ay kapilingpiling mo n~g boong laya sa pamamangka sa ilog sa Pandakan...."

"Ipinaghalimbawa mo kagabi na ikaw ay si Balagtas at ako ang iyong Selia. Ipinagunita ko naman sa iyo ang n~galan ni Teang, n~g babaeng hinan~gaan mo sa simbahan Datapwa't walang gayon ang ginawa mong pagpapatibay na ... ako na lamang ang tan~ging laman n~g iyong dibdib at kaaliwan n~g iyong puso. At n~gayong nanghahawak ako sa gayong m~ga winika mo, ay ¿babayaan mo kaya ako, mabait na makatang nagsuob at gumising sa puso ko n~g m~ga tulain sa buhay?..."

"Sa ano't paano man ang kapasyahan mo, ay ipinamamanhik ko sa iyong sagutin mo lamang ang napalawig na liham na ito, kapagkarakang mabasa mo na, upang sa ganya'y mapagtalastas ko kung ako ay totohanan na n~gang sawi sa mata n~g Kapisanan, at kung ikaw nama'y sadyang may maran~gal na budhing tan~gi at ibangiba sa karamihan n~g m~ga lalaking paris mo."

"¿Di mo kaya ako hahabagin?"

"Salamat kung gayon...."

"Naghihintay n~g boong lungkot,"

"ELSA BALBOA."

Matapos lagdaan n~g nan~gin~ginig na m~ga kamay n~g mestisa ang mahabang kalatas na ito, ay minsan pang ibinaling sa dakong puno ang kanyang m~ga namumugtong mata at muli pang pinaraanan n~g masiyasip na pagbasa, bago nagbitiw n~g isang pahimutok na buntonghinin~gang kinalalangkapan n~g di masukatang sukal n~g loob.

—Nahahabilin sa sulat na ito ang lahat kong pagasa,—ang nanghihin~gapos niyang wika, kapag nabigo pa ako rito ay tapos na sa akin ang lahat....

Kapagkuwa'y naglabas n~g isang munting sobre, ito ay sinulatan, tuloy diniktan n~g nauukol na selyo, at noon di'y tumawag n~g isang utusan upang ipahulog sa koreo ang kanyang ginawa.

Ang kanyang kapatid na katatapos pagsikpan n~g dibdib dahil sa sasal n~g poot, ay nanaog umagangumaga pa n~g araw na iyon at ayon sa iniwang sabi'y sa palaisdaan na niya sa Malabon magpaparaan n~g pananghalian. Si Dioni namang may likas na mababang luha na madaling dumadamay sa sinomong dinaratnan n~g ligalig sa buhay, ay maghapong halos ayaw umalis sa kusina na wari bagang walang pusong maitatagal kung makarating sa kanyang m~ga pangulinig at mamalas n~g kanyang m~ga panin~gin ang tinan~gistan~gis n~g kanyang magandang hipag.

Mahigit sa kailan~gang panahon n~ga ang nagamit ni Elsa sa pagsisiwalat n~g tanang dalamhati n~g kaluluwa niya sa kalatas na kanyang ipinadala kay Tirso.

N~guni, sa halip na kilalaning paggalang sa kalubhaan n~g m~ga sandaling tinatawid niya ang katuturan n~g di pan~gan~gahas ni Dioni na gumambala sa kanyang kusang pagtatago sa silid, na siyang tan~ging tunay na ibig sabihin n~g ginawa n~g hipag niyang ito, ay ipinalagay ni Elsa na marahil ay nasusuklam na n~ga sa kanya pati ni Dioning sa una't una pa'y pinakamahal na niya't itinuring na katapatang lihim na walang kasingbait. At dahil sa ganitong pagpapalagay ay lalo nang-naputos n~g luksa ang kanyang puso at lalo nang naganyong libin~gan ang tanang namamalas n~g kanyang luhaluhaang m~ga balintataw....

Sa laki n~g hinanakit sa kanyang hipag na sinasapantahang nagiiba n~g loob sa kanya't pumapanig sa asawa, ay ipinagbiling ni Elsa sa alilang pinagbigyan n~g sulat na si Dioni'y papasukin sandali't mayroon lamang siyang sasabihing ilang bagay na lihim.

At, babahagya pang nasusun~gaw sa ginto ang mukhang malamlam n~g hipag na ipinatawag, ang mestisa ay kaagad nang humagulhol na animo'y batang paslit na nilisan n~g magiiwi. At mababa rin namang sandali ang namagitan, bago nakuhang magsalita n~g ganito:

—¡Naku, Dioni! ¡Pati ikaw naman yata!...

At ang hipag n~g mestisa ay natuluan pagdaka n~g luha sa malaking pagkalunos.

—Elsa, wala kang dapat ipaghinala sa akin,—tan~ging naisambot.

—¿Hindi ba't pati ikaw ay nagagalit na sa akin?—ang malumbay na tanong n~g dalaga.

—Hindi, at minamahal din kitang kagaya n~g dati.

—Salamat, Dioni, kung gayon ... N~guni't ¿bakit kaya baga't nakaraan ang singkad na maghapong kibuin dili mo ako sa ganitong pamamahay ko sa di maulatang kapanglawan?...

—Nahahambal lamang akong totoo sa nanyayari sa iyo....

—Nabahambal ka, ¿samakatwid ay di mo sinasabing ikinahihiya mo ang pananatili ko sa lilim n~g bubong n~g bahay na ito?

—Hindinghindi, Elsa, at ikaw'y kapatid ko ring pinaguubusan n~g mabuting pagtin~gi't lubos na pagmamahal.

—Subali't ang kapatid ko, si kuyang, ay ... ¡galit na galit sa akin!

—Siya lamang ang nagagalit sa iyo....

—At sukat ang gayong pagkagalit niya, upang ako ay huwag nang bilan~gan n~g maraming araw sa tahanang ito....

—¿Saan ka paroroon?

—Aywan, Dioni, at ang lalaking puno at dahil n~g ganitong napagsapit ko ay akin nang sinulatan n~gayon.

—¿Sinulatan mo si Tirso?

—Oo....

—¿At sa anong bagay?

—Bagay sa nararapat niyang gawin upang ako ay mahan~go sa ganitong kapulaan....

Napamata na lamang si Dioni, pagkarinig sa ganitong pahayag n~g mestisa. Ang m~ga unang kutob n~g loob niya hinggil sa gayo't ganitong maaaring maging katuturan n~g kilusa't palagayang malimit niyang mapuna sa hipag niya't kay Tirso, n~gayo'y hindi kutob lamang kundi isang katotohanan nang pinatitibaya't siyang inaamin n~g kanyang kausap. Dahil sa gayong ginawang pagliham sa makatang hinihinala na n~ga niyang namamalakay sa bahay na iyon, ay maliwanag na nadama niya ang kaselanan n~g m~ga sandaling tinatawid n~g kanyang hipag, palibhasa siya man, si Dioni, nang magdaan na sa mapan~ganib na katayuang paris niyon, ay gayon ding pagsulat kaagad ang ginawa, pagsulat na siya tuloy ikinabunsod na maaga n~g kanyang pagaasawa sa kapatid ni Elsa.

—¿Iiwan mo na n~ga ba ako, kapatid ko?—ang makasandali'y boong kalumbayang itinanong sa mestisa.

—Siyang tan~ging marapat kong gawin upang manumbalik ang dating payapang buhay ni kuyang....

—Elsa, kung kinikilala't minamahal mo ang iyong kaisa-isang kapatid, ay hindi mo siya nararapat pakitikisan. Kinagalitan ka niya, hindi sapagka't talagang ikinasusuya na ang iyong pamamalagi sa lilim n~g kanyang kalin~ga, kundi alangalang din sa ikapapanuto n~g malinis na pagkababae mo.

—N~guni't ako ay wala nang kasingdumi sa tin~gin niya....

—Hindi naman, Elsa, ipinakita lamang sa iyo ang kamalian mo. At walang taong hindi nagkamali.

Tumagaltagal din ang salitaang iyon n~g dalawang maghipag na kapwa sinasakbibi n~g dalamhati ang m~ga puso.

At hindi nagkawakas ang hinikbihikbi n~g isa't isa sa kanila, kundi nang marinig nang tumatawag buhat sa hagdanan ang kapatid ni Elsang asawa ni Dioni.

Nagwalawalaang sumalubong ang asawa sa kanyang dumating na giliw, samantalang pinapananauli sa kanyang maaliwalas na mukha ang masayang anyo na di sukat kahalataan n~g anoman.

Si Elsa naman ay kusang nagpaiwang nagiisa sa loob n~g kanyang silid, na, nang sandaling iyo'y bahabahagya nang nilalaganapan n~g dilim, upang kung mangyayari'y mabigyan niya n~g maluwag na pagkakataon ang pakikipagbulun~gan sa dalamhati n~g kaluluwa niyang ginugutay n~g bagabag....


XX

SI TEANG AT ANG "HIMALA"


Sabay na tumawag sa pinto n~g hagdanan ni Tirso Silveira si Martinez at ang tagadalang-sulat na nagabot n~g kalatas ni Elsa.

Pagkatanaw n~g makata sa tagadalang-sulat ay nakaramdam kaagad n~g biglang pagsinsin n~g pintig n~g puso, pagka't sinapantaha niyang yaon na kaipala ang sulat na pinakahihintay niyang magbubuhat kay Teang. Datapwa't ang sikdo n~g dibdib ay tinugunan noon din n~g isang pamumutlang bumakas na maliwanag sa kanyang mukha, kaya't nahulaang madali ni Martinez ang pagkabigong tinanggap n~g makata.

—Hindi yata dumating,—ang painong turing n~g binatang kapapanhik.

—¿Alin?—pakailang tanong n~g maybahay.

—Ang sulat na hinihintay mo,—ang wika pa ni Martinez.

—Ako'y walang hinihintay,—lalo pang pakailang iwas n~g makata.—¿At sino naman ang susulat sa akin sa m~ga araw na ito?

—Si Teang ... si Elsa....

—Si Teang ay hindi. Si Elsa, manapa....

Hindi nalalaman ni Tirsong tinik na sumubyang sa dibdib ni Martinez ang huli niyang winika. ¿Susulat sa kanya si Elsa? ¡Talagang hindi namamali n~g hinala si Martinez!

Si Martinez ay naparoong daladala sa isip ang isang lihim na tangka n~g paghihiganti sa lalaking ikinalupig n~g kanyang m~ga lakad sa mestisa, gayong pinautan~gan niya n~g tulong ukol naman kay Teang. At ang narinig niyang sinabi ni Tirso ay parang paghahamon sa ikatutuloy n~g kanyang tangka.

Subali, ang totoo, sa harap n~g makatang magiliw ring naganyaya sa kanya hanggang sa silid na sulatan niyon, ay natutubigan siya mandi't hindi matutuhan kung ano't kung alin ang sasandatahin niya sa gayong balak.

Sa hindi niya pagimik na parang nawawalan, ay si Tirso ang nagsalita.

—Matagaltagal nang hindi mo ako binabalitaan n~g tungkol sa iyong kababayan ...—ang wika.

At si Martinez ay lihim na namuhi.

—¿Ano pa ang kailan~gan sa iyo?—itinanong na tuyongtuyo.

—¿Bakit?—anang makata.—¿Alan~gan na ba akong magpatuloy n~g pakikipagkilala sa kanya?

—Hindi sa alan~gan, kundi sa dalawang dahila'y wala nang kailan~gang balitaan pa kita n~g anomang natutungkol sa kanya: una, sapagka't wika mo'y si Elsa at hindi si Teang ang hinihintay mong susulat sa iyo at ikalawa, sapagka't si Teang nama'y ... malayo na sa mararating n~g m~ga gunita mo.

—¿Si Teang ay malayo na sa mararating n~g m~ga gunita ko?

—Siyang totoo.

—Martinez, ¿ano ang ibig mong sabihin?

—Silveira, ang ibig kong sabihi'y ang paris n~g iyong narinig.

—¿Tinatalinghagaan mo ba ako?

—Hindi; at ang m~ga sinasabi ko ay maliliwanag.

—Kung maliliwanag ay sukat sanang mawatasan ko kaagad ang tukoy n~g iyong pan~gun~gusap, n~guni't ang totoo ay nalilito ako.

—Wala akong magagawa kung ikaw ay nalilito; n~guni't kung sadyang nais mo ring mabatid kung bakit sinabi kong malayo na si Teang sa mararating n~g m~ga gunita mo, ay wala akong dapat gawin kundi isa: ang ipaala-ala sa iyo na siya ay wala na sa bahay n~g kanyang ninang sa San Lazaro.

—¿At saan naroon?

—¡Aywan kay pari Casio!

—¿Ha?

Napuna ni Martinez ang untiunting pagkainis n~g kausap. Ang n~galan ni pari Casio ay nang oras na iyon na lamang niya naisip, at kung gayong tila ang natuklasan niya'y magkakabisa, ay kailan~gan nang ipatuloy yamang nasimulan na. ¿Subali't ano kaya ang kanyang kakathain hinggil kay Teang at sa binanggit niyang pari? ¡Ah, may nadampot siya! At ang kanyang isinagot:

—¿Ikaw ba, Silveira, ay patay na loob na di nakabalita, kahi't balita lamang, tungkol sa milagrong nangyari kina donya Basilia?

Lalong nagibayo ang bakla n~g panimdim n~g makata. At itinanong:

—¿Milagro? ¿Kailan?

—Nitong ilang araw na kalilipas na bago maalis sa bahay na iyon ang babaeng ipinagtatanong mo.

—Iulat mo, Martinez.

—Iulat ay huwag na. Sasabihin ko na lamang sa iyo, kung talagang wala kang naaamuyan, na marapat mong pagsisihan ang pagkakilala sa babaeng sayang at naging aking kababayan. ¡Naku, Silveira, may katotohanan pala ang bulun~gang kumakalat sa amin bayan tungkol kay pari Casio at kay Teang!

—¿Ano?...

—¡Ano pa raw! ¡Tanun~gin mo si manang Magda, at siya ang nakatutop sa bayaning pari sa tulugang katre n~g kanyang anak na dalaga!

—¡Martinez, kapag hindi mo napatunayan ang iyong sinasabi'y...!

At biglang dinaluhong ni Tirso at ginagap sa dalawang balikat ang binatang iyong naparoon yata upang umaglahi n~g walang kasingsakit sa kanyang kapalaran.

N~guni't si Martinez, na talagang inaalihan noon n~g malaking paghahan~gad na makapaghiganti sa katotong ipinalalagay niyang umagaw n~g kanyang ligaya, ay di nabalino sa gayong namamalas na kilos n~g kausap, kundi bagkus nagpakatatag at parang nakatanaw n~g nalalapit na pagwawagi.

—¡Ikaw ang bahala, Silveira! ¡Kung ayaw kang maniwala, ay mapanisan ka n~g laway n~g dilat ang iyong m~ga mata!

Nakaramdam si Tirso n~g isang malaking pagkahapo n~g katawan. Sa kanyang noo ay gumiti ang malalamig na butil n~g pawis, samantalang ang m~ga litid n~g dalawang paa'y tila bahabahagyang tinatakasan n~g lakas. Makasandali pa, ay boong panglalambot nang ibinagsak ang katawan sa isang peresosang nasa may likuran niya. At ang iba pang ibig sanang sabihin ay ipinahayag na lamang sa pamamagitan n~g ilang buhol n~g buntonghinin~gang sakdal n~g pait.

—N~guni't hintay,—ang bawi ni Martinez mapamayamaya.—Hindi ko makita ang bagay kung bakit ipagdaramdam mo n~g ganyan ang gayo't ganitong "kababalaghan" ni pari Casio at ni Teang, ay sa n~gan~gayon pa lamang halos ay sinasabi mong si Elsa ang hinihintay mong susulat sa iyo. ¿Hindi ba totoong si Teang ay inibig mo sa isang saglit lamang, samantalang ang magandang mestisa'y siyang talang nagniningning na lagi sa diwa mo at alaala?

Hindi na sumagot si Tirso. Di na lamang niya anhin ay matapos na ang gayong paguusap na labis niyang ipinanggigipuspos. Sa bawa't dalawa o tatlong sabihin ni Martinez ay palad nang siya'y magbitiw n~g isang kataga. Salamat na lamang at ang isa ay para namang nasiyahan na sa nangyari kay Tirso, kung kaya't pagkaraan n~g m~ga, sampung minuto sa pagbubuklat n~g ilang aklat na kanyang natunghan sa sulatan, ay nagpaalam na't di umano'y may lalakarin siyang bagay na mahalaga sa bahay n~g isa pang kasama.

Pagkaalis ni Martinez ay sarisaring mapapait na gunitain ang sumilid sa panimdim n~g makata. Ang balitang natanggap kay Martinez ay lumikha n~g isang malaking sugat sa guwang n~g kanyang puso, sugat na walang tan~ging ikababahaw kundi ang alinman sa dalawang ito: o pagusigin niya kahi't saan naroon ang babaeng alibugha na naglaro sa kanyang kapurihan upang papanagutin sa bigat n~g salang ginawa sa kanya, o yao'y ilibing niya sa hukay n~g limot na parang hindi niya naging kakilala kailan man. Datapwa't maging alinman naman sa dalawang ito ay tila malayo sa ikabubunsod, palibhasa'y kung magpapakapusok siyang magusig kay Teang sa m~ga araw ding iyon ay sapilitang mababalatong ang pagtatapos n~g kanyang pagaaral, at kung limutin nama'y lalong hindi mangyayari pagka't buhol na walang kalag ang sinumpaan niyang higpit n~g kanyang pakikiisang kapalaran sa babaeng iyon. ¿Paano ang mabuti niyang gawin?

Unaunang marapat niyang matiyak ay kung, hanggang saan ang taglay na katotohanan n~g m~ga ipinahayag sa kanya ni Martinez. Kinakailan~gan niya ang patotoo n~g kahi't isa man lamang saksi, kung baga sa isang usaping nililitis sa hukuman, upang mabigyan niyang halaga ang m~ga balitang kanyang tinanggap. At sa bagay na ito'y ¿sino ang kanyang lalapitan? ¿Sino ang makapagbibigay n~g patibay na kinakaila~gan niya?

Sa katatanong n~g ganito sa kanyang sarili, ay nagunita ni Tirso ang mestisang si Elsa, ang pamangking buo ni donya Basilia. Tunay na si Elsa at si Teang ay untiunting pinapaglayo n~g m~ga hiwaga n~g puso, n~guni't sa dahilang ale n~g una ang may-ari n~g bahay na sinasabing pinangyarihan n~g "himalang" ibinalita ni Martinez ay dili ang hindi kahihiwatigan ang tinukoy na mestisa n~g anomang tandang sukat mapagkakilanlan kung tunay o hindi ang sinasabing "himala". Bakit ay nagunita pa ni Tirso na kaya raw siya inanyayahan ni Elsang sumama sa Pandakan n~g gabing kalilipas, ay sa dahilang may ibig ibalita sa kanyang ilang ulat na may kinaalaman kay Teang at sa kanya. ¿Isa lamang kayang biro n~g mestisa ang gayong pahayag?

Naalaala ni Tirso ang sulat na tinanggap na galing kay Elsa. Madali niyang dinukot sa isang kahon n~g kanyang sulatan na pinagtaguan niya upang iyo'y huwag nang makilala ni Martinez, at pagdaka'y binuksan.

¡Ah, anong kalatas na pagkahabahaba ang kanyang nabasa! ¡Anong pagkalungkotlungkot na m~ga katagang animo'y sigaw na napaaawa n~g isang inabot n~g sigwa sa laot n~g dagat!

Sinasabi n~g kalatas na yaong ang sigwa ay kay Tirso nagbuhat, ¿nababagay n~ga kayang ang makatang ito ang sumaklolo't sumagip kay Elsa?

Sa laran~gan n~g pagibig, kung may nakikilalang hiwaga ang puso n~g tao, ang hiwagang umaakibat sa kapalaran n~g makatang si Tirso ay isa nang hindi karaniwan halos masasabing walang kapan~galawa sa tanang nangyayari, at kung sakali't mayroon ay bihirangbihira.

Sa isang dako'y ipinagtatalo n~g kanyang loob ang hindi pagkatupad n~g kapan~gakuang iniwan sa kanya n~g babaeng pinagsanglaan n~g walang tubos n~g kanyang kaisa-isang pusong namana sa magulang, saka ang m~ga balitang tungkol sa babaeng iya'y inihatid sa kanya n~g isang binatang itinuturing na kaibigan; samantalang sa kabila nama'y hayan ang kalatag n~g mestisang sa mula't mula pa n~g kanilang pagkikilala'y wala nang ipinatamasa sa kanya liban sa di karaniwang pagtatan~gi't tuwina'y pagkahalina sa anomang kanyang ginagawa, sa lahat niyang m~ga tula ... Samantalang ang m~ga pangyayari at ang m~ga natatanggap na balita'y nagtataboy sa kanya upang pagbuntuhan niya n~g n~gitn~git at ikahiya sa kabatiran n~g iba si Teang, si Elsa naman ay patuloy na nagpapasinaya sa kanya n~g, mataas na pagtin~ging sukat lamang hintin sa isang tunay na kasuyo, sa isang tapat na kasing nananagisag n~g kawagasan. Sa m~ga sandaling yao'y hindi niya maturol kung sa kaninong anak n~g Dios nahahabilin ang palad ni Teang, at sa m~ga sandali ring yaon ay nasa harap naman niya ang liham ni Elsang naglalahad n~g walang pagtutumpik sa tanang pithaya n~g pusong nauuhaw sa pagirog ... At ang sulat na iyong kinakaharap niya, higit sa isang pagpapahayag n~g mataas na pagtin~gin, ay isang tunay na paghin~gi't paghihintay n~g kanyang magagawa, n~g sukat niyang ilin~gap sa isang minamahal at itinatan~gi sa buhay ... ¿Paano ang marapat niyang gawin sa pagpapabaya ni Teang? ¿At paano ang gagawin naman niya sa gayong pagbubukas n~g dibdib n~g mestisang nabihag n~g kanyang pagkamakata? ¿Saang panig siya dadako? ¿Doon? ¿Dito?...

Sa wakas ay minarapat ni Tirsong ibilang pa n~g ilang araw, n~g ilang panahon, ang paghihintay n~g sulat n~g babaeng pinagtiwalaan niya n~g puri't karan~galan, samantalang ang sukat itugon sa sulat n~g mestisa ay siya namang pinagliming masusi n~g kanyang bait at siyang nihanap n~g hatol sa kahinahunan n~g kanyang pagkukuro.

N~guni, lahat n~g kanyang naisip tungkol sa isasagot kay Elsa, ay di niya inibig na sulatin sa ayos n~g isang kalatas na ipadadala sa tinukoy na mestisa. Ang sulat ay isang katibayang kanawanawang maipapalad sa harap n~g ibang tao. At ang kaselanan n~g kanyang tayo dahil sa sinumpaang pakikiisang dibdib sa harap n~g hukuman sa Sampiro, ay nagaatas sa kanya upang magpakain~gat sa ikapagkakaroon n~g masasangguning katibayan n~g pakikitalamitam niya sa sinomang babaeng naiiba kay Teang.

—Mabuti'y makipagkita ako sa kanya, at sa harapang paguusap nami'y saka ko siya tutugunin n~g nararapat,—ang tapos ni Tirso sa kanyang magulong pagninilay.

Makailang saglit ay may tumawag kay Tirso, at ipinagbigay alam na sa telepono n~g botikang nasa silong n~g gusaling kanyang tinitirha'y mayroong naghinintay na ibig makipagusap sa kanya.

Nagdudumali siyang nanaog.

At pagkahawak sa telepono'y tinig n~g babae ang kanyang narinig.

—¿...?

—Si Silveira n~ga po itong kausap ninyo. ¿Sino po ba naman sila?

—....

—¡Ah, ikaw pala, Elsa!

—¿...?

—Oo, natanggap ko.

—¿...?

—¿Kung kailan mo tatanggapin ang sagot? Ang ibig ko sana ay sagutin kita n~g harapan sa isang pagniniig ... ¿Paiirugan mo ba ako?

—....

—Kung kailan ka may panahon ay tumipan ka't ating pagusapan ang bagay na iyan.

—¡...!

—¿Pariyan ako sa m~ga araw na ito? Iyan ang hindi mabuti. Maipalalagay niyang tayo ay naninikis....

—¡...!

—Huwag ka sanang mabiglain. Ang galit n~g kapatid ay pagmamahal. Kung hindi ka minamahal, ay di ka kagagalitan....

—¿...?

—Isang araw ay masok tayo kahi't sa aling sine at doon natin pagusapan.

—¿...?

—Ikaw ang bahala: pasama ka kahi't kay Dioni, kung nan~gan~gamba ka nang makipagniig sa akin n~g sarilihan. Nalalaman ko namang paibaibang talaga ang lagay n~g panahon....

—¿...?

—Wala akong ibig sabihin kundi ang pagpapaubaya sa iyo n~g boong kapasiyahan. Marapatin mong magsarili kita, salamat: magsama ka naman n~g kahi't sinong mabutihin mo, salamat din ... Ako ay walang hindi kinadoroonan.

—....

-Kung gayo'y hihintayin ko ang araw at pook na iyong itatakda.

—....

—Salamat, Elsa.

—¡...!

—¡Adios! Taglayin mo ang aking alaala....

Bahagyang naibsan n~g pabigat ang kaluluwa ni Tirso sa pagkapagusap nilang iyon n~g mestisang sumulat sa kanya.

Gayon ma'y nakalipas ang singkad na maghapong hindi niya halos namamalayan, n~g siya ay nanghihinamad mandi't walang alis sa pagkakatun~go sa ibabaw n~g kanyang sulatan.


XXI

PAGSISISI AT PAGBABAGONG LOOB


Dalawang linggong mahigit ang nadaan. Bagama't gayon na lamang ang pusok n~g loob ni Elsa nang kanyang sulatin ang liham na ipinadala kay Tirso, ay nakalipas din ang gayong dami n~g m~ga araw n~g ang tipanan nilang paguusap na sarilihan sa bagay na iyon ay hindi pa nabibigyang katuparan. Paano'y sa siyang pinaiiyahan n~g lalaki, ay parating nagkakaroon n~g salabid tuwing ipagbabalak n~g araw at pook ang ikabubunsod n~g gayong salitaan.

Sa loob n~g panahong iyan na hindi rin idinarating n~g sulat ni Teang, kay Tirso naman ay lalong nagtitibay ang paniniwalang napalun~gi n~ga ang kanyang palad sa babaeng kung bakit ba't napaghabilinan niya n~g kanyang boong pagtitiwala.

Ang pagpapahalaga sa m~ga balitang tinanggap niya kay Martinez ay untiunti n~guni't patuloy na naguugat sa guwang n~g kanyang puso, at nakatutulong n~g malaki upang ang pan~galan ni Teang ay maging buntuhan n~g kanyang kasuklama't lalong masasaklap na hinala. Pati n~g unang balak na paghanap o pakikibalita sa kinaroroonan n~g babaeng iyon ay bahabahagya nang iniwawaksi sa kanyang isip, yamang kung gayon anyang kay Teang nanggaling ang paghamak sa kanilang sumpaan, magusig man siya'y ibayong hirap na lamang n~g loob ang kanyang mapapala. Si Tirso ay kasal sa babaeng iyon, oo, nalalaman niya; n~guni't ¿bakit pa niya hahan~garin ang mapapisan sa isang talipandas na walang tunay na pagibig sa kanya? Saka, ang kanilang pagkakasal ay lihim na lihim at walang sinomang nakamamalay liban sa hukom na sa kanila'y nakialam. Ang pagmamakain~gay tungkol sa paguusig ay magiging isang tunay na pagkakalat na lamang n~g kanyang sariling kahihiyaan. "Patawarin ang nagkakasala at ipagparaya ang nagkukulang" ang aral na itinuturo n~g Kapisanang kanyang kinaaaniban; at malalabag na lamang sa itinuturo n~g aral na iyan ang paguusig sa babaeng kusang tumaliwakas sa kadakilaan n~g sumpa, ang yumurak at gumutay sa kahalagahan n~g pan~gako. Manan~ga'y tumahimik na n~ga siya't kanyang pagaralang pawiin sa alaala ang pan~gala't larawan n~g babaeng bumitay n~g kanyang magandang pagasa.

Samantala, sa isa sa m~ga bulsa niya ay laging hindi nahihiwalay ang sulat ni Elsa na kinalilimbagan n~g isang pagibig na walang kapantay sa karubduban. Ang pagibig na iyong sa kanya iniuukol ay hindi nakakikilala n~g pagmamaliw. Ulani't arawin man sa laot n~g kanyang pagkawalang loob, na sa nagdaang m~ga araw ay siya niyang ipinahalata sa naturang mestisa, ay patuloy ring; taglay ang dakilang uri, ang kawagasan, na sa wari niya'y sukat ang kanyang naisin upang pagtamasahan niya n~g dilang lugod, n~g madlang biyaya at tanang luwalhati, na sa buhay na ito'y siya na lamang mahihintay n~g kinapal na paris niya.

Sa harap n~g sulat na iyong hindi gumagamit n~g anomang bahid n~g pagpapakunwari, ¿ano pa ang magiging katuturan n~g pagpapakabalisa ni Tirso sa isang babaeng gaya ni Teang kung hindi kabaliwan? Magpakabaliw kung kinababaliwan ay hindi masama at lilikha pa kaipala n~g paghan~ga sa sinapupunan n~g Kapisanan. Datapwa't magpakabaliw sa babaeng humahalakhak at umooroy sa kanyang kasawian ay iyan na ang sukdulan n~g kahalayan na hindi sukat makita sa isang paris ni Tirsong paano't paano man ay may pan~galan na ring nakikilala sa maraming lipunan.

Kaya, masakit mang walang kasingsakit, ay kailan~gan na ni Tirso ang makiayon sa tadhana n~g kanyang palad. Ang tadhana ay waring nagaanyaya sa kanya sa isang dako upang sayurin niya ang kadalisayan n~g pagibig ni Elsa, hindi siya dapat magmalaking huwag magpakundan~gan sa anyayang iyan.

At, habang dumarami ang m~ga araw na hindi idinarating n~g sulat na pan~gako ni Teang, ay patuloy namang pumapanaw kay Tirso na parang kimpal n~g ulap na nawawala sa katingkaran n~g sikat n~g araw, ang pan~gala't alaala n~g babaeng binanggit, katiyap n~g untiunting paguusbong sa pitak n~g kanyang puso, tulad sa halamang busog sa alaga, n~g pagkahalina sa m~ga pakibang loob n~g malulugding mestisa.


Minsan, isang gabi, ay minarapat ni Tirso ang gumawi sa may pook nina Elsa, n~guni't hindi ang tangka'y manhik n~g bahay kundi mula sa palibidlibid n~g looban niyon ay pakimatyagan ang kalagayan n~g dalagang untiunting nagpupunla n~g balisa sa kanyang gunamgunam. At gayong pakikimatyag na n~ga lamang ang kanyang minabuting gawin, sapagka't sa bahay na yaon ay ayaw muna niyang lumantad magmula nang may mahalata siyang sukal n~g loob sa kapatid n~g nasabing mestisa.

Si Tirso ay sa may gawing baybayin n~g dagat nagdaang paahon sa bulaos na patu~ngo kina Elsa. Pinili ang lalong madidilim na palumpong, naglagos sa m~ga palikolikong landas, at pagkalapit sa may tinatalikuran n~g silid n~g mestisa, ay naghagis n~g tin~gin sa dakong itaas at tinangkang makilala sa siwang n~g sarisaring halamang gumugubat sa looban kung sinosino ang m~ga lalaking narinig niyang nagkakatuwa. N~guni't wala siyang nakilala isa man. Ang tinig ni Elsa ay naulinigan din niya, subali't kung ano ang sinasabi'y hindi niya mawatasan.

Makasandali ay kanyang narinig ang piano, pasimula n~g isang one-step ang tinutugtog, tugtog na noon din ay sinundan n~g mahihinang sagitsitan n~g m~ga paang nagsasalimbayan sa ibabaw n~g tabla.

—¡May sayawan!

Datapwa't ang namalas ni Tirso ay pawang m~ga lalaki rin ang nagsisiindak na magkakayapos sa gitna n~g bulwagan, at anino man ni Elsa ay di niya matanaw.

Inakala niyang si Elsa ang nunugtog n~g piano. N~guni't ¡ano bang tugtog! one-step n~ga ang narinig niyang pinasimulan, na siyang sinundan n~g pagsasayawan n~g m~ga lalaking panauhin ni Elsa, dapwa't hindi pa halos nakabubuo n~g tigisang inog ang bawa't magkapareha, ay marcha funebre na ni Chopin ang pagdaka'y kanyang naulinigan.

Ang sayawan ay biglang natigil. At ang humalili'y ang matunog na halakhakan n~g m~ga lalaki.

—¡Napilya na naman tayo ni Elsa!—ang malakas na wika n~g isang nanun~gaw pa sa bintana pagkabalatong n~g pagsasayaw.—Sapul pa kanina'y pawang sa ganyang tugtog sa patay tinatapos ang alinmang tandang ating sayawan.

At malinaw nang nawatasan ni Tirso ang tinig n~g maganda niyang paraluman.

—Kayo ay hindi ko pinipilya,—ang sabi.—Itinanong ko kung ano ang ibig ninyong aking tugtugin, at aninyo'y ako ang bahala kung alin at kung paano ang tumutugon sa loob ko.

—¿At sa lagay ay siyang tumutugon sa loob mo ang marcha ni Chopin?—itinanong pa n~g isa.

—Mangyari,—ang sambot n~g mestisa,—ay sa dinatnan ninyong patay sa akin ang dating kaligayahan n~g puso; at bagaman namamalas ninyong ako'y nakatawa rin, ang kaluluwa ko ay putos n~g luksa't may nilulunok na apdo n~g kadalamhatian.

Ang dating tawana'y nasaksihan ni Tirso na napaltan n~g sandaling pananahimik.

Kung ang m~ga lalaking iyon ay walang napunang panglalamlam n~g dating masayang mukha ni Elsa kapagkarakang ito'y makiharap sa kanila nang gabing iyon, disin ay may nagdamdam na sa ganyang m~ga kataga na walang kagatolgatol na kanilang narinig. N~guni, ang totoo, si Elsa n~ga ay madali nilang napanibaguhang malungkot noon at siya rin namang kaagad ibinulong n~g hipag na si Dioni at ipinagbilin pang huwag pagpapansinin pagka't walang anoman. Kaya, ang isinagot na lamang n~g isa sa kanila'y:

—Kung ganyang ikaw ay may dinaramdam na kalungkutan, ay ibig naming makiramay sa iyo, Elsa.

—Inaakala kong iya'y hindi ninyo magagawa, sapagka't ang m~ga damdaming ito ay para lamang sa aking sarili....

—Sarili mo ma'y makapakikiramay rin kami, kung huwag na kaming magtagal na gaano sa pagkakatuwang ito rito.

—N~guni't hindi ko sinasabi, m~ga kaibigan, na ikinaiinip ko itong ating matiwalang paghaharap.

—Gayon ma'y kami ang nagaakalang marapat igalang ang m~ga sandaling ipinakikilaban mo sa iyong m~ga kalumbayan.

—Kung ayaw na kayong magsayaw ay magusapusap na lamang tayo.

—¿Ano pa ang paguusapan natin ay sa hindi mo naman ipagtatapat sa amin kaipala ang sanhi n~g iyong m~ga lungkot?

—Hindi kayo mawawalan n~g anomang sukat maikuwento sa akin....

At ang m~ga panauhi'y namalas ni Tirsong may m~ga hawak nang sombrero at anyong nagaabot n~g kamay sa mestisa.

—Hintay muna pala sandali,—ang pigil n~g dalaga,—paunlakan muna, ninyo ang munting bagay na pinagaabalahan n~g aking mabait na hipag.

—¡At may pinagaabalahan pa pala si aling Dioni! Sa wakas ay napahinuhod din ang m~ga panauhin.

N~guni't saglit n~ga lamang, at matapos pairugan ang ilang pamatid-uhaw na magiliw na ipinaganyaya ni Dioni, ay nan~gagpaalam na rin.

Si Tirso, na nakasaksi sa tanang nanyari, nang umalis sa pook na iyon ay taglay sa dilidili't siyang pinaglilimi ang m~ga katagang narinig niyang binigkas ni Elsa,

¿Tunay n~ga kayang patuloy kay Elsa ang m~ga pagdadalamhating nasasabi sa kanyang sulat?

¿Si Elsa kaya, hanggang sa m~ga araw na iyong hindi pa nagkakaroon n~g katuparan ang salitaan nilang pagtatagpo sa panonood n~g sine upang doon pagpasyahan ang suliraning ipinaghihintay n~g magiging loobloob n~g makata, ay hindi pa dinadalaw n~g dating katiwasayan n~g kaluluwa?

Naramdaman ni Tirsong ikinaiinip niya ang hindi pagkakatuloy n~g kanilang tipanan n~g mestisa. At sa pagkainip ay iniisip niya kung saan sila lalong maluwag na magkakausap ni Elsa, kung gayong tila may kahirapan ang pagkikita nila sa sine.

Kanyang binalak ang sa isang paliligo sa dagat, yamang arawaraw ring lamang halos ay lumulusong ang dalaga; at binalak din naman ang sa alinman sa m~ga bahay n~g ibang kakilala sa Pasay na rin, sa may di gaanong kalayuan sa pook na iyon, upang huwag maging halatain sa kapatid na pinakikitimban~gan ang gagawing paguusap na lihim. Datapwa't ¿paanong ang gayo'y maisasangguni niya kay Elsa ay sa matagaltagal nang ito'y hindi man lamang lumiliham ni tumatawag sa kanya? Kung may telepono man lamang sana sa bahay nina Elsa, disi'y nan~gahas nang magpaunang tumawag si Tirso. Subali't sa kasamaang sukat ay wala n~ga, ¿paano ang kanyang gagawin?

Samantala'y nalalapit na untiunti ang m~ga araw na ipagdiriwang kay Momo. Nagunita n~g makata na ang siyudad nito na tinitigib n~g m~ga halakhakang ginaganap sa likod n~g m~ga n~giwi n~g sarisaring balatkayo, ay siyang malimit pagsinayaan n~g m~ga pusong uhaw sa ligaya, siyang kadalasang pinagtitiyapan n~g m~ga kaluluwang malaon nang naghihintay n~g isang dakilang pagkakataon, ¿hindi pa kaya sila makapakibahagi sa m~ga biyayang iyang idinudulot n~g karnabal sa m~ga nasa kapanahunang paris niya't ni Elsa?

Sunodsunod na nagdaan sa papawirin n~g alaala n~g makata ang m~ga pangyayaring kanyang napanood sa loob n~g bakod n~g m~ga karnabal na idinaos sa ilang taong tinalikdan. Yaong isang Pierrot at isang Columbinang nahigin~gan niyang nagkaisang magtanan sa m~ga kasama't maliksing nakay sa isang autong aywan niya kung saan nagtun~go; yaong isang dimonyong pula at isang dimonyong itim na nakipagindakan muna sa kapal n~g tao sa "Auditorium", saka pagkatapos ay magkakawit ang m~ga bisig na nagkubli sa dilim, nanunton sa m~ga pook na lin~gid at makasandali'y matagal na nawala sa kung saang bahagi n~g maluwang na siyudad na iyon; yaong isang Aida at isang Radames na nagpakalan~go muna sa malaking bar n~g "San Miguel Brewery" sa loob n~g siyudad at kapagkuwa'y naghudyatang tila may paroroonang mahalagang bagay, bago'y pagkatalin~gid sa m~ga taong sukat makapuna sa kanila'y boong bilis na inihatid n~g isang auto sa isa sa m~ga ligpit na hotel sa San Sebastian, samantalang ang kanilang m~ga kasama'y nakikipagbiruang walang hulaw sa loob n~g mailaw na siyudad ... ang lahat n~g iyon ay m~ga alalahaning kumakayag sa budhi ni Tirso upang siya ay magmunukala n~g isang kaparaanang sukat bagang ... ikaganap n~g kanilang nabibiting tipanan ni Elsa.

—Bahala na sa karnabal, kapag hindi pa natupad sa m~ga araw na ito,—ang nawika sa sarili ni Tirso, matapos sayurin n~g kanyang guniguni ang nan~gabanggit na pangyayaring napanood niya sa siyudad ni Momo.

At parang babala n~g mabuting kapalaran, isang umagang siya'y magawi sa Escolta ay nakatagpo niya ang mestisa na kasama ni Dioni at n~g isa pang babaeng marahil ay kamaganak, kaibigan o kaya'y kanyang kapit-bahay.

Sa pagkikita nilang dalawa noon, ay masasabing mabuti na rin ang nangyari, sapagka't bagaman sasandali at panakaw pa ang pagkakausap nilang lihim at sarilihan ay napagtalastas ni Tirso kay Elsa; na ang bagay na ipinagtipan nilang manonood n~g sine ay sa karnabal na paguusapan; na yao'y maluwag nang mabubunsod kaipala, yamang ang kapatid na lalaking pinan~gin~gilagan n~g dalaga ay nagtun~go sa Nueba Esiha at malamang na hindi mabalik kundi kung makaraan na ang nabanggit na karnabal; na ang binibili nina Elsa nang umagang iyon ay m~ga kayong gagawing balatkayo, at ang may kagustuhan niyon, bilang pinakapangaliw sa m~ga pan~gun~gulungkot na palagi ni Elsa, ay dili iba't ang kanyang hipag na si Dioni.

—Kung ano ang sidhi n~g loob mo, Elsa, sa iyong sulat ay siya namang sidhi n~g loob kong magkaniig tayo, paris n~g ating pinagusapang minsan: datapwa't hangga n~gayon ay nasa paghihintay na lamang ako
...—- ang may himig n~g panunumbat na nasabi n~g makata sa
pagkapagusap nilang iyon.

—Panahon lamang, Tirso, ang wala sa atin ...—ang nagpapasigla n~g pagasang isinagot noon n~g mestisa.

—Gawan mo sana n~g paraan na maibalita agad sa akin ang itatakda mong araw, hane,—ang pasamong bilin pa ni Tirso.

—Hamo't kung hindi kita mapadalhan n~g kahi't isang postal ay tatawagan kita sa telepono,—matibay namang pan~gako ni Elsa.

—¿Hanggang kailan ang ipaghihintay ko?

—Hanggang sa bago dumating ang m~ga araw n~g karnabal.

—Maghihintay ako, kung gayon.

—Asahan mong gagawin ko ang lahat n~g maaaring gawin.

—Salamat, Elsa.

—Wala kang sukat ipagpasasalamat, Tirso. Ako ang nararapat magpasalamat sa iyo, sapagka't sa di kawasa'y ... nakilala na rin n~ga yata n~g iyong puso na may isang sawing babae ritong....

—Akin ang kasawian, Elsa, at sinomang babaeng nakikilala ko ay sadyang tinatangkilik n~g magandang kapalaran.

—Aywan n~ga ba kung ako ang bukod na natatan~gi sa m~ga mapapalad na iyan....

At minsan pang namalas ni Tirso noon ang talagang pagmumukhang nahahapis n~g diwatang yaong kapatid n~g kasayahan.

Ang mestisa't ang makata ay nagkatalikod noong taglay-taglay sa ubod n~g puso nitong huli ang m~ga bagong tibukin....

Ang dating pagpapalagay sa mestisang iyon na may tamis n~g pagtatan~ging kapatid, nitong magpakasira si Teang sa kapan~gakuang iniwan kay Tirso, tan~gi sa katamisa'y nalahukan pa n~g init n~g paglulunggating ibinubuyo n~g isang pagmamahal na mahigit sa nagagawa n~g pagkakapatiran. Anopa't sapul nang gumitaw sa kanyang dibdib ang kutob na pinagmamaliwan na't nililimot siya n~g babaeng nan~gako n~g pagtatapat, ang nakakikiliting kilos at anyo ni Elsa nang gabing mapanhikan niyang aawitawit na nagiisa sa loob n~g bahay, at ang matiwalang pagsama sa kanya noon hanggang sa bangka, saka ang nilalaman n~g mahabang liham na ipinadala sa kanya, ay hindi lamang m~ga pangyayaring laging sariwa sa alaala ni Tirso kundi nagdudulot din naman sa kanyang puso n~g bagong damdaming sinisibulan n~g bago ring pagasa ... Ang buhay n~g tao ay nasasalalay sa gulong n~g Kapalarang walang humpay na umiinog. Kung sa ganang kay Tirso'y napailalim siya sa pagkabighani niya kay Teang, nitong nalulurok na n~g boong pagpapahalaga n~g kanyang kaluluwaang bawa't bugtong o talinghagang iniuukol sa kanya n~g magandang mestisa ay parang ibinubulong n~g kanyang sarili na nalalapit na naman ang kanyang pamamaibabaw at ikatatampok sa karurukan n~g tagumpay.

At buhat noo'y hinintay na niya arawaraw ang pagdating n~g tagadalang-sulat na magaabot sa kanya n~g pan~gako ni Elsa, o kaya'y ang pagtawag nito sa teleponong nasa silong n~g gusaling kanyang tinatahanan....

Ang makata ay nabigo na sa paghihintay n~g sulat ni Teang, ¿sa paghihintay n~g postal o sa pagtelepono naman ni Elsa ay mabibigo pa rin kaya siya?...


XXII

MGA NAGAGAWA NG BALATKAYO


¡Karnabal!

Lubhang makapangyarihan kung magutos ang dios n~g m~ga halakhak at pagbibiro, ang hari n~g balatkayuang lunas sa m~ga dalamhati n~g kaluluwa at puso....

Babago pang napaguusapan ang m~ga araw n~g kanyang pagdiriwang, sa iba't ibang panig n~g Maynila ang m~ga tao'y abalangabala na sa sarisaring paghahanda. Ang m~ga masalapi ay nagsisipagpagawa sa kanikanilang mananahi n~g m~ga kasuutang ikatatampok nila't ikauun~gos sa gayak n~g iba: m~ga sutlang kayong pulangpula na animo'y dugo, mayroon namang dilaw na nakikipan~gagaw sa kulay n~g apoy, at may lungtian pang nagbabalita wari n~g pananagana sa lahat n~g bagay n~g taong sa kanya'y nagpapakahibang ... Ang m~ga maralita naman, sa kabilang dako, ay nagtatamad sa paggawa, ilang araw na di sisipot sa pinapasukan, nagsasangla n~g isang tumbagang singsing o n~g isang hilakong hikaw, na tan~ging hiyas n~g kanilang karukhaan, nan~gun~gutang n~g salaping patubuan at ... bumibili n~g isang murang balatkayo, isang nakan~gising maskara, upang sa likod n~g m~ga ito'y sandaling limutin ang kanilang kahinubong pagkasahol sa buhay, at sandali ring makilahok sa m~ga halakhaka't panunukso sa kakilala't hindi man. Ang m~ga dalaga ay karaniwang magsuot n~g gayak Columbinang kaakitakit sa bawa't makakita, at ang m~ga binata nama'y nagdadami't Pierrot na lubhang katawatawa. Bawa't pusong pinasisigla n~g apoy n~g kabataan, bawa't kinapal na nasa panahon pa n~g kasariwaan, ay dili ang hindi naguubos n~g kaya sa paghahanda n~g tanang nararapat niyang gamitin sa pagsagap n~g luwalhati sa sinapupunan n~g dakilang karnabal. At yaong may kaluluwang hindi nagtitikim n~g biyaya n~g maligayang kapalaran, ay nagsisipan~garap na sa m~ga araw na iyan ay mabibihis ang kanilang kasawian, mapapaltan n~g tuwa ang kanilang m~ga paghihirap at sa duyan n~g luwalhati'y sandali silang aawit n~g kasiyaha't mahahalinhan n~g kabusugan ang binabata nilang uhaw....

At, hindi malilihis sa katotohanan kung ang mestisa at ang makata ay ibilang sa ganyang m~ga may hinihintay.

Si Dioni, na nagpanukala n~g pagpapayari n~g magagarang balatkayo na magagamit niya't n~g kanyang iminamahal na hipag, ay dili ang hindi nagsaloob n~g paninibago sa m~ga kilos nito, nang mapuna niyang tinatangihang pawa at sinasalubong n~g paghingi n~g paumanhin ni Elsa ang lahat n~g anyaya n~g m~ga tanyag na ginoong kaibigan at dating kasamasama sa m~ga liwaliwan, m~ga anyaya para sa isang gabi sa "Auditorium" o sa panonood kaya n~g coronacion o n~g alinman sa m~ga magaganda't malalaking kasayahang idaraos sa loob n~g karnabal.

—Tila nagiiba na n~gayon si Elsa,—ang naibulong niya sa kanyang sarili, nang ang mestisa'y ayaw n~gang magbitiw n~g anomang pan~gako sa m~ga lalaking namumuhunan n~g masuyong pakiusap.

Bahagya ma'y hindi sumagi sa isip ni Dioni na ang sulat na ipinadala ni Elsa kay Tirso noong kararaang Bagong Taon ay maaaring siyang magbulos sa dalawa sa isang lihim na pagtatagpo sa loob n~g siyudad na kinaliligpitan n~g maraming hiwaga. Sa katotohanan, nang tagpuin sila n~g tinukoy na makata noong ikatlong gabi n~g m~ga pagdiriwang sa kaharian ni Momo, ay saka lamang napaguwiuwi, ni Dioni ang bagay at sanhi n~g m~ga kilos na kanyang napapanibaguhan sa kanyang hipag.

—Naalaman ko na n~gayon, Elsa, kung bakit hindi mo pinaunlakan ang alinman sa m~ga anyaya n~g iba't ibang kaibigan mo,—ang manawanawang naibulong niya sa mestisa nang lapitan sila ni Tirso.

At si Elsa na nakalurok kaagad sa ibig sabihin ni Dioni, ay nagbalobalong sumagot:

—Hindi ko sila ibig na makasama rito, iyan lamang ang sanhi n~g di ko pagpayag sa kanilang anyaya.

—Higit diyan ay mayroon pa....

—Ikaw ang napakamapaghinala n~g hindi tama....

—¿Ano? ¿Di ba totoong hindi iyan ang tunay na pinagpaparoonan mo?

—¡Hindi!

—¿At ibig mong tukoyin ko?

—¡Ayoko na n~ga n~g malabis na tuksuhan!

—¡Sa ako'y hindi nanunukso lamang, kundi...!

—Kinalilimutan ko na ang pagtawa, Dioni....

—N~guni't n~gayon sa gabing ito ay may matuwid ka nang tumawa ... At di lamang tumawa kundi marapat pang magalak, malugod at magpasalamat....

—¡Sukat na n~ga iyan!

—¡Kundan~gan pati ako'y ibig mo na yatang paglakuan!

Masaya n~ga ang dalawa.

At ang gayong malamang nang pagkabunsod n~g tipanang pagkikita nila ni Tirso, ay sapat nang makapag-pasigla sa diwa at katawan ni Elsa.

Noon ay siyang gabi n~g nababalitang pagpuputong sa napahalal na reyna.

Si Tirso, panggagaling sa paaralan ay nagdudumaling nagsuot n~g kanyang damit Pierrot na lungtiang magulang at yari sa sutla, may malalaking botones na dilaw sa m~ga manggas n~g baro at laylayan n~g salawal, saka may nagbiting bembe sa paligid n~g kanyang leeg; at han~gos nang nagabang sa isang pook sa loob n~g siyudad, alinsunod sa itinipan n~g mestisa sa araw na sinundan. Hindi naman siya gaanong nainip at dumating sa harap niya ang dalawang Columbinang dilaw, tila kambal sa pagkakawan~gis n~g tabas at kulay n~g kanilang balatkayo.

Ang pagkakaparis na iyon ay nakapagpaulikulik kay Tirso, palibhasa'y hindi niya makilala kung sino roon si Elsa at kung sino naman ang isang kasama. Datapwa, pagkapuna n~g mestisa sa, gayong paguulikulik n~g makata ay siya ang unang humudyat na magpakilala, saka pagkatapos ay ipinakilala rin kung sino ang kanyang kasama.

—Si Dioni iyan,—ang sa paimpit na tinig ay ibinulong. Saka bumaling sa hipag at sinabi:—Si Tirso ito....

Nagyao't dito muna ang tatlong magkakasama sa magkabikabilang panig n~g siyudad na pinanaganaan n~g liwanag. At nang makaubos na n~g kung ilang supot n~g confetti sa walang tuos na pakikipagsabuyan sa balana, ay saka lamang nagyayaang masok n~g "Auditorium", yamang malapit na rin namang dumating ang oras natatakda sa coronacion.

Walang hulugang karayom ang kapal n~g tao sa loob n~g nasabing "Auditorium" nang magsipasok ang tatlo. Kahi't saang gawi sila magbaling n~g tin~gin ay hindi nila mapagwari kung saang bahagi roon maaaring idaos ang ibinabalitang baile de coronacion.

—¿Paano tayo rito?—ang tila may yamot na tanong ni Elsa sa dalawa niyang kasama, pagkamalas sa gayong sikip n~g m~ga taong nagtuwid na lamang sa pagkakatayo at ibig mang lumipat sa, ibang pook ay tila hindi magawa.

—Maghintayhintay muna tayong sandali, at baka mabawasbawasan ang tao'y lumuwagluwag naman n~g kaunti.—ang salo ni Tirso.

—¡Suss! Halos di pala makahinga sa sikip ang taong napaparito!—ang katlo naman ni Dioni.

At sa mungkahi n~g lalaki, ay nagsipagalis na sila n~g takip sa mukha, bilang pakikiugali sa karamihan doon.

At samantalang nagdaraan ang panahon sa gayong pagtitiis n~g di birobirong hirap, di nila napupuna ay untiunti silang napapalayo sa bun~gad n~g pintong kanilang kinatulusan, natatan~gay palibhasa n~g pabugsobugsong dating n~g m~ga tao. At ilang saglit pa rin ang lumipas bago nila natiyak na sila ay napapadpad pala sa isang gilid na malapit sa dingding na tinatalikuran n~g madla.

Sa pook na yaon, na bahagya nang inaabot n~g liwanag n~g kumpolkumpol na ilaw sa may panggitnang panig n~g bulwagang wala yatang kasinglaki, kaginsaginsa'y nalin~gapan ni Elsa't ni Tirso, samantalang si Dioni'y sa kaibayong gawi nakamata, ang isang babae't isang lalaking marahil ang isip ay wala sa gayong pagdiriwang kundi naglalakbay sa dako pa roon n~g m~ga pangarap ... At ang kanilang anyo't m~ga kilos ay siyang nagpapaakala n~g ganito. Ang disfraz nilang gamit ay maituturing na kabilang sa m~ga lalong mahal at kaakitakit, hindi n~ga lamang gaanong bagay sa babae na gaya n~g sa lalaki. Parang walang namamalas na tao sa kanilang palibid, ay sapupo n~g isang kamay n~g lalaki ang maliit na baywang n~g babae, at ang isang palad nito'y matiwalang nakakapit sa balikat niyon, samantalang sa bawa't bulun~gan ay halos nagkakadampian na ang kanilang labi at ang nakahilig na mukha n~g isa ay di binabaklas sa pagkakadikit sa isa pa ... Ang masasayang n~giti't makahulugang m~ga sulyap ay di ikinukubli sa sinomang maaaring makapuna sa kanilang anyong nakatatawag n~g loob, at ang m~ga puso ay mahihinuhang sinasakbibi noon n~g kaligayahang pabihibihirang ipagbiyaya n~g panahon sa tao.

—Magasawa marahil,—ang marahang inianas n~g mestisa sa makata na di kinukusa'y napasundan n~g isang munting kurot sa bisig n~g pinagsabihan.

—Malayo ang hula mo,—ang pakli n~g makata, na dili ang hindi nakaramdam sa kurot na ibinigay sa kanya.

—¿Ay bakit ganyan na ang asta?

—Iya'y isa lamang sa karaniwang gawin n~g sinomang kinakandili n~g mabuting palad.

—N~guni't ang babae ay di papayag sa ganyan, kung hindi niya ibig ang lalaki.

—Iyan ang tama: walang pagsalang ang lalaki ay siyang hantun~gan n~g kanyang boong pagibig, kaya ganyan ang kanilang laya. ¡Mapalad na lalaki!

—¡Mapagsamantala ang sabihin mo!

—Sa ano't anoman, ay nananaghili ako sa kapalaran niya.

—Maaari n~gang managhili ka, sapagka't ... hindi si Teang ang kasama mo n~gayon.

—¡Si Teang na naman!

—¿At ano? Kung siya lamang ang narito't kakawit-bisig mo, kaipala ay wala kayong sukat ipanaghili sa dalawang iyan....

—Kung siya ang aking iniibig n~g boong pagkatao, oo; datapwa't ang totoo'y ... nalalaman mo nang hindi siya.

—¿At sino?

—¿Kailan~gan pa bang sabihin ko?

—¡Sa di ko nakikilala!

—¡Elsa! ... Nakikilala mo kung sino ang inabayan ko sa bangka sa Pandakan; nakikilala mo kung sino ang nagpadala sa akin n~g mahabang sulat na nasa bulsa ko sa m~ga sandaling ito; nakikilala mo kung sino ang kaulaulayaw at kinakausap ko n~gayon dito....

Ang mestisa ay pinamulahan n~g mukha't hindi nakakibo. Dinalaw na naman n~g lugod ang puso niyang tuwina'y sabik sa paggiliw n~g makatang iyong tan~ging naghahari sa kanyang kaluluwa. ¡Labas nang talaga sa dilang alinlan~gan ang pagwawagi n~g kanyang m~ga han~garin!

Subali't n~gayong natitiyak na ang kanyang pagwawagi, ay n~gayon naman siya nauumid mandin sa naglalambin~gang bigkasin n~g makata at sa m~ga kilos nitong maaaring mahalata n~g iba.

—Huwag ka nang main~gay, Tirso,—ang saway na amang sa lalaki,—hayan lamang si Dioni baka naririnig na tayo.

At ... ang m~ga bisig nilang nagkakakawit ay siya na lamang nagpahayagan n~g kanikanyang ibig sabihin sa bisa n~g bahagyang pagsiko n~g isa sa isa na ipinagkaunawaan nila.

Sa isang dako, si Dioni, na di naman patay na loob sa balabalaki n~g kabataan, ay talaga palang may napaghahalata na sa dalawa niyang kasama, kaya't sa simula pa n~g nahigin~gan niyang paguusap, ay kinusa na ang di pagaalis n~g mukhang paharap sa dakong malayo.

—Hindi masama ang pagbibigay ...—ang bulong niyang man~gitin~giti sa kanyang sarili.

Ilang saglit na walang nagbubuka n~g bibig.

—Dioni,—ang tawag mayamaya n~g mestisa.—¿Baka naiinip ka na?

—Kung hindi kayo naiinip ay hindi rin ako ...-masiglang itinugon n~g tinukoy.

—Hindi kami mangyayaring mainip, Dioni, sapagka't mayroon kami rining isang nakapupukaw n~g loob na panoorin,—pan~giti namang ikinatlo ni Tirso, saka inihudyat n~g n~guso ang dalawing pinanonood sa gawing padako kay Elsa.

Napatawa si Dioni sa anyo n~g itinuturo n~g makata.

—¡Dito ka n~ga naman sa karnabal makakikita n~g sarisaring palabas!—ang pakagat-labing sabi sa mahinang turing.

—¡Talaga!—ang ayon ni Tirso.

—At ¿naalaman mo, Dioni? nananaghili raw siya sa dalawang iyan, sapagka't hindi niya kasama ang kanyang minumutyang si T....

—¡Ehem!—anang hipag na tinukoy.—¡Baka kung ano na iyan!...

—¡Hindi!—ang tanggi n~g makata.—Nagbibiro lamang itong si Elsa.

—¿N~guni't hindi mo ba natatandaan, Dioni, kung sino ang kasama n~g maginoong ito noong minsang makita natin siya sa salon n~g "La Perla"?

—¿Si Teang na inaanak n~g tia Basilia?

—¡Wala pong iba!

—¡Aha!...

At ang lalaki ay manawanawang pumakli:

—Magpaniwala ka, Dioni, kay Elsa ay kung saan ka tuloy dadalhin nito....

—¡Tumatalikod n~gayon ang bata!—ang palabing agaw pa n~g mestisang sa hipag nakatin~gin. ¡Ikinahihiya yata ang "himala" ni pari Casio! ¡Kawawa naman!...

Hindi nalalaman n~g dalawang babae na ang m~ga winikang iyan ni Elsa'y balaraw na umiwa sa damdamin ni Tirso. Naalaala ang m~ga balita ni Martinez.

Si Dioni naman, kaya napapamata, sa hipag at walang isinasagot kundi tatawatawa lamang, ang totoo'y hindi pala nakauunawa sa ibig sabihin n~g "himalang" binanggit n~g mestisa.

—Maalaala ko pala'y matagaltagal nang hindi ko nababalitaan kung saan naroon ang Teang na iyan,—ang tan~ging nasabi ni Dioni.

—¿Saan n~ga ba naroon?—ang di napigilang itinanong din ni Tirso na nadadala yata n~g pananabik.

—Kung sino ang dapat makabatid niyan ay siyang dapat makapagsabi,—ang sunggab ni Elsa.

—¡Ikaw!—ang tukoy ni Tirso sa mestisa.

—¡Ikaw!—ang batik naman ni Elsa sa makata.

—Tila narinig ko kung kanino na siya'y inauwi sa probinsia, n~guni't ito naman yatang si Elsa ang nagsabi sa aking minsan na siya ay nasa kolehio,—ang badya naman ni Dioni.

—¿Nasa kolehio?—anang lalaki.

—Noong araw,—ang saklaw n~g dalaga.

—¿N~guni't n~gayon?—itinanong n~g hipag.

Naghilian sa pagsagot ang dalawa.

Tuwinang mapaguusapan ang n~galan ni Teang ay di matimpi ni Tirso ang pananabik na gumigiyagis sa kanya. At tuwina namang may mahahalatang ganyan si Elsa, ay lalong nagdaragdag n~g sikap para siya ang makapangyari sa isip at damdamin n~g makata.

Siyang paglin~gon sa kanila n~g lalaking pinanonood na kayaposyapos n~g isang babae. At nakilalang maliwanag ni Elsa.

—¡Susss!—ang pamanghang wika.—¡Si Dr. Nicandro!

—¿Siya n~ga ba?—ang pataka ring sambot n~g dalawa.

—¡Siya n~ga!

—¿At sino kaya ang babae?—ang tanong ni Dioni.

—Namumukhaan ko; isang "maamong kalapati" sa "mayamang alagaan" sa San Juan ...—ang pahayag n~g lalaki.

—¿Ano ang sinabi mo?—ani Elsa.

—Isang makisig na mananayaw ...—ipinaliwanag ni Tirso.

—¡Isang doktor sa piling n~g isang bailarina!—mahinayang pang sambit ni Dioni.

—¡Bah! Iyan, Dioni, ay di humihigit sa karaniwang makita n~gayon dito sa Maynila at sa m~ga karatig na bayan,—ang baling n~g makata,—Ang naririto n~gayong ating namamalas ay isang doktor, at sa m~ga cabaret, m~ga hotel, at iba't ibang pook na sagapan n~g aliw, dapat ninyong maalamang hindi iilan ang m~ga matutunog na abogado, m~ga matalakatak na kinatawang bayan, matataas na kagawad n~g pamahalaan, m~ga batikang politiko, m~ga mayayamang man~gan~galakal, m~ga mamahayag at iba pang nabibilang sa unahang hanay n~g m~ga pagasa't dan~gal n~g bayan, na nagpapakalasing sa kandun~ga't bisig n~g kung sinosinong babaeng nakapagaalinlan~gan ang linis n~g pamumuhay.

—¡Ang lalaki n~ga naman! ¡kailan ma'y lalaki rin!—ang parinig ni Elsa.

—¡Mangyari pa! Gaya rin naman n~g katotohanang ang babae ay babae rin kailan man,—isinaklaw ni Tirso.—Datapwa't hindi ang lahat ay may hilig sa ganyan....

—Humigit-kumulang ay parisparis na kayo,—ang sabad ni Dioni.

—Mayroon din naman sa aming kalaban n~g ganyang ugali. Halimbawa: ako....

—¿Ikaw?

—Oo.

—¿Ay bakit nalalaman mong pagsabihing may abogado, periodista, man~gan~galakal at iba pang umaasal n~g ganyan, kung diyan ay hindi ka kabilang?

—Sapagka't natatagpuan sila kahi't hindi hanapin. Paris n~gayon; hayan ang isang manggagamot, at nakita natin sa piling n~g isang mananayaw n~g di tayo tumutuntong sa cabaret.

—¡Hintay kayo't may iba naman akong nakikita!—ang biglang hadlang ni Dioni, saka patagong inihudyat ang isang babae't isang lalaki pang may kapunapuna ring palagayan sa isang panig na di lubhang malayo sa kinaroroonan nila,—Nakikilala ko ang lalaki: si abogado X***, n~guni't ang babae'y....

—¡Ah, ako ang nakakikilala pati sa babae!—isinaklaw ni Elsa.—Iyan ang may asawang si aling K*** na pinakapintasan nang minsan sa harap ko ni Martinez.

—¿May asawa ang babae?—itinanong ni Tirso.

—Mayroon, n~guni't ang kasamang iya'y hindi siyang nagmamay-ari sa kanyang pan~galan,—ang paliwanag pa n~g mestisa.

—Saka ang asawa raw n~g babaeng iyan, Tirso, ay walang pan~galawa sa kabaitan,—ang susog pa ni Dioni. Balana umano ay kinapitan sa manggas n~g babae at ang sinasangkalan ay ang m~ga, sayawang malimit niyang daluhan, samantalang siyang lalaki naman ay panatag daw na naghihilik sa kanyang bahay at di man napapanaginip ang pananagumpay n~g kanyang
... kabaitan.

—Gaya n~gayon,—pan~giting naitugon n~g makata,—narito ang natuturang kabiyak n~g kanyang puso, subali't nariritong hindi sa kanyang kandun~gan nagpapasasa n~g ligaya....

Walang anoano ay may tugtog n~g kornetang naulinigan sa dakong hinaharap n~g madla, tugtog na sinundan n~g biglang pagkabalisa't pagdadagitgitan n~g m~ga tao sa pagaakalang yaon na kaipala ang unang babala n~g gagawing pagpuputong.

Kaginsaginsa nama'y sa sisipot sa harap nina Tirso ang magasawang nagpiging sa Pandakan, at han~gos, pagulat at nagdudumaling ginagap n~g babae ang m~ga kamay ni Elsa't ni Dioni, saka ang m~ga ito'y niyayang sumama sa kanila na humanap n~g mabuting pook upang kahi't paano'y masilip man lamang ang mukha n~g reynang sanhi at dahil n~g maraming bulun~gan.

At palibhasa'y hindi lamang sila kundi lahat ang naghahan~gad na makapanood n~g pagpuputong, ay di sila nagkapanahong magusap n~g marami, at sa m~ga tin~ginan ay nagkaalam nang susunod sila sa biglaang pagbatak kina Dioni n~g m~ga kaibigang magasawa.

Sapagka't hindi naman manyayaring manatili ang pagaakayan n~g isa't isa, sanhi sa walang kasingsikip na taong umuho n~ga sa loob n~g tanghalang iyon n~g malaking kasayahan, hindi kinukusa n~g sinoma'y nagkalayolayo sila: ang magasawa ay napabukod; si Elsa't si Tirso ay kung saan napatun~go; at si Dioni ay napagisang hahanaphanap sa m~ga kasama.

Sinapantaha ni Dioni na kasama n~g magasawa ang makata't ang mestisa; inakala naman n~g m~ga ito na si Dioni ang kasama n~g m~ga yaon; n~guni't sa palagay n~g magasawa'y humiwalay nang kusa ang tatlong magkakaabay.

Sa gayong pagkakaligawligaw, ang dalawang nasa kasariwaan ay pinatnugutan n~g mabuting pagkakataon.

—Kung ako lamang ang masusunod ay minamabuti ko pang maupo na lamang tayo rito at paraanin nang idaos ang pagpuputong na iyang pinagkakaguluhan n~g tao,—ang wika ni Tirso.

—¿Hindi kaya tayo hanapin ni Dioni?—ang tanong ni Elsa.

—Hanapin man ba, kung hindi tayo umaalis sa pook na ito, ay di lalo pang madali tayong magkikitakita....

—Mabuti pa n~gang magpahipahin~ga muna tayo; n~galay na n~galay na ang m~ga binti ko sa malaong pagkakatayo.

At magkapiling na nagsilikmo ang dalawa sa pook na yaong tinatalikuran n~g makapal na taong sa iisang dako nakaharap.

—¿Nasa iyo n~ga ba n~gayon ang sulat ko?—itinanong makasandali n~g babae.

—Nasa akin,—ang pakli n~g lalaki.

—Mabuti pa kaya'y isauli mo na....

—¿Bakit?

—Kung wala rin lamang kahihinatnan, eh bakit mo pa iin~gatin~gatan....

—¿Walang kahihinatnang paano?

—¿At, mayroon ba?

—¡Elsa, parang ikaw pa pala ang may hinanakit sa akin, gayong kay daming araw na ipinamahay ko sa malaking pananabik sa ikapagkakaroon natin n~g panahon sa paguusap n~g niig na paris nito!...

—¿N~guni't n~gayon ay ano ang iyong sasabihin?

—Unanguna'y ibig kong ipahayag ang malabis kong pagdaramdam dahil sa pagkapagsalita sa iyo n~g kapatid mo; ikalawa'y ibig ko rin namang ipayo sa iyo na ipagpaumanhin mo't iwaksi na sa loob ang lahat n~g iyon, yayamang kapatid mo namang nagmamahal ang nagsalita.

—¿Wala nang iba?

—At ... at ... ¿ano pa ba ang hinihintay mong gawin ko?

—¡Ay, Tirso! ¡Salamat kung iyan na lamang ang iyong inaakalang dapat gawin!...

At pagkasambit nito ay papiksing tumayo at umanyong nagtatampo.

—Elsa ...—malumanay na tawag n~g makata,—sasandali ang pagkakataong ito na masasamantala natin; mangyayaring sa sisipot na lamang dito't sukat ang iyong hipag, maanong kung baga't ibig mo ay magusap na tayong mahinahon....

—¿Ano pa ang kailan~gan? Naipahayag mo na ang iyong loobloob....

—Maupo ka sanang muli't may sasabihin pa ako....

Dili ang hindi nanumbalik na lumikmo ang dalaga.

—O eh ¿ano n~gayon?—ang tanong na tila nakapangyayari.

—Elsa, dahil sa kahalagahan n~g bagay na ipinaghihintay mo sa akin n~g pasya, ay ibig ko sanang ipamanhik sa iyong pagusapan natin ito n~g lalong mahinahon....

—¡Pshe!

—Siya n~ga, Elsa. Ang nais ko ay maunawaan mo ang kalinisan n~g aking budhi't kadalisayan n~g ... pagmamahal ko sa iyo.

—¡Pagmamahal!...

—Oo, Elsa, minamahal kita; at hindi lamang minamahal, kundi itinatan~gi sa lahat: iniibig n~g boong puso....

—¡Kay buting pagibig! ¡Iniibig na pinasasakitan!...

—Ang ginhawa mo'y siya kong pinakahahan~gad....

—Salamat, n~guni't marahil ay ... talagang hindi tayo nagkakaisa n~g pagkukuro.

—Pagaaralan ko ang iyong ikasisiyang loob.

—Subali't ¿ano ang maipagsusulit mong pagbibigay kasiyahan sa akin tungkol sa nilalaman n~g sulat kong pinagpaguran ko pang pakahabaan?

—Ang pagpapagunita sa iyo, tan~gi sa aking m~ga sinabi, na ang pangusap n~g kapatid, gaya n~g sa magulang, ay nakatataba sa puso n~g pinan~gun~gusapan.

—Maipalalagay mo na ang tanang ibig mong ipalagay; datapwa't ang sinasabi ko naman, Tirso, ay mahirap nang magtagal ako sa bahay na iyon. ¡Kung narinig mo sana ang m~ga salita niyang halos masasabing pagtataboy sa akin!

—Yao'y hindi pagtataboy, kundi pagpapakilala lamang sa nagawang kasalanan....

—¡How! Kaya niya ako pinagsalitaang gayon na walang kapatupatumangga ay sa dahilang may paniwala siyang ako'y paglalaruan mo lang. At kung ganyan ang nadadama ko sa iyo ay ... ¡tila hindi siya nagkakamali!...

Pagkawika nito'y namasdan ni Tirsong umanod sa pisn~gi n~g mestisa ang ilang patak n~g luhang nagpapahayag n~g malaking paghihinagpis. ¡Kaunaunahang patak n~g luhang nasaksihan niyang namalisbis sa mukhang iyong puspos n~g sanghaya! Nan~gilabot si Tirso.

—Elsa, inuulit ko sa iyong iniibig kita n~g isang pagibig na walang katapusan....

—Tirso, ang pagibig na iya'y sayang lamang, kapag di mo natutuhang ilin~gap sa isang abang sawing inabot n~g sigwa sa dagat n~g buhay....

—Ako ay nasa piling mo sa lahat n~g sandaling kailan~gan ang aking magagawa; n~guni't ang nagdaan sa palad mo, Elsa, ay di pa isang sigwa, kundi isa lamang bahagyang biro n~g Panahon sa gaya nating paharap sa pintuan n~g Luwalhati ... Huminahon ka, at hindi kita pababayaan....

Naito na si Dioning han~gos at putlangputlang di halos makapan~gusap.

—¡Pinakaba ninyo ang dibdib ko!—ang di napigilang sabi sa m~ga dinatnan.

At sina Tirso'y nagtindiga't sumalubong.

—¿Saan ka napatungo't nawala ka rito?—ang madaling itinanong ni Elsa.

—Hindi na kami umalis dito't baka aniko'y magkita tayo agad, yamang dito tayo nagkahiwalay,—ang sambot naman n~g lalaki.

—¡Naku! ... ¡Nanglalata ako!—ang daing ni Dioni, at napalun~gayn~gay na lamang sa balikat n~g hipag.

Sa isang tin~ginang n~g makata't n~g mestisa, ay nagkaunawaan ang dalawang ito sa pagpapakahulugang hindi pagod o anoman ang ipinagkagayon ni Dioni, kundi ang pagsasapantahang "baka ang sisiw na kanyang alaga ay kung saan na tinan~gay n~g lawin" ... Kaya't nagkan~gitian tuloy n~g lihim.

Kay Dioni naman, ang nadatnan niyang bakas n~g luhang umagos sa pisn~gi ni Elsa ay naging isa pang patibay n~g kanyang m~ga salagimsim.

Ang paliwanag ni Tirsong hindi pagalis sa pook na iyon, ay ipinalagay lamang na isang mababaw na salamangka. Gayon ma'y nagpakatimpitimpi na lamang at hindi na umimik, kundi nang mapilitang imungkahi ang ganito:

—Totoo na akong nanghihimagal; kung tayahin ko'y sumasama pa ang aking katawan, ¿hindi kaya magiging pan~git sa inyo, Tirso, kung magpauwi na muna tayo n~g hindi pa natatapos ang kasayahang sinadya natin dito?

—Hindi, Dioni,—ang panabay na sambot n~g dalawa;—tayna, kung ibig mo na. Ikaw n~ga lamang ang hinihintay namin.

—Kayo na sana ang bahalang magpaparaya sa akin, hane.

—Wala kang sukat ipagalaala.

At ilang saglit pa't tinun~go na n~g tatlo ang dakong pinto n~g maluwang na "Auditorium".


XXIII

LANGIT NA MAALIWALAS


Pagkatapos n~g karnabal ay wala nang agamagam na sukat malabi kay Elsa upang huwag malubos ang kanyang kaligayahan. Ang malaong pinan~gapan~garap niyang pagtatagumpay sa puso n~g makatang nihag na buongbuo sa kanyang pagkababae ay isa nang katotohanang itinatambad sa harap niya n~g m~ga huling pangyayari.

Inniibig niya si Tirso, at ang makatang ito ay umiibig sa kanya. ¡Narito ang tamis, ban~go, liwanag, luwalhati at buhay n~g magandang si Elsa! Ito ang kanyang kahapon, n~gayon at bukas; ang tanging sanhi n~g kung bakit ninanais niya ang mabuhay pa n~g malawig sa mundong ito....

Arawaraw, pagkamulat n~g m~ga mata, ang unang sumisilid sa isip ni Elsa ay ang pagmumunimuni kung paano't saan sila muling magkakaulayaw ni Tirso, at kung anong bagay ang kailan~gan niyang gawi't iukol pa sa makatang iyan upang huwag magkawakas kundi bagkus magibayo pa ang katalikan n~g kanilang pagmamahalan. At si Elsa ay isang matiyagang tagapagalaga n~g halamang iyan. Dinadalaw niya orasoras ang kanyang bakuran, dinidilig ang pananim, ito'y ginagambulan sa puno, hinihimas sa dahon, hinahagkan sa talulot....

At sa ikalulusog n~g halamang, sinabi, pagtaastaas na n~g sikat n~g araw ay nagugunita na agad n~g mestisa ang paglusong sa dagat na kasama n~g kanyang m~ga piling kaibiga't kakilala. Si Tirso ay malimit na tinitipan niya sa gayong m~ga paliligo sa magandang dagat, at sa kanilang pagtatagpo roo'y madalas silang nagtatamasa n~g kaligayahan sa pamamangka, sa pagtatampisaw sa tubig at pagtatapak pagkatapos sa mabanlik na baybaying hinahagkang lagi n~g mayamang simoy.

Kung linggo n~g hapon, si Elsa ay masigla ang katawang nagsasadya sa Luneta, at doon, kaabay n~g makata n~g kanyang m~ga pa~ngarap, ay nagyayao't dito sa lahat n~g dako, samantalang ninanamnam n~g kanyang kaluluwa ang nagpapainamang tugtugin n~g banda n~g Konstabularia na nagiging marapat sa dilang paghan~ga. Naroong magpabalikbalik sila sa pabilog at pasalasalabat na m~ga landas, magtigil at magmasidmasid sandali sa harap n~g hugis pisóng bantayog ni Rizal, saka mauupo sa alinmang likmuang mawalan n~g tao. Naroong sila'y dumako sa may dinudunghal n~g "Manila Hotel", at mula sa ibabaw n~g m~ga naglalakihang bato't talampas na saganangsagana sa pook na yao'y boong lugod na pinanonood ang tila naguunahang salpok n~g alon sa lahat n~g pagilid, saka ang kaakitakit na kulay n~g langit sa dakong Kanluran sa m~ga sandali n~g pagsibsib n~g araw sa likod n~g m~ga bundok na natatanaw sa kabila n~g dagat. Kung minsan nama'y siya nilang tinatalunton ang daang pahabay sa dagat na patugpang Pasay, at doo'y malinit silang nagtitila m~ga ibong namamayagpag n~g boong lugod at panabay na umaawit n~g isang pagiirugang walang pagkupas....

Sa "Jardin Botánico" ay madalas din namang sila ay nagpapalipas n~g mahahabang sandaling puspos n~g tamis at kaluwalhatian. Sa ibabaw n~g damuhan at sa lilim n~g malalabay na punongkahoy na nagbibigay n~g kahalihalinang anyo sa pook na yaon, hindi mamakailang sila'y naguulayaw n~g boong payapa at ang m~ga puso nilang kalong n~g ligaya'y binibigyang panahong magkapalitan n~g wagas na tibukin ... At kung mapagod na sa panonood n~g hayop na walang kasingamo sa loob n~g kulungang bakal gayong pagkailapilap kapag nasa kagubatan, kung man~galay na ang m~ga mata't magsipamitig ang m~ga litid sa pagmamasid sa pagsasalimbayan n~g sarisaring ibong may iba't ibang kulay, sa paghahabulan n~g m~ga dagang-kosta, m~ga koneho, sa paguumakyat-manaog sa m~ga nagsalabat na kahoy n~g m~ga unggong mukhang taong pan~git, sa kiniwalkiwal n~g buwaya, sa pamamalupot n~g sawa, sa paninin~gasing n~g baboy-damo, tamaraw at iba't iba pa; kung sila ay manghinawa na n~ga sa lahat n~g iyan ay saka lamang nila lilisanin ang pook na yaon n~g sa puso'y taglay ang m~ga alaalang labis na makabuo n~g isang gintong kabanata sa kasaysayan n~g kanilang pagsisintahan....

Ang m~ga tula n~g makata ay bihirang hindi naglalarawan n~g alinman sa m~ga pook na yaong pinagtatamasahan n~g aliw n~g kanilang kaluluwa. Bihirang hindi bumabanggit sa maliligayang sandali n~g kanilang pagsisinaya sa kahilihiling kapalaran. At walang bigong talatang di nagpapagunita sa mestisa n~g nagtatamisang pangyayaring nangyari sa mabiyayang panahon n~g kanilang suyuan....

Si Elsa't si Tirso ay dalawang kinapal n~gang sa kabila n~g maraming araw na di pagkakatugunan n~g m~ga damdamin ay magkayapos din ang m~ga palad na nakapasok sa di kawasa sa isang panahong ang lahat ay tamis, layaw at pagibig....

Ang lan~git na namamalas ni Elsa ay sagana sa silahis na kaakitakit, at ang papawiri'y naghahandog sa diwa niya n~g matatamis na guniguni. Ibig niyang lumipad, pumaimbuyog sa kalawakang walang wakas, at sa kabila n~g busilak n~g alapaap ay kanyang ipagdiwang sa apat na panulukan n~g Katalagahan ang pananagumpay n~g kanyang m~ga adhika sa puso n~g makatang tanging aliw n~g kanyang kaluluwa.

At si Tirso, ang makatang tuwina'y may salamisim sa diwa, may gayuma sa mata, may pulot sa labi't may lambing sa bawa't kilos, ay natatalagang huwag lumayo kaunti man sa piling n~g mestisa. Ibig ding lumipad magsaibong sasalun~ga sa hihip n~g han~gin upang maawitang parati n~g kanyang pagibig, masuob n~g kamanyang n~g paghan~ga't masabugan n~g bulaklak n~g papuri ang karilagang tan~gingtan~gi n~g kanyang liyag....

Lamang, ay isang sagabal ang nararamdaman niya waring pumipigil sa kanyang m~ga bagwis, parang lubid na bumabaliti sa m~ga pakpak niya at siyang hindi ika-panibulos n~g kanyang m~ga lakad. Si Elsa ay malayang singlaya n~g hangin na maaari n~gang makasunod sa bawa't pithaya n~g pusong sumisintang wagas. Datapwa't siya, si Tirso, ay may tanikala sa boong katawan, na ang pagkakagapos ay may mahigpit na buhol na di niya kayang kalagin.

At ang tanikalang ito, ang gapos na itong ayaw magtulot sa kanya upang makapakiagapay sa kataasan n~g lipad n~g m~ga pangarap n~g mestisa, ay dili iba't ang sumpang binitiwan niya't nilagdaan n~g kanyang kamay sa harap n~g hukuman sa Sampiro.

Ang sumpang iyon ay kusa niyang inilagda noong isang gabing ang kanyang puso'y inaapawan n~g di masayod na pagibig sa ibang alindog: kay Teang. At hindi sukat ang masabing ipinagbili n~g babaeng ito sa mababang tawad ang karan~galan n~g kanyang pagkababae, sakaling magkaganito man upang mapawian n~g bisa ang naturang sumpa. Mangyayaring ang hindi pagsipot n~g sulat na ipinangako n~g boong higpit ni Teang ay magkaroon n~g kahulugang ang babaeng iya'y nagtaksil na n~ga at kusang lumimot kay Tirso; n~guni't gayon man, sa harap n~g Batas n~g katuwiran at sa ilalim n~g Katuwiran n~g batas, ang lalaking ito ay walang kakarakarapatang "bumawi n~g pan~gulugi" sa kandun~gan n~g sinomang linikhang maiiba sa babaeng sinumpaan na niyang minsan. Mangyayaring magkatotoo na si Teang ay isang hamak na manyikang tumatawa't pumipikit sa kamay n~g isang mapaglarong pari, gaya n~g balita ni Martinez; subali't hindi mangyayaring si Tirsong napalun~gi sa babaeng iya'y maluwag nang makahahanap n~g panibagong kapalaran sa sinapupunan n~g ibang langit. Mangyayaring maibunto kay Teang ang tanang kasamaang magagawa n~g isang babae; datapwa't hindi dahil diya'y kalapating malaya na si Tirso na makapamamayagpag na lilipat sa ibang pugad na ibig niyang patun~guhan....

Nariyan ang balakid. Iyan ang malaking sagabal, ang tanikalang gapos na ang m~ga kawil ay lihim na lumilingkis at bumabaon sa m~ga lamad n~g puso ni Tirso, kung kaya't ang kanyang pagsunodsunod sa m~ga bakas ni Elsa ay pawang may katugong masaklap na dilidili sa liblib na pitak n~g kanyang nasasalimuot na isipan....

Walang kamalaymalay si Elsa sa lihim na itong sinasarili ni Tirso. Subali, ang kawalang malay na iya'y hindi naman makaganyak sa kahinubong bait n~g nabanggit na makata upang magsamantala.

Kalaban si Tirso n~g lahat n~g uri n~g pagsasamantala sa kahinaa't pagtitiwala n~g babae. At kung may naipupula sa kanya ang m~ga kapwa niya lalaki, ay wala nang iba kundi ang kalamigan n~g kanyang loob at malabis na pitagan sa babae, kasakdalang ito man ang nagbubukas n~g daang kanyang mapaglalagusan,

Ang kapunapunang pagwawalang bahala na kanyang inasal sa harap n~g mapupusok na pitlag n~g damdamin n~g mestisa, na di na kaila sa marami, ay hindi mamakailang naging dahil n~g panunudyo't paglibak sa kanya n~g m~ga kapwa niya lalaki. Sinasabing ang kanyang pag kamakata ay nasa tulaan lamang at wala sa gawa; na ang kanyang pagkalalaki ay madalas na di nabibigyang halaga sa ginagawi niyang pagpapakadun~gong lagi sa harap n~g babae. Madla n~ga ang nagpapalagay na ang pagkalalaki n~g isang paris ni Tirso ay dapat kilatisin ang uri sa kasanayang magsamantala sa masisimbuyong silakbo n~g damdaming katutubo sa babae, at ang alinmang pagpapalampas n~g m~ga pagkakataong nasa naaabot n~g kamay ay itinuturing na isang kadun~guang nararapat sa dilang paglait.

Datapwa, sa katotohanan, ang bagay na iyan ay tinitingnan ni Tirso n~g alinsunod sa kanyang kabaligtaran. Alalaong baga: iyang kakutyaang ipinalalagay n~g tanang may laos na ugali, ay siyang sa ganang sa makatang sinabi'y karan~galang nararapat ipagmalaki. Ang pagpipitagan tuwina sa talosaling na kalagayan n~g babae ay isang kapurihang banal n~g m~ga lalaki. At ang kadakilaan n~g isang lalaki ay dapat kilalanin sa matimping ugali at hindi sa nararahuyo sa tukso n~g kababaang asal. Ang babae, bagama't mataginting na tulad sa kristal, ay isang babasaging pagkarupokdupok na sapat sa lahat n~g kapariwaraan; samantalang ang lalaki'y bakal na mistulang kalarawan n~g tibay na sapat naman sa dilang kabayanihan. N~guni't para kay Tirso Silveira, hindi sapagka't bakal ito at kristal iyon ay kabayanihan na nitong huli ang pagdiriwang na lagi sa ibabaw n~g kahinaan, karupuka't pabiglabiglang tibok n~g puso n~g una. Ang babae ay isang bulaklak na may halimuyak na pinakahahan~gaan n~g kanyang pagkatao, hiyas n~g lahing may pitak n~g pagmamahal sa guwang n~g kanyang dibdib, dakilang bathalang may dambana sa kanyang lubos na paggalang. Paban~gong mahal na iniin~gatan sa gusi n~g kanyang dilang pagpapahalaga, ang babae ay ikalulunos n~g kanyang budhi kung magtila tubig na mabuhos sa lupa sa kagasuhan n~g lalaki. Ang babae ay bahagi n~g Katauhan, isang kailan~gang kapag nawala, ay wala na rin ang buhay.

Dito nasasalig ang paniniwala at m~ga kurokuro ni Tirso tungkol sa kadakilaan n~g babae. Siyang tuntuning sinasagisag niya sa ibabaw n~g mababang ugali n~g ibang lalaking gising sa kamaliang dulot n~g mundo.

Kaya, nang panahong si Teang ang tampulan n~g kanyang dilang pan~garap at boong pagirog, anomang mapamihag na kilos na sa kanya'y ipamalas ni Elsa ay han~gin lamang na nagdaraan sa papawirin kanyang pagpapakundan~gan.

Datapwa't....

Kailan man ay hindi naging malamig ang apoy. Walang nagmalikot na maglaro nito na hindi napaso. At ang babae, sa ibabaw n~g lahat, ay apoy na may malagablab na nin~gas: laging nagaalimpuyo, nagn~gan~galit at nahahandang dumarang o tumupok sa sinomang sa kanya'y magpain n~g buhay....

At si Tirso, tao palibhasa, sa pakikilaguyo sa mestisang si Elsa, ay nadarang ang puso, nasalab ang kaluluwa at nagalimpuyo ang damdamin, hanggang sa mawalang parang usok sa gunita niya ang larawan at pan~galan n~g babaeng una niyang nakilala sa sintahan ... ¡Makailang ang Tukso n~g Kamunduha'y nagtirik n~g kanyang bandila sa ibabaw n~g maran~gal na Budhi!

Sa kabilang dako, kung ano ang tunay na katuturan n~g hindi pagsangayon ni Tirso sa mungkahing sila'y lumagay na sa panatag, ay siyang hindi nahulaan n~g matalinong si Elsa.

Mangyari'y tuwinang mapaguusapan ang bagay na iyan ay kaagad nang tatawagan n~g makata ang alaala n~g mestisa tungkol sa kinakailan~gang pagpapakahinahon n~g sinomang gaya nila na tumutuntong sa gayong baytang n~g kabuhayan. Sa mahabang lakbayin, ani Tirso, ay hindi nababagay ang pusok n~g loob at pagsusumugod n~g lakad; kinakailan~gan ang tiyaga, ang pagiin~gat at tulong n~g panahon. At ang pagaasawa ay iyang madawag at mahahabang lakbayin na di matatagpusan sa pahan~gos at walang tuos na pagtakbo. Saka, ang pagaasawa, anya pa, ay bun~ga n~g halamang may likas na pangakit: may bulo sa balat, masarap ang amoy, maganda ang hugis at biglaw pa'y may marikit nang kulay na sapat ipaglaway n~g sinomang pihikang makamamalas. Malinamnam at nakabubusog kung suko sa gulang, dapwa't mapait na walang kasingpait at lasong nakamamatay kapag bubot na kinitil sa tangkay. Tubig din namang sakdal lamig at kusang napaiinom ang pagaasawa, kapag ang binata at dalagang tutungga sa saro ay hindi gagamit n~g pagpapakalabis; n~guni't alak na nakalalasing, apdo't sukang nakaduduwal kapag namarusa sa sinomang kayamua't walang tuto sa paglagok....

Hindi natatalos ni Elsang sa napagdanasan n~g sarili hinahan~go ni Tirso ang ganyang hakahaka hinggil sa suliraning kanyang iminumungkahi. Di niya nalalamang nang matutuhan n~g makata ang ganyang turo ay nitong mapagaralan na lamang sa pagkakarahuyo sa isang babaeng nawala at sukat matapos na siya'y pahan~gahan~gain sa angking alindog. At malayong pagsalagimsiman ang makata n~g kahi't anong di mabuting hinala, kung pinananayn~gahan n~g mestisa ang nan~gabanggit na parirala n~g kanyang talisuyo, ay ipinalalagay pang siya'y nakaririnig n~g tinig n~g anghel na tumatawag sa kanya't nan~gan~garal n~g kabanalan.

Sa wakas, bagaman sugat na dinaramdam n~g mestisa ang nangyaring pagkapagsalita sa kanya n~g kanyang kapatid dahil kay Tirso, at kahima't naidadaing niyang malimit ang kinirotkirot n~g sugat na ito, huwag na hindi magbitiw n~g kahi't anong payo ang makatang hantun~gan n~g kanyang dilang paghan~ga, ay napipipi siya't nagsasawalang imik na lamang at sukat. Bagkus kinikilala pa niyang nasa matuwid at mabuti ang pagunita ni Tirsong masarap ang mamalaging mahabahaba pang panahon sa pagkadalaga. Ang dalaga ay bulaklak na masamyo at sariwa na laging katalamitam n~g layaw at kaligayahan. N~guni't kapag nagasawa, na, ibigin ma't hindi ay pinapanawan na n~g ban~go, kinukupasan n~g kulay at nalalanta sa tin~gin n~g balana. Nasain mang manatili sa pagkakatampok sa alaala at pagpapahalaga n~g Kapisanan, ang Kapisanan ay siya nang kusang lumilimot sa kanya't ang n~galan niya ay itinuturing na lamang na isang bituing untiunting nawawala sa masayang lan~git.

At si Elsa ay hindi pa kadaglidagling makatatalikod sa kasayahan. Sa gitna n~g kasayahan nakilala niya ang makatang nagpatibok n~g tunay na pagibig sa kanyang murang puso't nihag n~g kanyang tanang paghan~ga; nagaalaala siyang kung siya'y lumayo sa kasayahang iyan ay baka lumayo na rin naman ang kapalarang hinihintay niya sa pagtatan~gi n~g naturang makata.

Si Elsa n~ga ay mamamalagi pang dalaga, hiyas na maningning na gaya n~g dati'y palamuting ayok sa bawa't kilusan n~g kabinataan; sariwang bulaklak na naghahalimuyak n~g sanghaya sa halamanan n~g pagibig, na ang m~ga talulot ay mapan~gan~gayupapaan n~g bawa't paroparong uhaw sa luwalhati....


XXIV

ISANG SAKUNA


N~gunit habang nagpapatuloy ang di mahahabol na takbo n~g m~ga araw na sunodsunod na yumayao, ay untiunti namang gumigitaw sa isipan ni Elsa ang nino n~g alinlan~gang nababanghay sa m~ga tanong na itong iniuukol niya sa kanyang sarili:

—¿Ano kaya ang tunay na niloloob ni Tirso sa ganito kong katayuan? ¿Bakit kaya't hindi na siya nagbabalak na ako'y ilagay sa kapanatagan, kung aking inuuntag sa kanya ang bagay na ito'y nililibang pa ako sa kung anoanong matatamis na pan~gun~gusap at maririkit na halimbawa? ¿Habang panahon kaya'y ganito na lamang ang ibig niyang panatilihan ko? Kahapo't kamakalawa, ang hindi pa pagkatapos n~g kanyang pagaaral ay isa sa m~ga mahigpit na idinadahilan, n~guni't ngayong siya'y maluwalhati nang nakaraos ay ang pagsusulit naman sa corte suprema ang iginigiit ... ¡Kung ako man lamang sana'y nahalataan na niya n~g pagkamasilawin sa título! ¡Kung sa akin sana'y hindi pa sapat ang kanyang pagkamakata! ¿Iniimbot kaya niyang pagdayaan o linlan~gin ako?...

At, si Elsa ay may labis na katuwirang mabalisa sa bahagyang kilos ni Tirsong kinasisinagan n~g panglilinlang o pagbabagong loob. Kung nang m~ga araw na kay Teang nabubuhos ang pagibig n~g makata ay kinamalasan siya n~g m~ga kilos na di maaakalang magawa n~g karaniwang babaeng silang sa bayang ito, n~gayong ang pagibig na iya'y sa kanya na nagtatamo n~g tamis at kaluwalhatian, higit doon ay lalo nang sukat siyang makapagisip at makapagsagawa n~g m~ga bagay na natutun~god sa ikapapanuto n~g kanyang katiwasayan.

Ang m~ga, araw na lumipas ay naging mapapalad na saksi n~g pagkakalagak sa sinapupunan n~g mestisang iyan n~g isang tatak na di makakatkat kundi n~g kamatayan lamang. Sa matabang linang n~g kanyang pusong nabababad sa tubig n~g paggiliw, n~g paggiliw na dalisay at marubdob, may malusog na binhing napahasik sa lalang n~g kahilihiling pagsusuyuan nila n~g makata; isang binhing palibhasa'y laging nadidilig n~g hamog n~g mayamang pagmamahal, ay patuloy na umuunlad at balang araw ay tatanghaling isa nang ganap na halamang boong pamimisagak na umaan~gat sa lupang kinahasikan....

Ang halamang iyon, pagsapit n~g takdang araw, ibigin ma't hindi ni Elsa ay siyang magwawasiwas sa apat na panulukan n~g Katalagahan n~g balitang nagkaroon n~g ani ang pagiibigan nila ni Tirso, n~guni't siya rin namang lilikha n~g maitim na aninong ipanghihilakbot n~g babae sa harap n~g balana, kapag ang makatang nagkalaya sa loob n~g kanyang bakuran ay di natutong magpahalaga sa tinurang halaman.

Maraming balak ang nagdaan sa panimdim ni Elsa tungkol sa hinaharap n~g kanyang palad. Ang pagasang matututuhan din malao't madali ni Tirso ang pagliligtas sa kanya sa kahihiyaang kinauuman~gan dahil sa nararamdamang walang untol na pagunlad n~g halamang sinabi, kung sa bagay ay di pa naman nawawala sa kanya, n~guni't gayon ma'y nakararating ang kanyang dilidili hanggang doon sa nararapat niyang gawin kung sakali't maging iba kaysa inaasahan niya ang mangyari.

Natunghan niyang minsan sa isang pahayagan ang balitang sa m~ga botika ay napansin daw ang pagkamabili n~g gamot na ipinanunugpo sa pagdami n~g katauhan. At hindi napaglabanan ni Elsa ang pagtatanong sa alaala niya kung sinong parmaseutiko ang mapapamamanhikan niya n~g bagay na iyon, sakaling kailan~ganin. Naisip din namang idaing sa kapatid at hipag ang isang maselang karamdamang kunwa'y nararamdaman niyang tumutubo sa loob n~g katawan, at sa bisa n~g dahilang ito ay papasok siya sa isang pagamutan at pabubusbos sa sinomang bihasang manggagamot na babayaran n~g maraming salapi, upang sa gayo'y magapas sa puno ang halamang ipinan~gan~ganib niya sa malaki't di masayod na kahihiyaan.

Subali't sa harap n~g mababan~gis na panukalang ito ay nagsisipanghumindig ang m~ga balahibo ni Elsa. Anhin man niyang tayahi'y kasalanang humihin~gi n~g kabigatbigatang parusa ang pagsasagawa n~g tinurang panukala. At siya ay hindi pa naman nalalabuang gaano upang lumusong sa ban~gin n~g ganyang kabuktutang gawa.

Gayon man, ang pagkamapagpasumala niya't katutubong lakas n~g loob ay siyang nakayari n~g isang mabisang kaparaanang ikahuhuli niya sa nagiilap manding loob n~g makata.


Hapon noon n~g araw n~g mierkoles, ika-27 n~g Septiembre, araw na natatakdang idarating n~g mabunying sugo n~g bayan na galing sa lupain n~g mabituing watawat.

Hindi kaila kina Tirso't Elsa ang pagdating na yaong pinaggagayakan n~g marin~gal at karapatdapat na pagsalubong n~g boong bayang galak na galak sa tagumpay na tinamo sa pagkapatibay sa Bill Jones. At sila ay nagkaisang manood n~g gagawing m~ga pagdiriwang. N~guni't sa dahilang ang pagpasok pa lamang sa Corregidor n~g sasakyang kinalululanan n~g dakilang anak n~g bayang ipagbubunyi ay ibabalita na raw n~g sipul n~g yelo, at sapagka't ayon sa m~ga pahayagan ay malamang na sa dakong gabi na ang pagahon n~g hinihintay, ay napahinuhod si Tirso sa mungkahi ni Elsang pumasok muna sila sa sine "Ideal" samantalang maagaaga pa.

At nasa m~ga sandaling namamalikmata ang lalaki sa panonood n~g gumagalaw na anino, nang yariin sa sarili n~g dalaga ang kanyang gagawing pakana upang mabihis ang m~ga pagaalinglan~gan niya.

—Tirso,—ani Elsa sa pabulong na turing, kasabay ang pagkukubli n~g bibig sa likod n~g kanyang pamaypay,—¿hindi ba maganda ang pelikulang ito?

—Oo n~ga, Elsa,—ang magiliw na sambot n~g makata na humilig pa mandin n~g kaunti sa dakong kinalilikmuan n~g kanyang kaagapay,—at tan~gi sa maganda ay nakapagtuturo pa sa m~ga nanonood. M~ga ganyang palabas ang talagang nasasarapan ko.

—¿Iiwan pa ba natin ang pelikulang ito hangga't hindi natatapos?

—Kung ibig mo'y dito na natin antabayanan ang paghihip n~g sipul n~g yelo, at kung malapit nang aahon si Quezon ay saka na tayo lumabas.

—Mabuti n~ga yata. Bakit ay masama pa, ang lagay n~g panahon: ang ula'y tila papalakas pa.

At ang dalawa ay nagpako n~g nawiwiling m~ga mata sa iba't ibang pangyayaring nakapagpapakaba n~g loob na ipinakikita n~g palabas na iyon.

Hindi natataho ni Tirso ang lihim na kinikimkim sa diwa n~g kanyang magandang liyag. Di niya nahuhulaang nang ibig lamang noon ni Elsa ay gabihin sila sa loob n~g sineng iyon, upang sa paglabas ay magkaroon n~g mabuting panahon ang pagsasagawa n~g balak niyang taglay-taglay sa isip.

At samantalang pinakahihintay sa sarili ni Tirso ang nababalam na sipul n~g yelo, si Elsa nama'y nakararamdam n~g kasiyahan sapagka't tila pinapatnubayan n~g mabuting pagkakataon ang kanyang binabalak na gawin.

At ang kasiyahang iyan ay nalangkapan pa n~g di kakaunting lugod, nang marinig niya ang ganitong winika n~g makata:

—Elsa, ¿maaari bang turan mo sa akin kung saan pa ang ibig mong magtun~go tayo pagkatapos n~g ating panonood n~g m~ga paran~gal kay Quezon?

—¿At hindi pa ba tayo magpapauwi n~g bahay?—pahimbabaw na itinanong n~g mestisa.

—Kung ibig mong mauwi na kaagad, ako nama'y may ibang patutun~guhan

...—pan~giting pakli n~g lalaki.

—¿Saan?—maagamagam na tanong n~g dalaga.

—Susundan ko ang langkay n~g naggagandahang m~ga centro escolarina na makikilahok sa m~ga pagdiriwang n~gayong hapon ...—ang pabirong sagot ni Tirso.

—¿At ano?

—At kapag ako ay may napiling isang maganda sa lahat, ay ... hindi na ako hihiwalay.

—Kung gayo'y makasusulong ka na n~gayon pa; at ... tataglayin mo ang aking maligayang bati.

—¿At ikaw?

—Maiiwan na ako rito.

—Baka mayroon kang katipanan....

—¡Mayroon n~ga!

—¿Sino?

—Hindi kailan~gang makilala mo.

Nagalaala si Tirsong baka "magpinid n~g tindahan" sa di oras ang kanyang irog. Kaya't ang sinabi sa malamyos na pamimigkas:

—Elsa, ¿hindi mo ba nahuhulaang sa m~ga taga "Centro Escolar" ay wala akong mapipiling isa mang maganda?

—Mangyari'y wala na roon si Teang....

—Namamali ka; mangyari ay ... wala nang iba pang babaeng may ganda't alindog na gaya n~g mestisang nasa piling ko....

—¡Sinun~galing!

—Siyang tunay, Elsa....

—Maano Tirsong magtahan ka niyang m~ga kaululan mo.

—Tin~gnan mo, tin~gnan mo ang babaeng iyang nasa pelikula: ¿maganda, ano?

—¡Iyan ang talagang maganda!

Pues maganda ka pang hindi hamak diyan, kapag ganyang tila ka nagtatampo sa akin....

—¡Pshe!

Siyang pagkarinig sa sipul n~g pagawaan n~g yelo: tatlong mahahabang huni ang sunodsunod na ipinaghumiyaw sa boong Kamaynilaan.

—Nasa Corregidor na,—ang parang wala sa loob na nasabi ni Tirso.

—Lumabas ka na't baka maiwan ka n~g m~ga escolarina mo,—- paaglahing wika ni Elsa.

—¡Talagang mabuti kang manunukso, hane!—pan~giting salo n~g makata.

—Ako'y hindi nanunukso,—ang tanggi n~g mestisa,—ipinagugunita ko lamang sa iyo ang isa mong balak na kapay naurong ay sayang.

—¡Anhin ko ba kung maurong man! ¡Huwag lamang bang malayo ako sa piling n~g aking pinakatatan~ging mutya, eh...!

Sumunod sa salitang ito n~g lalaki ang isang kilusang kamuntik nang ipaghinala n~g kahi't ano n~g m~ga taong kalapit nila sa upuan. Salamat at ang katimpian ni Tirso'y siya ring nakapangyari.

—"Magtanim ka n~g magtanim, nang marami kang anihin" ...—pabantang saad n~g mestisa.

—¡Bah! Ang "halaman" ko ay nakatanim na ...—masiglang sunggab n~g makata.

—¡Buwisit! ¡Makikita mo, paglabas natin!—ang mahina pang salo ni Elsa na di nalalaman ni Tirsong kahi't biro ay may kalakip na katotohanan.

—¿Makita ko? ¿At ipakikita mo ba? Kung gayon ay tayna.

—¡Magtahan ka na n~ga! Hindi ko na tuloy maunawaan itong pinanonood natin....

Pagkasabi nito'y ipinahiwatig na ni Elsa ang unang bahagi n~g kanyang salamangka: pasadlak na isinandig ang katawan sa sandalan n~g kanyang likmuan, biglang tinutop n~g isang palad ang dibdib na tapat n~g puso, saka nagbuntonghinin~ga n~g malalim. At ang lahat n~g ito ay ginawa sa paraang sukat mapansin n~g kaagapay na makata. At napansin n~ga.

—¿Bakit, Elsa? ¿Napapaano ka? ¿May sakit ka ba?—ang gulilat na m~ga tanong n~g lalaki.

Hindi kumibo ang babae.

—Baka mabuti'y lumabas na tayo....

Ipinikit pa ni Elsa ang kanyang m~ga mata at hindi rin kumibo. Lalo nang nabakla ang loob n~g makata. Makasandali'y saka idinaing:

—Lumilibat ang aking puntada ... Nagsisikip ang paghin~ga ko....

—Tayna n~ga kaya lumabas, Elsa,—maalapaap na amuki n~g lalaki.

—N~guni't walang anoman, Tirso: hindi ako maaano ...—pabalatkayong bawi n~g dalaga.—Maminsanminsan ay talagang sumusumpong sa akin ang ganitong sakit ... Ibig kong tapusin nating sandali ang pelikulang iyan bago tayo umalis.

—¿Sa palagay mo kaya'y maaari ka pang makapanood n~g pagahon ni Quezon?

—Oo....

—Baka makasama sa iyo.

—Hindi....

At natiwasay ang kalooban ni Tirso.

Datapwa, natapos ang pelikulang idinadahilang ibig na panoorin, ay hindi rin umaan~gat sa upo ang mestisa. Sa gayo'y parang nakaino ang makata.

—¿Hindi pa kaya dumarating si Quezon sa m~ga sandaling ito?—malumanay na itinanong.

—Marahil ay malapit na,—ang naging tugong tila wala sa loob ni Elsa, pagkaraan n~g saglit na di paghuma.

—¿Ano, di pa po ba tayo lalabas?

—Tayna.


Nang lisanin n~g dalawa ang sine "Ideal" ay laganap na ang dilim sa lahat n~g dako. Ang m~ga ilaw sa daang Carriedo at sa liwasang Goiti ay nan~gakasindi na't siyang tumatanglaw sa makapal na taong sumasagasa sa kasamaan n~g panahon na pawang patun~go sa pook na natatakdang lulunsaran n~g dakilang sugo n~g bayan: sa "Magallanes Landing".

Si Elsa ay mahinay na lumalakad n~g ang kanyang isang palad ay mahigpit na nakakapit sa bisig ni Tirso. N~guni't kung nang gabing iyo'y naging mainuhin ang makata, ay napanibaguhan sana, niya sa mukha n~g mestisa ang isang lihim na sinasarili sa guwang n~g kanyang dibdib.

Nang dumating sila sa liwasang Lawton ay natanawan na nilang idinaraos na kasalukuyan ang inauguracion n~g "Quezon Gate".

—¡Huli na yata tayo!—mahinayang na saad ni Tirso.

—¡At dumating na pala!—ani Elsa naman.

M~ga taong walang hulugang karayom na nagsilurok sa kaputikang gawa n~g matagal na ulang bumuhos nang singkad na maghapong iyon; maraming banda n~g musikang nakalipana sa magkabilang panig n~g daang Padre Burgos at Paseo de Magallanes; mula sa may gusali n~g "Intendencia" hanggang "Jardin Botanico", sarisaring watawat n~g di mabilang na kapisanang dumalong kasama ang pinakamarami sa kanikanilang m~ga kasapi; mahahabang hanay n~g m~ga "Guias Nacionales" at "Guerrilleros Filipinos" na nakatalatag sa pinagdaanan ni Quezon; m~ga automobil, kalesa, kalesin, at iba't ibang sasakyang nalilimpi sa m~ga gilid n~g lansan~gan; ang malaking langkay n~g m~ga binibining taga "Centro Escolar" na nagalay kay Quezon n~g isang marikit na pangnan n~g m~ga sariwang bulaklak na may kalapating nakasilid ... iyan ang m~ga namalas n~g humahan~gang m~ga mata ni Tirso na sa palibidlibid n~g pook na yao'y siyang nagpapasikip n~g gayon na lamang, at siyang nagpapakilala n~g di masayod na kagalakang naghahari sa madla alangalang sa karan~galan n~g mabunying anak n~g bayang may ipagsusulit na tagumpay sa kanyang pagbalik sa lupa niyang tinubuan.

Subali't ¿bakit kaya baga't parang hindi pansin ni Elsa at waring hindi ikinasisiya ang alinman sa gayong kasiglahan?

Inakala ni Tirsong marahil ay patuloy na nakapipinsala sa kanyang magandang mestisa ang karamdamang idinaing nang sila pa'y nasa sine. Kaya't inalok na magpauwi na.

N~guni't noon di'y nanigas na lamang n~g walang kaabogabog at napahandusay sa m~ga bisig n~g makata, ang sariwang katawan n~g mestisang yaon na sinusundan n~g nahihilam na m~ga mata n~g di kakauunting taong nakakita sa kanila sa liwasang Lawton.

—¿Bakit po?

—¿Napapaano po ang inyong asawa?

—¡Hinihimatay!

—¡Paypayan natin!

—¡Wiligan n~g tubig sa mukha!

—Ang mabuti, mama, ay dalhin ninyo agad sa ospital ang inyong senyora.

—¡Ambulancia!

Samantalang paganyan ang m~ga sambitlaing nagpapalipatlipat sa bibig n~g maraming nakasaksi sa gayong kusang ginawa ni Elsa, si Tirso naman, na ipinalalagay n~g balanang nakamalas sa anyo n~g dalawa na asawa n~g mestisa, ay hindi magkantututo sa marapat gawin.

—Elsa ... Elsa....

At ang tinatawag ay patuloy na walang imik at nanunuwid sa pagkakahilig sa balikat niya.

Siyang pagharap n~g isang kutserong dukha n~guni't dapat uliranin n~g m~ga kapwa niya maralita: mapitagang inihandog ang kanyang kalesang nakatigil sa isang panig n~g liwasan.

—Mama,—anya kay Tirso sa magiliw na pan~gun~gnusap—inabot po yata n~g sakuna ang inyong asawa, naririto po ang aking kalesa at ating magagamit n~gayon din para sa ospital.

—Kailan~gan n~ga pong makarating sa ospital ang inyong asawa,—ipinayo naman n~g maraming nagkakalipumpon sa dalawa.

—Sumakay na kayo.

At ang gayong munti n~guni't dakilang handog ay boong pusong sinangayunan n~g nasisindak na makata.

Ang matigas na katawan n~g mestisa ay boong higpit n~guni't main~gat na niyapos ni Tirso sa nakikita n~g madla, saka pinagdahang isinakay sa kalesang inihandog na kusa n~g naban~ggit na kutsero.

Buongbuo sa isipan ni Elsa na di na siya hihiwalay kay Tirso nang gabing iyon. Inaakala niyang sa gayong pagkapasubo ni Tirso sa harap n~g madla na umaming walang tutol sa pagpapalagay na sila'y magasawa, ay hindi na naman makapangyayari pa ang paguurong-sulong n~g makatang ito tungkol sa ninanasang mangyari n~g mestisa.

N~guni't sa gayong pagdadala sa kanya sa pagamutan dahil sa ginawa niyang paghihimahimatayan, ay di niya maalaman kung paano ang gagawin. Sa likod n~g nakatabing na tarapal, at habang patuloy na tumatakbo ang kanilang sasakyan, ay nararamdaman ni Elsang maminsanminsang bumubulong sa kanyang m~ga pisn~gi ang namumuyong m~ga labi ni Tirso, kasabay n~g magiliw na pagtawag sa kanyang pan~galan na kinalalarawan n~g sindak at pagmamahal. At ang gayong pagkakalaya na naman ni Tirso, sa kanyang pagkadalaga, ay lalo nang nagpapatibay sa kanyang tinitikang gawin noon.

Subali't ... si Elsa ay nalilito. Hindi niya maubos isipin kung marapat o hindi na bago sila dumating sa pagamutan ay magmulat na siya n~g mata't makipagharap kay Tirso upang sabihin n~g tahasan ang tunay niyang ibig na mangyari. Kung, mapagtalastas naman ni Tirso ang kanyang ginawa'y ¿hindi kaya, mabagot sa kanya? ¿Hindi kaya ikamuhi ang gayon niyang pangliliho, sa halip na siya'y lin~gapi't pakiayunan? ¿At ano ang wiwikain n~g kutsero kung makilala ang kanyang salamangka?

Tila isang malaking escandalo na magbubun~ga n~g maalin~gasn~gas na salitaan sa lahat n~g dako ang ginawa niyang iyon, kapag nahiwatigan n~g kutsero.

Saka, ¿sino ang makapagsasabi kung sa pulutong n~g di kakaunting taong nakasaksi sa ginawa niyang pagpapatibuwal sa m~ga bisig n~g makata ay walang sinomang nakakikilala sa kanya?

Nasa ganitong m~ga pagninilaynilay ang may katutubong lakas n~g loob na mestisa nang walang anoano'y ang kalesang kanilang sinasakya'y biglang nahagip n~g dumaragunot na ambulancia n~g "Hospital General" na nanggagaling sa Intramuros na tumatawid sa Padre Burgos at patun~gong Avenida Taft. Ang kalakasan n~g pagkakabangga ay gayon na lamang na sa isang pikitmata ay nawasak ang kalesa't napahagis sa lupa ang kanyang m~ga lulan. Ang ambulancia nama'y nakalayo pa muna n~g may m~ga dalawampung dipa bago napahinto sa isang gilid n~g lansan~gan.

Sa harap n~g gayon di hinihintay na kasakunaa'y ¿sino ang makahuhula sa napagsapit na palad nina Tirso at Elsa?

¿Patay?

¿Buhay?

Maliksing naba sa sasakyang nakasagasa ang isang manggagamot upang siyasatin ang m~ga nasawi. At di pa gaanong nalalapit sa pook na kinaroroonan n~g m~ga labi n~g nadurog na kalesa't n~g m~ga napahamak na sakay, nang maulinigan na niya ang kalunoslunos na daing n~g tinig n~g babae.

—¡Naku, Tirso ko! ¡Tirso...! ¡Tirso kooo...!

At noon di'y napatambad sa m~ga mata n~g manggagamot ang isang nakahahambal na anyo n~g m~ga nasawi sa banggaang iyon: isang kalesang nagkadurogdurog sa dako roon, nakalugmok na kabayo sa gawi rito, at sa hinaharap niya'y isang lalaki ang nakapalun~gayn~gay at naliligo sa sariling dugo na hinahaplos sa mukha n~g isang babaeng tumatan~gis at tawag n~g tawag sa n~galan n~g lalaki, samantalang ang kutsero'y parang napaghimalaang hindi man lamang nagkagalos sa katawan gayong napahagis sa malayo.

¿Patay n~ga kaya ang lalaking pinananan~gisan?

Kailan~gang siyasatin agad n~g manggagamot.

At nakitang may sugat sa ulo at walang malay tao.

Sa gayo'y madaling tinawag ang dalawang tao n~g ambulancia, saka sinabi sa mestisa:

—Ang sugat n~g inyong asawa ay may kalubhaan po: kinakailan~gang malapatan n~g lunas sa lalong maikling panahon. ¿Itinutulot baga ninyong isakay sa ambulancia?

—¡Para na n~ga ninyong awa, doktor! ...—pasamong tugon n~g babae na di man tumutol sa pagkasabing "asawa" niya ang lalaking may sugat.—¡Sasama po ako...!—ang dugtong pa.

—¿Kayo po ba'y nagtamo rin n~g m~ga kapinsalaan?

—Tila po hindi; n~guni't ang tanang inyong magagawa ay lubos na sana sa pagliligtas sa buhay n~g ... asawa ko.

—Opo; ako ang bahala.

—¿Maliligtas po kaya?

—Tingnan natin ... Tayna.

Sa isang hudyat na ibinigay n~g manggagamot, ay binuhat pagdaka n~g dalawang lalaki ang katawan ni Tirsong pigta sa dugo at malambot na tila sutla. At noon di'y dinala sa ambulancia na inaagapayanan ni Elsa at n~g manggagamot.

Pagkalulan ni Elsa sa tinurang sasakyan ay namalas niya sa loob niyon ang isang babaeng nakakubli ang mukha na nakahigang unat na unat at di kumikilos. Napaghahalatang gaya ni Tirso ay wala ring malay-tao.

—¿Sino kaya ang babaeng ito?—ang di sasalang naitanong n~g mestisa sa loob man lamang niyang sarili.—¿At napapano kaya?

Nang m~ga sandaling iyo'y saka lamang may lumapit na isang pulis na tila sa malayo pa nanggaling.

—¿Bakit at ano ang nangyari?—ang tanong na tila ibig pang magmagaling.

—Isang sakunang hindi kinukusa n~g sinoman,—madaling ipinakli n~g manggagamot.

Ang lahat n~g paliwanaga'y ginanap na lamang sa pahapyaw na ulat n~g manggagamot na sinabi, at pagkatapos na ibigay ang ilang tala na nahihinggil sa ambulanciang nakasagasa, ay ipinahayag sa pulis:

—Hayan ang kutsero: siya ninyong kausapin. Kami ay di makapagtatagal pa. Ang kalubhaan n~g lagay n~g m~ga nasawi ay nan~gan~gailan~gang malunasan kaagad.

At ang pulis ay nagkasiya na sa paguukol n~g ilang tanong sa kutsero, samantalang ang ambulancia ay humaginit na n~g takbong patun~go sa "Hospital General".

Pagkaraan n~g ilang saglit pa, ay napatala sa aklat n~g pagamutang iyon na ang lalaking ipinasok doon, dahil sa pagkabugbog, at m~ga sugat n~g katawan, ay si Tirso Silveira na asawa n~g isang nagn~gan~galang Elsa Balboa ni Silveira.

N~guni, ¿sino kaya naman ang babaeng may karamdamang nakaangkas sa ambulancia?...


XXV

KAKAIBANG PAGAASAWA


Halos wala nang tao sa pook na pinagdausan n~g m~ga pagdiriwang nang magdaan ang trambiang kinalululanan ni Elsang galing sa pagamutang pangkalahatan. Sa liwasang Goiti ay madalang na rin ang nagsisipaghintay n~g trambia, palibhasa'y may kalaliman na ang gabi.

Gayon ma'y patuloy rin kay Elsa ang kanyang balak; sa bahay n~g kanyang tia Basilia sa San Lazaro patutun~go upang doon, manggising man, ay wala siyang sukat ipan~gilag at masasabi na niyang siya'y hindi muna makauuwi sa Pasay pagka't nagtanan na sila n~g kanyang kairugang lalaki.

—Ako'y hindi mangyayaring makagalitan n~g aking tia Basilia,—ang kanyang pinagpaparoonan sa gagawin,—kahi't ano ang aking gawi'y maipagpaparaya niya't ipagtatanggol pa ako sa harap n~g aking kapatid na walang salang magagalit sa akin.

At habang tumatakbo ang trambiang kinasasakyan niya, ay napaguulitulit namang sinasabi sa sarili ang ganito:

—Paggaling ni Tirso, na sapilitang mangyayari n~g hindi bibilang n~g maraming araw, yamang pinatutunayan n~g medikong hindi naman kalubhaang gaano ang tinamong sugat, ay magiging isang katotohanan ang aming pagkakasal. At pagkatapos n~g lahat, taas na naman ang noo kong haharap sa kanila at ipakikilala ang aking nakaisang palad. Kung gayo'y ¿ano pa ang kanilang masasabi? N~guni't upang huwag magkaroon n~g daang mapulaan ako't masisi n~g sinomang makatatalos n~g bagay na ito, kinakailan~gan papaniwalain ko siyang kasal na kami ni Tirso n~gayon pa.

Walang ulikulik n~gang tumawag sa bahay ni donya Basilia ang mestisang pawang kasinun~galingan ang laman n~g ulo nang m~ga sandaling iyon n~g pakikipaglamay sa kasun~gitan n~g gabi.

At pagbubukas n~g pinto n~g kanyang ale, ito'y kaagad niyang hinagkan sa kamay, tanda n~g paggalang.

N~guni't ang maybahay ang unang nagsalita sa patakang tanong:

—¿Elsa, bakit?

—Dito ako matutulog n~gayon, tia,—ang marahan n~guni't may lambing na sagot n~g mestisa.

—¿Saan ka nanggaling?—ang siyasat pa ni donya Basilia.

—Wala po ...—tan~ging naipulas sa bibig ni Elsa.

—¿Walang ano? ¿At sino ang iyong kasama?

—Wala n~ga po....

—¡Ang batang ito! ¡Huwag mo akong patayin sa pagaalaala!

—¡Si tia!—at n~gumiti pa si Elsa sa pagbigkas n~g m~ga salitang ito.—¡Wala po kayong sukat ipagalaala sa pagkaparito kong ito!

—¡Wala raw! Halika n~ga sa loob at dini kita magusap.

Nasok ang dalawa sa isang bulwagang wala nang nakatatanglaw liban sa isang munting bughaw na bombilla na taang talaga sa pagtulog. At pagkalikmong magkaagapay sa isang sopang luma, ay muli na namang nagusisa ang matandang sa mukha ay kinababakasan n~g pagkabagong gising noon.

—Sabihin mo n~ga, hija—anya:—¿bakit ba hatinggabinghatinghatinggabi'y naparito ka?

—Ibig ko lamang pong dito muna makatulog....

—Ibig mo n~ga, nalalaman ko; n~guni't ¿ano ang bagay n~g pagsusumagi mo n~g pakikitulog dito? ¿Nakagalitan ka ba n~g kapatid mo, o nagkaalit kayo ni Dioni?

—Maging alinman po sa riyan ay walang tama. Ako ay hindi sa amin nanggaling n~gayon, at....

—¿At ano?

—... ¡Ayoko munang umuwi sa aming ilang araw, tia!

—¿Bakit at ano n~ga ang sa iyo'y nangyari?

—Ako po ay....

—Ikaw ay ... ¿ano?

—Ako po'y ... Tia, ¿hindi ba kayo nagagalit?

—¡Lokang bata ito!...

—Ako po ay ... ako po'y ... nagasawa na.

—¿Nagasawa ka?

—Opo, tia....

—¿Nalalaman n~g kuyang mo?

—Hindi n~ga po eh....

—¿At nagtanan ka?

—Opo.

—¿Kanino ka nagasawa?

—Sa isa pong lalaking malaon ko nang katipan....

—¿Pangalan?

—Tirso ...

—¿Apelyido?

—Silveira po.

—¡Tirso Silveira!

Ang matanda ay saglit na nagtun~go n~g tin~gin sa ibaba at nagisip.

Kaginsaginsa'y itinanong:

—¿Hindi ba iyan ang masong animo'y kasintahan ni Teang noong araw?

—¡Tia ...—saka idinukmo ang mukha sa kandun~gan n~g ale, at sa muling pagan~gat ay idinugtong:—¿Di ba kayo namumuhi sa akin?

—¿Bakit ako namumuhi?—malumanay na ipinakli n~g matanda na ang isipa'y nagduduklayduklay sa balabalaki n~g kabataan.—N~guni't linawin mo, Elsa: ¿hindi n~ga ba iyan ang nakagustuhan ni Teang na sinasabi mo?

—Sa palad po n~g tao, tia, ay Tadhana lamang ang nakapangyayari. Niloloob po n~g Tadhanang iyan na siya ang aking maging kapalaran....

Si donya Basilia ay natilihan at hindi na nakahuma.

Sumurot nang sandaling iyon sa alaala niya ang naging sanhi n~g pagkaalis sa bahay na yaon n~g mabait na dalagang kanyang inaanak sa binyag. At naalaala ring si Elsa ang may kagagawan n~g gayong nangyari. ¡Napakamakapangyarihan n~ga naman ang dios n~g pagibig sa puso n~g kabataan!

—¿N~gayo'y saan naroon ang asawa mo?—makasandali'y itinanong n~g matanda.

—Hindi ko po kasama ...—ang nagaalan~ganing sambot n~g mestisa.

—¿Saan kayo naghiwalay?

—Sa ... ospital po.

—¿Ha?

—Doon ko n~ga po siya iniwan, sapagka't....

—¿Sapagka't ano?

—Nagkaroon po n~g sugat....

—¡Elsa, alangalang sa Dios, ako'y linawin mo!

—Tia, si Tirso po ay nasa pagamutan n~ga, sapagka't sa di namin hinihintay na sakuna, ay nagtamo siya n~g ilang sugat at bugbog sa katawan....

—¿Anong sakuna? ¿Hinabol ba kayo? ¿Nagkaroon ba n~g away o basagulo?

—Hindi po, n~guni't nang kami ay nakasakay sa isang kalesa ay biglang nasagasaan n~g isang dumaragunot na ambulancia, ang aming sinasakyan, at noon di'y napahagis lamang kami sa malayo....

—¡Susmaryosep!

Sumunod sa ganitong napalakas na salita ni donya Basilia ay biglang nagtaas n~g ulong parang nagulat ang isang matandang babaeng nasa kabila n~g pinto n~g silid na hinaharap n~g pagkakaupo ni Elsa.

—¡Dios ko!—ang pabulalas na sigaw na narinig n~g dalawang naguusap.

—Kumare,—malakas na tawag ni donya Basilia sa nasa silid.-¿Bakit?

Ang matanda ay muling nahiga, bago tumugon.

—Wala, kumare,—nanaginip lamang pala ako. Para ko bang nakitang ang anak ko'y nilalapitan n~g tatlong lalaking may sun~gay.

—Panaginip n~ga lamang iyan; matulog na kayong muli.

Nang hindi na tugunin ang ganitong saad ay itinanong naman ni Elsa sa kanyang ale:

—¿Sino, tia, ang matandang iyon?—ang bulong.

—Si kumareng Magda,—paanas na sagot n~g itinanong.

—¿Si manang Magda? ¿At kailan pa po rito?

—Kaninang tanghali lamang.

—¿At kasama rin po ang pari?

—¡Bah, hindi! Si pari Casio ay wala na sa X ... sa m~ga araw na ito. Nakainisan daw n~g m~ga tagaroon at pinagusig n~g gayon na lamang hanggang sa napalipat n~g ibang bayan.

—¡Hm! ¡May tigas din naman pala ang m~ga taga X ... na di nahuhutok n~g kapangyarihang simbahan!

—N~guni't hindi ganyan ang paghahaka ni kumare,—saka lalong hininaan ang pagsasalita,—Sa katunaya'y ibinigay sa "La Compañia de Jesus" si Teang sa himok n~g paring iyon bago napaalis sa X....

—¿At si Teang po ba'y nasa kolehio n~gayon?

—Matagal na; at siyang sadyang dadalawin n~g kanyang ina, itinaon na lamang tuloy sa pagdating ni Quezon ang pagluwas dito.

—¿Ay bakit naman inalis pa sa "Concordia", gayong sa kolehio't kolehio rin pala ipapasok?

—Mangyari, ang tika ay magmongha raw.

—¿Diyata po't magmomongha si Teang?

—Siyang himok n~g pari na minabuti n~g ina, at kaipala'y sinangayunan na rin naman n~g may katawan.

Hanggang dito ang naging salitaan n~g magale, sapagka't si donya Basilia, na sinasasal na yata n~g antok, ay nagtindig noon din at ipinagsamang masok sa isang silid ang pamangkin upang makatulog na.


Kinabukasan ay ipinagpaunang sabihin ni Elsa sa kanyang tia Basilia na huwag muna sanang ipamamalay kay manang Magda, kung ito ay magising na, ang kanyang pagkapagasawa kay Tirso. Marahil paano't paano ma'y nan~gun~gunti rin naman siyang maalaman n~g manang na iyon na ang kanyang nakaisang palad ay dili iba't ang lalaking nan~gibig kay Teang.

—Hamo't hindi ako kikibo,—ang ayon ni donya Basilia,—n~guni't sa malaon at madali ay sapilitang mababalitaan niya ang bagay na iyan; at kung hindi sa iyo o sa akin unang manggagaling ang pagbabalita sa kanya, ay lalo na siyang magkakamatuwid na maghinanakit o magpalagay n~g di mabuti sa nangyari.

—Kung sa bagay ay katungkulan kong ako n~ga po ang magsabi, subali't ako ay nahihiya ...—ang pakli ni Elsang bahagyang natatawa.

—Ang mabuti'y ganito: walang pagsalang yayain kitang dumalaw kay Teang sa kolehio n~gayong umaga; gawin mo naman, bago ka pumayag, ay anyayahan siyang sumama sa kanilang dumalaw sa ospital, at kapag naroon na'y bahala na siyang mapamangha sa kanyang makikita at ikaw nama'y wala nang gagawin kundi ang sumagot na lamang sa kanyang m~ga sasabihin.

Pagkasabi nito'y hindi lamang ang mestisa ang natawa kundi pati na rin ni donya Basilia. Makasandali ay siya namang hinarap n~g matanda ang pagpapahanda n~g agahan, at si Elsa ay naiwang nakapanun~gaw sa isang bintanang paharap sa halamanan.

Mapamayamaya pa'y sa lalabas na si manang Magda.

—¡Ave Maria Purísima!—ang pagdaka'y ibinati sa nakapan~galumbabang mestisa,—¡Narito ka pala, ineng!—ang dugtong pa.

—Opo, manang,—magalang at pan~giting tugon naman n~g binati, kasabay n~g pagpihit n~g mukha sa kumausap.—Kayo po, ¿kumusta naman?

—Mabuti, Elsa, sa awa't tulong n~g Mahal na Birhen,—saka nakipiling sa kinauupang bangko in Elsa.

—¿Nakapanood ba kayo n~g m~ga kasayahan kagabi?

—Oo. ¡Naku, kay damidaming tao! At nabasa pa tuloy kami sa ulan. N~guni't ... ang kasayahan ay gayon na n~ga lamang; sanggaano mang sigla, ay natatapos din.

—Wala po naman yatang anomang bagay rito sa mundo na walang katapusan, eh....

—Dahil n~ga riyan, kung kaya ako ay walang laging sinisikhay kundi yaong m~ga may kapakinaban~gan hanggang sa kabilang buhay. Tingnan mo; kung kaawaan n~g Dios na makaraos sa pagmomongha ang aking anak, wala nang napakaligayang buhay na gaya n~g tatamuhin ko marahil....

—¡Siya n~ga pala! Si Teang daw ay nasa "La Compañia" para sa ganyang layon, ¿tunay n~ga po ba?

—¡Bah, talagang buongbuo ang loob ko sa tun~guhing iyang ipinakilala sa akin ni pari Casio! ¡Iyan ang pinakadakilang magagawa n~g isang magulang na nagmamahal n~g taos sa kanyang anak na babae!

—N~guni't ang bagay na iya'y naaalinsunod din kaipala sa hilig n~g may katawan. Marahil ay talagang nasa pagmomongha ang hilig ni Teang....

—¿At ikaw? ¿Ayaw ka bang magmonghang paris niya?

—Aywan ko po ba; marahil ay madadali ang buhay ko, kapag ako'y napakulong sa Beaterio at nawalay sa m~ga kasayahan....

—¡Bata ka pa n~ga!

—Ang totoo po, kung ako ang pamimiliin n~g aking dapat na harapin sa buhay na ito, ay walang salang iibigin ko ang magartista, sapagka't, sa ganang aki'y ito lamang ang tan~ging daan upang malasap n~g isang tao ang tunay na katamisan n~g mabuhay sa balat n~g lupa.

Ang huling saad na ito n~g mestisa marahil ay narinig n~g isang lalaking han~gos na pumasok sa tarangkahan n~g bahay na iyon, kaya't buhat pa sa may tapat n~g durun~gawan sa lupa ay malakas nang tumawag.

—¡Elsa!

Si Elsa ay hindi sumagot. N~guni't di sasalang nakilala niya agad ang tinig na yaon, kaya biglang nagitla at pinamutlaan n~g labi.

—¿Sino iyon?—ang painong tanong n~g manang na di nagkaroon n~g katugunan.

—¡Tia Basilia!—ang ulit pa n~g nasa lupa.

At ang matandang maybahay ay dumun~gaw sa isang bintanang makipot ang pagkakabukas.

—¡Ikaw pala!—ang nawika pagkakitang kapatid ni Elsa ang dumarating, saka maliksing humudyat sa pamangking babae n~g hudyat na nawatasan naman agad n~g mestisa.

—¿Nariyan po ba si Elsa?—ang nagkakanggagahol pang tanong n~g nasa lupa.

—Narini; magtuloy ka,—at tumawag noon din n~g isang alila at ipinagutos na buksan ang pinto sa sibi.

Parang dinagukan ang dibdib ni Elsa at, malaong hindi nakapan~gusap, pagkatalos na ang dumarating ay kanyang kapatid, at sa isang may baklang titig sa ale'y waring ibinulong: "¿Paano ang idadahilan ko?"

Ilang saglit pa at nagkaharap ang magkapatid sa nasasaksihan n~g dalawang matanda.

Sa unangunang tin~gin lamang n~g lalaking iyong maputla't waring hindi nagtikim n~g tulog sa magdamag nanagdaan, ay naibulalas nang lahat ang tanang ibig sabihin sa kapatid na ipinalalagay na nagkasala.

Si Elsa ay lumin~gon na lamang at nagtapon n~g isang titig na humihin~gi mandin n~g saklolo sa ale.

Datapwa't si donya Basilia naman ay nalilito sa pagdulang na biglaan sa isip n~g sukat niyang gawing pamamagitan sa magkapatid.

Si manang Magda, na bahagya nang napansin at napagpugayan n~g lalaki, ang tan~ging makapagparinig sa dumating:

—Sinusundo mo na yata siya.

Salamat sa winikang itong nagpapahayag n~g pagkawalang malay sa lihim n~g dalawa, ang maypoot ay nagtimpi at pinilit na tan~gayin n~g isang impit na buntonghinin~ga ang lahat niyang sukal n~g kalooban. Saka bumaling sa nagsalita, at sa masayang mukha'y bumati:

—Manang magda, naluwas po pala kayo n~gayon.

—Oo, at ako naman ang dumadalaw rito, yamang sinoman sa inyo'y walang nagagawi sa aming matagaltagal na.

—Ibig naman daw n~g kumare ko na magkitakita tayong minsan pa,—ikinatlo ni donya Basilia pagkarinig sa himig n~g ganyang payapa nang paguusap,—kaya ba pinigil ko na tuloy na dito na matulog si Elsa kagabi. ¿Nagagalit ka ba sa kanya?—ang tanong pa.

—Hindi po,—itinugong di naiwasan n~g lalaki:—n~guni't kagabi pang hatinggabi'y kamunti na akong makarating dito sa paghanap sa batang iyan....

—How, eh saan ba naman mapapatun~go si Elsa kundi rito sa kanyang tia,—ang saklaw naman ni manang Magda.

Subali't ang mestisa ay hindi nakahuma gaputok man sa sidhi n~g kalituhang naghahari sa kanyang pagkababae. Napasasalamat siya sa pagkakataong iyong kaharap si manang Magda at sa maayos na pagkapamagitan ni donya Basilia; n~guni't nauubos ang kanyang talino'y hindi niya matutuhan ang kanyang marapat gawin upang ang galit ay huwag makapanghinaig sa kanyang kapatid, sakaling mapagtalastas na nito ang nais niyang palitawing siya'y napakasal na kunwa kay Tirso nang gabing natapos.

Mabuti na lamang at ang kapatid niya ay tila hindi magtatagal at mananaog din. Narinig niyang nakipagbalitaan sa manang na taga lalawigan n~g ilang bagay na karaniwan na sa m~ga magkakakilalang malaong hindi nagkikita. At mapamayamaya pa'y nagpaalam na n~gang mananaog at di umano'y may iba pa siyang lalakaring bagay na madalian.

—Magagahan ka muna bago ka manaog ha,—ang pigil ni donya Basilia.

—Hindi po, tia, at ako ay nakatapos na,—ang tanggi n~g inaanyayahan.

—¿Baka hindi pa?

—Tunay po.

—¿Bakit n~ga ba hindi mo kami saluhan muna?—ang sabad pa n~g manang.

—Saka na po ako muling magbabalik.

At pagkasambit nito ay matulin nang nanaog n~g hindi man iniwanan n~g kahi't isang kataga ang kapatid na pinaghanap sa bahay na yaon.

Pagkakain n~g agahan, ang manang ay gumayak nang dadalaw sa anak, at si Elsa't si donya Basilia ay inabang sumama sa kanya.

—Ako ang may ibig na ipaganyaya sana sa inyo, manang,—ang wika n~g mestisa.

—¿Ano yaon?—itinanong n~g tinukoy.

—Kami ni tia ay may dadalawin sa ospital heneral n~gayon, at ibig ko sanang sumama muna kayo sa amin saka na tayo magsamasamang tumun~go sa kolehio panggagaling natin doon.

—¿Sino ang dadalawing iyon?

—Saka na ninyo makikilala....

—Kung gayo'y magbihis na tayo.

Pagkaganap n~g salitaang ito, ang isa't isa ay nagsipagbihis nang sabik ang loob sa kanilang m~ga dadalawin.

Sa darating namang humihin~gal si Dioni, na ang pakay ay ang mestisa ring hindi niya ikinakatulog sa boong magdamag na nagdaan.

—¡Kapatid ko!—ang bati kay Elsang pinagaagawan n~g lungkot at tuwa.

—¡Dioni!—ang sabay yakap na salubong dinatnan.

—Huwag kayong pakain~gay at maririnig kayo,—ang papikpik namang saway ni donya Basilia, at pinapagkubli muna sa isang silid ang maghipag na naguusap samantalang nasa isa pang silid si manang Magda at abalangabala sa pagbibihis.

—¡Akala nami'y kung napaano ka na!—ang nasabi pa n~g mapagalaalang hipag.

—¡Patawarin sana ninyo ako, Dioni! ...—pakumbaba pang sagot n~g mestisa.

—N~guni't dito ka pala matutulog ay maanong sinabi mo kahi't sa akin, nang hindi kami naligalig n~g gayon na lamang.

—Dioni, marahil ay kahulihulihan ko nang pagkakasala sa inyo ni kuyang ang pagkukulang kong iyan, at inaasahan kong ikaw man lamang ay hindi pa nauubusan n~g magandang loob na maipagpapaumanhin sa akin. ¿Hindi ba?

—Oo na n~ga, datapwa't ... pinapagalaala mo kaming lubha. Paris n~gayon: ¡hindi ko maalaman kung saan na nakarating ang kuyang mo sa kahahanap!...

—Kapapanaog pa lamang niya.

—¿Nanggaling na rito?

—Oo....

—¿Ano ang sabi sa iyo?

—Wala naman. Nakabuti ang pagkakataong narito si manang Magda nang siya'y dumating. N~guni't gayon ma'y lihim ding naihagis sa akin ang isang nanglilisik na tin~ging kamuntik nang tumupok sa akin....

—Pasalamat na tayo, Elsa, kung iyon na lamang ... At kung gayong nagkakita na kayo n~g wala namang sinabi sa iyo, ay hindi na kikibo iyon. Subali't ¿bakit n~ga ba dito ka nakatulog at di ka na nakauwi? ¡Hindi mo naman dating ginagawa iyan!

—Di ko n~ga dating ginagawa, Dioni, iyan ang totoo. Dahil diya'y mahuhulaan mo kaipala, na may bagay na nagtulak sa akin sa ginawa ko....

—¿Maipagtatapat mo ba sa akin ang bagay na iyan?

—Bakit hindi, ay sa ikaw lamang namang talaga ang katapatan ko n~g aking m~ga lihim.

At noon di'y sinabi na n~ga ni Elsa ang gaya n~g kanyang m~ga ipinahayag kay donya Basilia: na siya ay napakasal na kay Tirso nang gabing nagdaan at dahil doo'y hindi na muna siya uuwi sa Pasay.

Dili ang hindi natulo ang luha ni Dioni, pagkarinig n~g m~ga pahayag n~g kanyang minamahal na hipag.

—¿Ayaw mo bang si Tirso ang maging kapalaran ko?—itinanong mayamaya n~g mestisa.

—Hindi sa ayaw, kundi. ¡sa di oras ay nagkalayo tayo!—ang lipos kapanglawang ipinakli n~g hipag.

—Dinaramdam ko, Dioni, n~guni't ... kung dumarating nang ganito ang sukat n~g tao ay sadya palang hindi maiiwasan.

Sa wakas, nang mapagusapan n~g maghipag ang mabuting paraan n~g pagpapamalay sa kapatid na lalaki ni Elsa n~g kanyang pagkapagasawang patanan, ay pinagkaisahan nilang ang pamamanihalain sa gagawing iyon ay si donya Basilia na, yamang malaki naman ang alangalang at pitagan niyon sa anomang sabihin nito.

—Gawan mo na lamang sana n~g paraang mapadalhan ako agad n~g ilang kasuutan,—ang ipinagbiling huli n~g mestisa.

—Hamo't ipasasaglit kong madali rito, samantalang wala sa bahay ang kuyang mo.

Pagkasambit nito ay lumabas sí Dioni't nagpaalam na kay donya Basilia. Sa han~gad na masalisihan ang pagkawala sa bahay sa Pasay n~g kapatid ni Elsa, at upang maparating na maluwag ang damit na kanyang hinihin~gi, ay minabuti na nitong huwag nang ipagsama sa "Hospital General" ang kanyang hipag.

Subali, nang si Dioni ay masakay na sa isang trambiang kung makahagibis ay mistulang hari sa bawa't lansan~gang pagdanan, ay saka nagunitang hindi pala naibalita sa kanya n~g mestisa kung saan ginanap ang sinabing pagkakasal. Kaya't naibulong tuloy sa sarili:

—¿Saan kaya sila ikinasal?...


XXVI

¿SINO ANG ASAWA NI TIRSO?


Nang manhik sa "Hospital General" sina Elsa, manang Magda at donya Basilia, ay dili ang hindi nila napansin na may isang alin~gasn~gas na nangyayari sa bulwagang laan sa m~ga maysakit, na babae.

N~guni't kung ano ang sanhi n~g ligamgam na iyon ay hindi na nila hinan~gad alamin. Sapagka't samantalang nagkakaisa n~g paniwala ang dalawang matanda na yao'y likha lamang marahil n~g sinomang may mabigat na sakit na kaipala'y naghihin~galo o naghihirap na, bagay na di sasalang pangkaraniwan sa m~ga pagamutang paris niyon, ang tan~ging nagsisikip naman sa puso n~g mestisa ay ang masidhing pananabik na makarating siya kaagad sa piling n~g makatang kanyang pinakaiibig.

Tuloytuloy n~ga silang nasok sa silid na kinararatayan n~g makatang si Tirso, at ito ay dinatnan nilang sa malas ay payapang nahihimbing.

Napuna ni Elsa na ang manang, matapos anianinawin ang mukhang bahagyang nakalitaw sa nakapabalibid na m~ga taling kayo sa ulo n~g natutulog, ay lihim na kumalabit sa kamay ni donya Basilia, at mandi'y itinanong kung sino ang maysakit na iyon. Si donya Basilia nama'y nagkibit lamang n~g balikat sa halip na tumugon. Hinihintayhintay niyang ang pamangking mestisa ang magpakilala kay manang Magda. N~guni't ang lahat ay parang gumagalang sa kahimbin~gang kinapapalautan n~g makatang nararatay. At halos walang ibig na magbuka n~g bibig.

Subali't ... ¿bakit kaya baga't napagmasdan nilang may n~giting gumuhit sa labing maputla n~g lalaking yaon?

¿Nakagising kaya o nananaginip?

Lumapit si Elsa sa dakong ulunan, at saka tumawag:

—Tirso....

Dapwa't ang lalaki ay hindi sumagot,

—¿Sinong Tirso iyan?—ang di napigilang usisa n~g manang kay donya Basilia, pagkarinig sa pan~galang iyon.

—Asawa ni Elsa ...—patutok sa tayn~gang pakli n~g tinanong

—¿Asawa?—ang pamanghang ulit sa marahang turing n~g matandang manang.—¿Diyata n~ga baga at nagasawa na ang inyong pamangkin?

Tuman~go na lamang si donya Basilia, at sa isang hudyat ay waring sinabing "Mamaya na ninyo malalamang lahat".

At kaginsaginsa'y nakita na namang bahagyang tumawa ang makatang kalong n~g pagkakahimbing, bago pagkatapos ay umun~gol muna at saka gumalaw ang maputlang labing tila bumubulong.

—Hindi n~ga sasalang siya'y nan~gan~garap,—ang wikang namitiw sa bibig ni Elsa.—Ang buhay n~ga nama'y isang pan~gan~garap na walang pagsawa ...—anya pa.

Subali at ¿anong m~ga pamimigkas ang narinig nila?

¡Mahiwagang tula!

Natulig si Elsa n~g gayon na lamang nang maunlinigan ang ganitong saad:

Teang ko, Teang ko, ang biro ng palad

sa ati'y huwag mong ipagalapaap;

naririto ako't hanggang huling sukat

n~g ating daratni'y sumisintang tapat.


¿At tumatangis ka? ... Ang luha mong iya'y

tipirin sinta ko't di pa kailangan,

sa piling ng aking malamig na bangkay

saka mo na roon guguling minsanan....


Ang isip mo't diwa'y papanumbalikin

sa pagmamahal ko't payapa tang hintin

ang muling pagngiti ng buwa't bituin.


Bayaan ta munang itaboy sa dagat

ng mga buhawi ang dilim ng ulap,

at saka lakbayin ang lupang mapalad.

¡Panibagong tinik na biglang humalang sa lumuluwag nang paghin~ga ni Elsa!...

¿Diyata't hanggang sa m~ga sandaling mabin~git sa labi n~g libin~gan ang buhay ni Tirso ay si Teang din ang laman n~g diwa't katalatalamitam n~g kanyang kaluluwa?

¡Gaanong paghihinagpis na naman ang sumambilat sa puso n~g mestisang walang palad sa pagibig sa pagkarinig n~g tulang yaon na ang bawa't pantig ay busog na sumisibat sa kanyang m~ga tayn~ga!...

At, ang paghihinagpis ay lalong nagulol nang marinig niya ang may baklang tanong n~g matandang manang:

—Elsa, ¿sinong Teang ang aking narinig na tinatawagtawag?

—....

Mahabang sandaling walang kumikibo sa loob n~g silid. Sa m~ga matang nanggigilalas n~g mamang at sa nahihiyang nahahapis na mukha n~g mestisa, ay nabasa ni donya Basilia ang di mailarawang pangyayaring likha n~g mahiwagang tulang kabibigkas n~g makata.

¡Oh, pagkalungkotlungkot na sandali ang tinatawid noon n~g mestisang kailan man yata'y hindi na magtitikim n~g kaluwalhatian, n~g ganap at lubos na kaluwalhatian sa pagibig!...

Naroroon siya nang umagang iyon upang ipagparan~galan sa dalawang matanda ang lalaking ayon sa una niyang pahayag ay siyang pinagtiwalaang magari n~g kanyang n~gala't kapurihan, datapwa't nang ang pagpapakilala'y halos bubukhin na lamang sa kanyang m~ga labi, ay
... saka niya tinanggap ang isang katunayan n~g kanyang walang
hanggang pagkasiphayo at pagkapawakawak n~g pagkababae niya at dilang pagasa....

Madilim na madilim n~ga ang nakikita ni Elsa nang m~ga sandaling yaon. Sa kanyang ulana'y waring nararamdaman niyang ang lan~git ay bumababa't tila danggan sa kanyang nanglalatang katawan, at sa kanyang paana'y parang natutunghang nunuka ang lupa't kung baga sa ganid ay anyong siya'y sisilain hanggang sa magkadurogdurog ang balangkas n~g kanyang kahalihalinang alindog....

Sa laki n~g panghihilakbot sa harap n~g kanyang naguguniguni'y tinangka n~g mestisa ang sumigaw n~g ubos lakas upang sa gayo'y tumighaw ang kanyang nagsisikip na paghin~ga, nguni't kung tayahin niya'y may bikig siya sa leeg at ang dila niya'y hindi makapalag sa dami n~g gapos....

Salamat na lamang at kaginsaginsa'y nagmulat n~g mata ang makatang galing sa pananaginip.

Nagisnan ni Tirsong sa may paanan niya'y dalawang matanda ang nagbubulun~gan, subali't di niya namamalayang sa dakong ulunan ay naroon si Elsang malamlam ang mukha sa taglay na hapis.

Upang mapakimatyagan ang pinagbubulun~ga'y muling pumikit ang nararatay. At noon di'y kanyang naulinigan na sa may ulunan niya'y nagbungtonghinin~ga si Elsa. Bigla siyang pumihit at lumin~gap sa dakong kinaringgan n~g nasabing buntonghinin~ga. At namasdan niyang malungkot na malungkot na nakapan~galumbaba ang kanyang mestisa.

—Elsa ...—ang unang pumasnaw sa bibig ni Tirso ... ¿Kanina ka pa ba?—ang dugtong na tanong.

—N~gayon lamang ...—- malumbay na sagot.

—¿Ang iyong kasama?

—Sina manang Magda at tia Basilia.

Ang dalawang matanda'y marahang lumapit sa naguusap. Sinalubong naman n~g makatang nakahiga n~g isang malugod at magalang na n~giti.

—¿Kumusta?—ang may kapalagayang loob na bati ni donya Basilia na parang inaaming hindi na iba sa kanya ang lalaking iyon.

—Mabuti na po naman daw, ayon sa mediko ...—mabanayad na pakli ni Tirso.

—Nanaginip ka yata,—ang wika pa n~g matandang iyong ale ni Elsa, samantalang ang mamang nama'y napapatun~gan~gang hindi makaimik.

Nagitla si Tirso sa gayong sinabi.

¿Bakit kaya't nalalaman yata n~g matandang iyon ang panaginip niya? ¿Binigkas kaya niya n~g malakas ang tulang maliwanag pang nalilimbag sa kanyang pangtanda? ¡Oh, baka narinig na ni Elsa ang pagkakabanggit niya sa n~galan ni Teang!...

Sa hangad na matiyak ang tunay na nangyari'y hinagisan n~g mapun~gay na sulyap ang mukha ni Elsa. ¡Ah, tila n~ga nababanghay ang isang panibughong hindi karaniwan! ¡Hindi n~ga sasalang narinig ni Elsa! ¡Kay samang pagkakatoon!

Ibig niyang aruin ang kanyang mestisa ay hindi magawa, pagka't may m~ga kaharap. At ¿hindi kaya naman napakinggan n~g manang ang n~galan ni Teang na nababanggit sa kanyang tula? ¿At ano kaya ang palapalagay n~g matandang ito sa tulang yaong bunga n~g pangarap?

—Paglabas mo rito ay sa aming bahay kayo magtitira.—ang makasandali'y narinig na naman ni Tirsong sinasabi ni donya Basilia.—Ganito ang pinagkasunduan na namin ni Elsa, samantalang hindi pa kayo napapanhik sa bahay n~g kanyang kapatid sa Pasay.

Humigit-kumulang ay nahulaan n~g lalaki ang taglay na kahulugan n~g m~ga salitang yaon. Kaya't ni kataga n~g pagayon, ni kataga n~g pagtutol, ay wala siyang isinagot. Ang ibig niyang mangyari, kung magagawa lamang, ay ibaling na sa iba ang kanilang paguusap.

Subali't nan~gagkatigilan silang parapara nang maulinigan nilang patuloy na lumulubha ang ligalig na nangyayari sa isang bahagi n~g gusaling iyon.

Ang dalawang matanda ay siyang unang nakapuna sa gayong paglubha, sapagka't mula sa dun~gawan n~g silid ni Tirso sa "Floor No. 3" ay natin~gatin~gala nilang marami ang taong nagkakagulo sa "Floor No. 6" na nauukol sa m~ga babae.

—Elsa,—ang tawag n~g manang sa mestisa,—may pinagkakaguluhan sa ibayong kuwarto sa dakong itaas.

—Marahil po'y isang may malubhang sakit na naghihin~galo na,—ang tugon n~g tinukoy.

—¡Kaawaawa naman! ¡Nakapan~gumpisal na lamang sana!—ang padalan~gin pang saad ni manang Magda.

—¿Bakit n~ga kaya't nan~gagtatakbuhan ang m~ga mediko't nurse na doon ang tun~go?—ang tanong pa rin ni donya Basilia.

—Marahil n~ga po'y mayroong malubha ang karamdaman,—ang ayon ni Tirso sa narinig kay Elsa.

—Kung gayon lamang ay ¿bakit kay dami pang mediko ang kailan~gang magulo?

—Kung ako n~ga marahil ang maghihin~galo ay walang maliligalig na sinoman ...—ang may pahagkis na saad n~g mestisa.

—Maaaring magkagayon,—ang sunggab n~g nakaratay, kung ako ang mauunang mamatay sa iyo. Datapwa't ... Elsa, kung mamamatay ba naman ako ay ¿magagambala ka?

—¡Kung magusap ang m~ga batang ito!—ang himig pasaway na inihadlang ni donya Basilia.—Nasa talaga n~g Dios ang asawa mo, Elsa, at hindi kayo nararapat maggamitan n~g ganyang pan~gun~gusap.

Ang mestisa ay hindi na naman umimik. Ang makata lamang ang tumugon:

—Wala po namang anoman ang pinaguusapan namin ...—mahiyahiyang wika na nilakipan n~g isang masayang n~giti.

—¿Ano n~ga ba ang inyong dinaramdam, at bakit baga may tali kayo sa ulo?—itinanong naman n~g manang.

Saka lamang naipaliwanag ni donya Basilia sa kanyang kumare ang kanyang natatalos sa bagay na iyon. At sa ginawang paguulat n~g ale ni Elsa tungkol sa naging sanhi n~g pagkaratay sa pagamutan ni Tirso, ay napaguwiuwi n~g makatang ito na ang pagkakabalita n~g naturang mestisa ay talagang napakasal na sila nang gabing sinundan.

Hindi siya kumibo.

Siyang pagakabukas n~g pinto n~g silid. At isang nurse na humihin~gal ang biglang humarap sa kanilang tatlo.

—Ipagpatawad po nila ang pagkakapasok ko,—ang magalang na bati sa m~ga dinatnan, at saka lumapit sa nakahiga't ito ay tinanong:—Kayo si G. Tirso Silveira, ¿ano po?

—Ako n~ga po,—malumanay na tugon n~g lalaki.

—¿Ano po ang kanilang sadya?—ang katlo naman ni Elsang nurse ang hinarap.—Siya n~ga si Tirso Silveira, ang aking asawa,—ang pakilala pa.

Biglang natilihan ang tinurang nurse nang marin~gig ang sabi n~g mestisa. "¿Sino ang tunay na asawa n~g lalaking ito?" ang di sasalang naibulong sa sarili sa laki n~g mangha.

—¿Ano n~ga ba ang maipaglilingkod?—ang tanong pa ni Elsa, samantalang nakikimatyag sa salitaan ang dalawang matanda.

Maikling sandali pa ang namagitan bago nakasagot ang tinukoy.

—Ipagpatawad po nilang sabihin ko na sa kaibayong kuwarto ay isang babaeng tila nasisiraan n~g bait ang naghihihiyaw at bumabanggit n~g inyong pan~galan,—ang wikang kay Tirso nakatin~gin.—At kayo ay ipinakikiabot, tinatawag n~g ubos lakas, at waring napaliligtas sa isang malaking kapahamakan ... ¿Itinutulot ba ninyong ipakuha ko kayo rito at sandaling sumaglit sa kinaroroonan n~g babaeng sinabi?

—¿Ano po ang pan~galan?—ang panabay na usisa n~g dalawang magkumare.

—Hindi ko naitanong sa kasamahan naming nagbabantay sa kanya, n~guni't inaakala kong makikilala ninyo pagdating natin doon.

Napaban~gon si Tirsong hindi na naghintay n~g sinomang aalalay sa kanyang nanghihihang katawan. N~guni't gaputok may hindi nagsasalita. Sa liblib na pitak n~g kanyang dibdib, hindi sasalang may sinasarili siyang isang malaking lihim.

—¿Ibig mo bang pumaroon?—ang tanong ni Elsang tila may balisa, na rin sa gunamgunam.

—Ibig kong lumapit sa tumatawag ...—nanghihin~gapos na sambot n~g maysakit.

—Kung gayon po'y magpapakuha ako n~gayon din n~g inyong sasakyan,—anang nurse na maliksing lumabas.

Halos di naglipat sandali't dumating ang sasakyang kinuha na iginugulong n~g dalawang lalaki.

—Ihihilig po kayo rito,—ang wika n~g masipag na nurse.

—Huwag na po,—ang tanggi ni Tirso,—ako'y lalakad na lamang....

—Baka kayo mapagod na totoo....

—Kaya ko na ang aking katawan.

At pagkasambit nito'y marahan nang tumindig at umanyong lalakad.

—Akbayan mo, Elsa,—ang utos n~g ale.

Subali't ang utos na iya'y tila hindi narinig n~g pamangking pinagsabihan, sapagka't ang buong pagiisip nito ay ganap na nabuhos noon sa pagtatanong sa sarili kung sino n~ga ang babaeng iyon na ibinabalitang tumatawag sa n~galan ni Tirso.

—¿Sino n~ga ba ang babaeng yaon?—ang ulit pang tanong ni donya Basilia.

—Aywan n~ga po ba,—ang sambot n~g nurse habang sila'y samasamang lumalakad sa lagusang palipat sa ibang bulwagan.—N~guni't ang sabihanang narinig ko ay kagabi idinating ditong may kasamang isang lalaking sugatan sa loob n~g isang ambulancia, galing sa Intramuros at itinelepono n~g isang pulis.

Nagibayo ang sikdo n~g puso ni Elsa, pagkarinig sa m~ga pahayag n~g nurse.

¿Diyata n~ga kaya't yaon na ang babaeng walang malaytaong nakapiling ni Tirso sa loob n~g ambulanciang nakasagasa n~g kalesa?...

Isang iglap na lamang at mapagkikilala kung siya ay sino....


XXVII

¡APOY!...


Natatakot, sumisigaw, tumatan~gis....

Alan~gang malinaw ang isip at alan~gang nahihibang; unat at taas ang m~ga kamay na tila nalulunod at tumatawag n~g makasagip; m~ga matang halos magkanglulusot sa laki n~g sindak, na parang nakakikita n~g isang kapan~ganyayaang mahirap iwasan; m~ga patak n~g luhang pabugsobugsong nanaloy sa humpak n~g pisn~gi: mukhang kahabaghabag na nakikipan~gagaw sa kulay n~g suka; samongsamong na buhok na wari'y dinaanan n~g matinding buhawi; katawang pumapalag na anaki'y nagpupumiglas makatakas sa kamay na yumayapos ... iyan ang sa biglaang paglalarawa'y siyang pagaanyo n~g babaeng yaon na kinabubuntahan nang umagang iyon n~g dilang pagkagulumihanan sa "Hospital General".

M~ga medikong manakanakang nagtatanong, m~ga nurses walang matutuhang gawin sa pagaaruga; maraming maysakit na nagban~guna't lumapit sa isang dulo n~g bulwagang pinagbubuhatan n~g alin~gawn~gaw; saka iba pang m~ga kawaning takangtaka sa nangyayari, ang m~ga pan~gunang saksi sa ganyang anyo at m~ga kilos n~g tinurang maysakit na tumatawag sa n~galan ni Tirso.

At ang sinasabi sa gumagaralgal at pauntolutol na tinig ay nabubuo sa ganitong m~ga katagang halos di maunawaan gayong maliliwanag:

—¡Asawa ko! ¡Asawa ko! ¿Saan ka naroon? ¿Nahan ang awa mo?... ¡Halika! ¡Tirso! ¡Halika! ... ¡Ikaw lamang ang makapagliligtas sa akin sa kapahamakang ito!...

—¿Sinong Tirso ang inyong hinahanap?—ang tanong n~g isang manggagamot na kaharap doon.

—¡Si Tirso Silveira! ¡Ang aking asawa! ... ¡Ay Tirso! ¿Nasaan ka n~gayon? ¡Parito ka't lin~gapin mo ang aking napagsapit!...

Marinig ito n~g isang nurse, ay madali n~gang nanaog na nagtungo sa silid n~g makatang nasa ibang bahagi n~g gusaling iyon.

Samantala'y patuloy ang m~ga pagtataka, at patuloy ang m~ga pagsusumigaw n~g abang maysakit na di nagsasabi kung siya ay sino.

—¡Patawarin mo ang aking m~ga pagkakamali! ¡Limutin mo ang aking m~ga pagkukulang! ¡Oo, Tirso, inaamin ko ang pagkabulag n~g aking paniwala at ang pagkapatun~go ko sa ligaw na landas! ... ¡Minarapat kong tumalikod sa layaw n~g mundo at sampu n~g sumpang isinangla sa iyo ay aking hinamak, sa pagaakalang kabanalang dakila itong aking pinagsakitang marating! Datapwa't ... ¡hindi pala! ¡Ang Beaterio, na nang una'y itinuring kong isang Paraiso na katatagpuan n~g dilang luwalhati n~g babaeng banal, ay siya palang tunay na impiyerno sa balat n~g lupa, isang parusahang kinasasadlakan n~g m~ga nahihibuan n~g buktot na hatol! ¡Ang m~ga taong itong kung sabihin n~g aking m~ga ninuno'y matapat na alagad n~g Kabanalang sinugo n~g Dios upang maghasik sa daigdigang ito n~g malusog na binhi n~g Dakilang Asal, at di umano pa'y m~ga tagapagakay sa m~ga kinapal na ninitang ginhawa, ay wala pala kundi m~ga kasumpasumpang kawa n~g Pagpapakunwari na sa tulong n~g balatkayong Tumpak na Pananampalataya'y nagiging halimaw na laging uhaw na mapagsamantala sa puri at dan~gal n~g kahima't sinong mahulog sa kanilang inuumang na lambat! ... ¡Ah, n~gayon ko nakilala ang malaking pagkakamaling aking nagawa laban sa iyo, asawa ko! ¡Dahil sa iyong pagkakasapi sa isang Kapisanang di ko nakilala, pagkasaping ayon sa paring di ko nahulaang may imbot, pala sa aking pagkababae'y sukat daw upang ikaw'y pangdirihan n~g sinomang gaya kong may loob sa Dios, minarapat ko ang sa iyo'y lumimot ... pinagsisihan ko n~g gayon na lamang ang pagkakilala sa iyo ... aking ininis sa sariling dibdib ang pagsintang tumibok na kusa sa mura kong puso ... at ang kadalisayan n~g aking pan~gako ay kusang hinamak at pinapagmaliw n~g lubuslubusan ...! ¡Patawad n~ga, Tirso, ang hinihin~gi sa iyo nitong asawa mong nagbabalik-loob!...

At, habang hindi naglulubay n~g kasasalita ang babaeng iyon na kahi't pagbawalan ay para ring di nakaririnig, sa isang hiwalay na umpok n~g ilang kataong kabilang sa m~ga nalilimpi sa palibid n~g tinurang babae, ay siya namang pinananayn~gahan ang ganitong pahayag n~g manggagamot na umaaming siyang kasama sa ambulancia nang gabing nagdaan:

—Dinatnan kong ang babaeng iya'y walang ulirat na nakalugmok sa harap n~g pulis na tumelepono rito kagabi; hindi masabi n~g pulis na iyon ni n~g sinoman sa ilan pa kataong nagmamalas sa kanya, kung siya ay sino at kung saan galing. Pagdaka'y nakita na lamang daw n~g pulis na susuraysuray na sumasalubong at napasasaklolo sa kanya, n~guni't pagkalapit ay bigla na lamang napahandusay. Nang aking siyasati'y may ilang bugbog sa katawan, na mahihinuhang gawa n~g pagkakahulog mula sa alinmang mataas na lugal. Ang aming ambulanciang ikinuha sa kanya ay nakasagasa naman sa raan n~g isang kalesa. At sa banggaang iyo'y isang lalaki ang nasawi. Walang malaytaong ito'y dinala rin namin, kasama n~g isang mestisang pagdating dito ay nagpahayag na asawa niya. Ipinatala n~g tinurang mestisa na ang pan~galan n~g kanyang asawa ay Tirso Silveira. At n~gayo'y ... ¡hayan at Tirso Silveira rin ang isinisigaw n~g babaeng iyan!

—¡Kay laking hiwaga!—ang nagpalipatlipat sa isa't isang bibig.

Kapagkuwa'y narinig na namang nagsisisigaw ang babae.

—¡Oh, Tirso! ¡Narito na naman ang halimaw na ganid! ¡Narito't anyong ako'y gagahasain! ¡Iligtas mo ako, Tirso! ¡Halika!...

Siyang pagsipot sa bulwagang iyon n~g lalaking pinagpatalastasa't sinundo n~g nurse kasunod si Elsa, si donya Basilia at si manang Magda.

Pagkairinig sa huling pagibik na iya'y ang manang ang una at boong liksing nakalapit, n~guni't si Tirso ma'y naroon na ring hawak sa bisig ni Elsa.

—¡Anak ko!

At sa loob n~g isang pikitmata halos ay tambing nang dinuhapang na niyakap n~g matanda ang abang maysakit. N~guni't ito ay waring di nakakikilala n~g tao't parang walang naririnig na anoman. Nasa m~ga bisig na n~g matanda, ay isang sigaw pa, sigaw na ubos lakas, ang narinig n~g lahat.

—¿Nasaan ka, Tirso? ¡¡Tirso!!...

Mabilis na tulad sa kidlat, ang tinawag na di pa natatanaw n~g nagpapagibik ay biglang nagkawala sa, pagkakapigil n~g kaakbay na mestisa at parang limbas na dumaluhong sa harap niyon, kasabay n~g tawag na:

—¡Teang!

Si Teang ang maysakit. At sa tawag na ito ay waring natauha't pinagsaulan n~g lakas n~g katawan at linaw n~g isip.

—¡Ah, si Tirso!...

At noon di'y naghulagpos sa m~ga kamay ni manang Magda at matuling lumipat sa m~ga bisig n~g makata.

Halos napigil ang paghin~ga n~g tanan sa gayong hindi akalaing mapanood.

—¿Teang, ano ang nangyari sa iyo?—ang patakang tanong n~g manang, samantalang ipinan~gan~gamba sa sarili ang pagkabaliw n~g anak, ayon sa ginawang pagyakap sa lalaking itinuturing na asawa ni Elsa.—¿Bakit naparito ka? ¡Naku, bunso ko!...

Nagbalik na naman sa bisig n~g ina ang abang si Teang.

—¡Ina ko! ¡Patawarin ninyo ako!...

At ang m~ga labi'y nagpalitan n~g halik: halik n~g anak sa kamay n~g ina; at halik n~g ina sa noo n~g anak....

—¿Nagkasakit ka ba?

—Hindi po; nguni't ... ¡oh, ang m~ga taong pinaghabilinan ninyo sa akin! ¡Patawarin nawa sila ni Bathala sa di nila nalalamang kanilang ginagawa!...

—¿Sinong m~ga tao?—ang pabiglang sunggab ni Tirso.—¿At nilapastan~gan ka ba? ¡Teang ituro mo at gagawin ko ang nararapat!

—Salamat, Tirso ... Huminahon ka't napawi na ang sigwa....

—¿Lumabas ka bang kusa sa kolehio?—ang tanong na naman n~g inang manghangmangha sa nangyari sa anak.

—Opo, inang; at sa ginawi kong ito'y inuulit kong, ako'y inyong patawarin, yamang ito ang tan~ging naging kaligtasan n~g anak ninyo. ¡Ah, ayokongayoko nang mag mongha! ¡Siya n~ga, inang! ¡Mamatay na muna ako bago muling matira n~g isang saglit sa loob n~g Beaterio!... ¡Maano nawang mabunyag na sa lahat n~g m~ga kababayan natin ang alin~gasaw n~g kabulukang naluluom sa loob n~g m~ga pinid na pinto't dun~gawan n~g m~ga gusaling ito!—Saka ibinaling sa makata:—Tirso, n~gayon ko napagtalastas kung bakit inibig mong mapatiwalag ka sa bakuran n~g Papa ... ¡May labis kang katuwiran!...

Samantala, ang dinaranas na pagpupuyos n~g budhi ni Elsa, habang nagiging saksi siya n~g lahat at lahat, ay di mailalarawan n~g lalong bihasang panitik.

May puso n~ga siyang nasasabi'y di niya maalaman kung tumitibok pa nang sandaling iyon ... Ang m~ga mata niya'y naroroo't nakadilat n~ga, subali't hindi niya maturol kung may nakikita pa ... Nakikinig siya sa pook na yaon, n~guni't sa kanyang m~ga tayn~ga'y isang kawang kuliglig mandin ang nagpapanabay na tumutulig at nagpapalito sa kanyang isipan....

Datapwa, nang magsalita ang katabi niyang ale na si donya Basilia at ibulong sa kanya sa anyong tila naninisi ang "¿Anong gusot, Elsa, itong pinasok mo? ¿Napakasal ka n~ga ba sa lalaking iyan, o ako'y iyong pinaglalakuan?" ay napukaw ang kanyang kaluluwa't sa kaibuturan n~g dibdib niya'y nagban~gon ang larawan n~g kapalaran niyang inaamis ni Teang, pagkaamis na humihin~gi n~g kanyang pagtatanggol, n~g kanyang paghihiganti, n~g kanyang tanang magagawa....

Sa isang an~gat n~g ulo ay nanglilisik na naipako niya ang kanyang m~ga panin~gin sa mapagwaging anyo ni Teang sa piling ni Tirso; at wala siyang makitang anomang karapatang tinataglay n~g babaeng iyon upang umagaw n~g kaligayahan niya ... Si Teang ay isang babaeng kung kinasilawan man n~g paghan~ga ni Tirso ay nilimot na naman nito, at siya—si Elsa—ang sa wakas ay pinagsanglaan n~g lalong mahal na hiyas n~g puso at pinaghasikan n~g matimyas na punla n~g isang pagibig na wagas at dalisay. Ang punlang iyo'y inaalagaan ni Elsa na taglay ang taimtim at tunay na pagmamahal, sa pananalig na sarili niya at tan~ging siya lamang ang may kapangyarihang maghari sa pagibig n~g naturang makata ... saka n~gayon sa namamalas niya'y si Teang ang kayapos n~g m~ga bisig ni Tirso ... ¡Oh, hindi niya mababata!

—¡Tirso, sukat na ang pagbibigay!—ang malakas na wika sa nan~gan~gatal na tinig.—¡Gunitain mong naririni akong nagmamasid sa iyo!

Ang lahat n~g mata'y napabaling at sukat sa nagbitiw n~g m~ga katagang iyang kulog manding sumambulat sa pangdinig ni Teang. At ang panggigilalas ay lalo nang nagulol at lumaganap sa tanang naroon.

Ang tin~gin ni Elsa at titig ni Teang ay nagkasagupang tulad sa dalawang sandatang nagkapingkian sa laot n~g paglalamas; dapwa't laban sa katan~giang likas sa isa't isa, sa pagkakapingking iyo'y si Elsa ang napipilan wari't siyang nagbaba n~g tin~gin, pagkapalibhasa'y may nabasa siya mandin sa m~ga balintataw ni Teang na isang katotohanang kinasilawan niya: ang katotohanan n~g pagkapariwara n~g lahat niyang pagasa.

N~guni't kay Teang, ang gayong pagyuko ni Elsa ay nagpapanumbalik naman n~g dati niyang pakikipagpalagayan sa mestisang ito, kaya't parang hindi dinaanan n~g ulap ang maaliwalas na lan~git n~g kanilang pagkikilala'y malugod niyang tinawag ang pan~galan nito.

—¡Elsa!—anya, at kasabay ang lapit na idinugtong:—Naniniwala akong kaya ka naririto'y dahilan sa akin, ¿hindi ba?

—Isinama lamang ako ni tia ...—ang may lungkot na pakli n~g mestisa.

—¿Ang ninang ko pati ay naririto?—at noon di'y pinagala ang tin~gin sa dami n~g taong nakapalibid, at hinanap si donya Basilia.

—Naririto ...—bahagya nang naitugon ni Elsa.

—¡Ah, ninang!—ang boong tuwa't pananabik na ibinati pagkakita sa hinanap, at pagdaka'y tinakbong niyakap at hinagkan sa kamay,—¡Anong himala't naparito tayong lahat!

Walang kumibo sa m~ga kaharap. Lahat ay nasa panonood at pagtataka.

Sa katotohanan, ang m~ga kilos ni Teang nang umagang iyon ay naging kapunapuna't malayo sa dati niyang asal. Marahil ay gawa n~g lagnat na nadama n~g inang umaapoy sa kanyang katawan.

Hindi hinihintay ni manang Magda na ang kanyang anak na babaeng pinalaki sa mabuting turo ay mamasdan niyang yumupyop na gayon sa dibdib n~g isang lalaking sa pagkabatid niya'y asawa pa naman n~g iba, ni Elsa. Si donya Basilia man nama'y natitilihan din n~g gayon na lamang, sa dahilang hindi niya maubos liripin sa sarili kung ano't itong lalaking sinasabing asawa ni Elsa ay siya pa namang ipinagibang kilos n~g mabait na babaeng kanyang inaanak sa namamalas n~g mestisang iyong dapat sanang masakita't magubos n~g kaya sa paguusig. At si Elsa naman, sa kanyang sarili, ay lalo nang may malaking ipinagiba. Kaikailan man ay hindi siya nan~gimi sa harap ni Teang kundi nang m~ga sandaling yaon. Samantalang si Tirso, habang nagtatagal n~g pagmamalas sa kaibigibig na alindog n~g babaeng unang nagkapan~galan sa kanyang puso, ay lalo nang napapatdahan n~g dila't sa laki n~g galak na lumulunod sa kaluluwa'y hindi makabigkas n~g isa mang kataga.

Subali't si Teang ay patuloy sa pagpapahan~ga....

Si Elsa't si donya Basilia ay hinawakan sa kamay at iniagapay sa kinatatayuan n~g inang si manang Magda sa harap n~g makata. At ang sabi pagkatapos:

—Inang, ninang, kaibigang Elsa ... huwag kayong mamangha sa ipakikilala ko: ang lalaking pinaghabilinan ko n~g aking kapalara'y naririto: si Tirso Silveira.

—¡Teang!—ang halos panabay na nasambit n~g tatlo.

—Huwag kayong magalaala: kasal na po kami....

—¡Hindi manyayari!—ang bigla't patiling hadlang n~g mestisang mistulang pinagdaupan n~g lan~git at lupa sa sandaling iyon.

—Nangyari na, Elsa ...—malumanay na tugon ni Teang.

—¡Pangahas!—ang bulalas na wika n~g nasasakitang mestisa, at umanyong duduhapan~gin ang kanyang katun~go.

—¡Dios ko!—ang tili n~g manang.

—¡Elsa!—malakas na tawag naman ni donya Basilia.

Siyang pamamagitan ni Tirso.

—Elsa ...—anya sa mahinahong pamimigkas.—Nalalaman kong si Teang ay para mong tunay na kapatid at dati kayong matalik na magkaibigan. Nalalaman ko rin na ang kaligayahan at kapalaran n~g isa sa inyo ay di lamang hindi ipagdaramdam ni ikaiinis n~g isa pa, kundi bagkus ikalulugod n~g walang pasubali. At kung sakasakali mang may nagkukulang sa sinoman sa inyong dalawa, ang pagkukulang na iya'y ipinagpaparaya rin alangalang sa katalikan n~ga n~g inyong pagsasama. Elsa, ¿hindi mo ba ikinalulugod ang kaligayahan n~g kaibigan mong si Teang?...

—Tirso ...—boong lumbay na ipinakli n~g mestisa,—¿diyata ba't isa ka pa sa magpapainom n~g lason sa akin sa tulong n~g matatamis na bulaklak n~g dila? ... At parang di alumanang sa palibid nila'y hindi kakaunting tao ang nagmamasid at nakikimatyag; ay isinusog pa sa nan~gan~gatal na, tinig:—Tapatin mo ako, Tirso: ¿hindi na ba ikaw ang Tirsong sinanglaan ko n~g lalong mahalagang hiyas n~g aking puri at nagdulot sa puso ko n~g pagasang balang araw ay sasayurin ko ang walang hanggang ... kaluwalhatian?

—¡Tirso ko!—ang sabat ni Teang na waring ... nagpaalaala n~g isang mahalagang tungkulin.

—Pumayapa ka, Teang,—ang salo n~g makata, bago pumihit na muli sa mestisa.—Elsa, ang m~ga nalilihis na hakbang ay di nararapat ipagpatuloy. Kung tunay na ako'y pinahahalagahan mo, ay inasahan kong iyong paiirugan ang isa kong samo: magpatawaran na tayo....

—¿Magpatawaran? ¿Ibig mo bang sabihi'y ipalupig ko sa babaeng, iyan ang aking dilang pagasa?...

—Hindi, Elsa; subali't ... ipinagtatapat kong taglay ni Teang ang boong karapatan sa narinig mong kanyang sinabi.

—¿At nahihibang ka ba?...

—Nahihibang ay hindi; datapwa't ... kinikilala kong ang isa't isa sa atin, Elsa, ay may kanikanyang pagkakasalang marapat patawarin n~g pinagkasalanan.

—¡Pagkakasala! ... ¿Anong pagkakasala ang ibubuhat mong aking nagawa pagkatapos na tupdin ko ang tanang itinitibok n~g aking puso sa pagkakilala sa iyo?—At sa pagsasalita n~g ganito'y; naramdaman n~g mestisang untiunting nagdidilim ang kanyang m~ga panin~gi't bahabahagyang nanglalabo ang kanyang pangwatas.

—Elsa, sa dakong iyan n~ga may bagay na dapat tayong kilalanin: na ang pakikipagtalik sa babae, kung minsan, ay nagiging paglalaro n~g apoy at sa ating pagkikilala ay sinasabi ko sa iyong ako ... ay nadarang, nasalab, napaso. Dahil dito'y patawarin mo n~ga ako, at sa lahat at lahat ay pinatatawad naman kita....

Ganap nang naglaho ang tanang namamalas n~g m~ga balintataw ni Elsa. At sa isang pikit-mata'y pabiglang nagbulalas n~g matunog na sigaw.

—¡Apoy! ...—saka nilabnot ang buhok at taas ang dalawang bisig na humarap sa madla,—¡Apoy na nakapapaso ang babae! ¡Ang babae'y nakadadarang, nakatutupok! ... ¡Ha-ha-ha-ha! ... ¡Tabi kayo't naito ang apoy! ¡Ang apoy! ... ¡Ha-ha-ha-ha-ha!...

At ang kahabaghabag na mestisa, ay naging baliw sa isang saglit....

Walang paalam, pasugod, tumatakbo at han~gos, sumisigaw at kumukumpas, humahalakhak at walang nakikilala, walang naririnig ... ang abang si Elsa ay nagmistulang bagong Sisa sa dahas n~g dagok n~g kasaliwaang palad na kanyang kinamtan....

Matulingmatuling naba at lumayas sa pagamutang iyon na animo'y salaring tumakas sa bilangguan, n~g sa likura'y nilisang ayaw mang pansinin ang di magkamayaw na tawag nina donya Basilia, manang Magda at n~g iba pang may paglin~gap sa kanya....

¡Kahambalhambal na naging wakas n~g sawingpalad na mestisang kung nakagawa man n~g malulubhang kamalian, ay walang iba kundi yaong ibinubuyo at iniuupat n~g isang pagibig na walang kapantay sa kasidhian!...


WAKAS

Maynila, K.P.,

Pebrero 7, 1920.



TALABABA:

[A]

Ang fox trot na ito ay nilapatan n~g tugtugin n~g kilalang gurong si G. León Ignacio, at sa ilalim n~g pamagat na ANG MESTISA ay maaaring matagpuan sa m~ga aklatan at tindahan n~g tugtugín. Bagay na bagay sa m~ga sayawan.



A.Nolasco Hatter


Plaza Goiti